“PLEASE, let us go the extra mile!”
Ito ang pakiusap ni Manila Mayor Isko Moreno sa lahat ng kawani ng Manila city government, kasabay ng pag-anunsyo niya ng pamimigay ng kanilang mid-year bonus sa May 18 sa kabila ng mga kinakaharap na hamon ng lungsod sa gitna ng pandemya.
“I am happy for you…you deserve it. Kahit madaming gastusin, tustusin at dapat pang gastusan at tustusan, malugod kong sinasabi na tuloy ang ating mid-year bonus. Kung ano ang due sa inyo, ibibigay, kahit hirap na hirap tayo. ‘’Yung bimpo, pigang-piga na,” sabi ng alkalde.
Pinuri din ni Moreno ang mga kawani ng lungsod sa kusang loob na suporta nito sa mga hakbang ng pamahalaang lungsod na layuning tugunan ang mga problemang dala ng COVID-19, sa kabila na ito ay hindi na sakop ng kanilang tungkulin.
“Magpasalamat tayo sa Diyos, me konti pa tayong porbecho. Although karapatan natin ‘ yan, walang masama na suklian natin ito ng tapat, maayos at episyente na paglilingkod. Let us go the extra mile to serve the people. Palagay ko naman matutuwa ang taumbayan pag nakita nilang malugod silang pinaglilingkuran,” dagdag ni Moreno.
Sa kanilang bahagi ay nangako naman ang alkalde at si Vice Mayor Honey Lacuna na ipagpapatuloy ang lahat ng kanilang makakaya sa pagbibigay ng pinakamabuting serbisyo para sa lahat ng mamamayan ng Maynila.
Tiniyak din ni Moreno na silang dalawa ni Lacuna ay maingat sa kaban ng bayan at tanging sa mabubuting gawain lamang ginugugol ito at walang nasasayang kahit na isang sentimo.
Sinabi din ng alkalde na maraming dapat na ipagpasalamat ang mga kawani ng pamahalaang lungsod dahil aniya hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataon na maglingkod sa kanyang kapuwa at sila ay nabibilang sa mga maswerteng mayroong hanapbuhay at kumikita sa kabila ng pandemya.
“Andaming nawalan ng trabaho. tayong taong-gobyerno, di nawawalan, me konti pang porbecho. Pasalamat tayo sa Diyos na bahagi tayo ng gobyerno. Umulan o bumagyo, magka-delubyo man, a-kinse at a-trenta, me sweldo tayo. Ngayon me bonus pa. Sa a-disiotso (May 18), madidisgrasya n’yo na” Sabi ni Moreno.
Ang kabuuang halaga na inilagay para sa bonus ay umabot ng P350 million. (ANDI GARCIA)
The post “Please, let us go the extra mile!” appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: