“HOSPITAL of choice sa gitna ng pandemya.”
Ganito buong pagmamalaking inilarawan ni Manila Mayor Isko Moreno ang kasalukuyang estado ng Sta. Ana Hospital (SAH) sa ilalim ng direktor nitong si Dr. Grace Padilla, nang batiin niya ang lahat ng nasa likod ng operasyon ng pagamutan sa okasyon ng ika-11 taong anibersaryo nito noong April 30.
Si Moreno kasama ang mga punong opisyal ng kabisera ng bansa na kinabibilangan nina Vice Mayor Honey Lacuna, Secretary to the Mayor Bernie Ang, city administrator Felix Espirtu, Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) chief Arnel Angeles at Manila City Council Majority Floorleader Atty. Joel Chua, ay nagpalitan ng papuri kay Padilla at sa mga kawani nito dahil sa pagsisikap ng mga ito na marating ang kasalukuyang estado nito bilang nangungunang ospital pagdating sa paghawak ng mga kaso ng COVID-19.
Maging sina Angeles at Chua ay inalagaan at gumaling sa SAH nang sila ay tinamaan ng coronavirus.
“Talagang nakaka-proud bilang mayor na pinagbubutihan ninyo nang husto ang paglilingkod sa kapwa,” pahayag ni Moreno habang pinapapurihan niya si Padilla, medical workers at staff sa kanilang dedikasyon at tapang sa pagpapatakbo ng ospital.
Sa bahagi naman ni Lacuna, pinapurihan nito ang mga SAH personnel: “Ang pagsisikap ninyong maghatid ng de kalibreng serbisyo-medikal ay sadyang kapuri-puri lalo na nitong isang taong nagdaan na tayo ay naharap sa pandemya.”
Samantala ay binigyang pansin naman ni Ang kung paano naging mas mahusay ang performance ng SAH nang maupo na bilang bagong alkalde si Moreno.
“Hindi namin nakita ang galing ng Sta. Ana Hospital until now, during this pandemic. Dito namin nakita na Sta. Ana is really one of the best in the Philippines,” ayon kay Ang.
“Saludo kami lalo na kay Director Padilla. Napakagaling, hindi lang ako ang nagsasabi kundi lahat kami sa City Hall. Hangang-hanga kami sa lahat ng mga staff ng Sta. Ana, very accommodating at talagang napakagaling.” Dagdag pa nito.
Ipinangako naman ni Moreno at Lacuna na patuloy na maghahanap ng paraan upang mabigyan ang SAH ng mas mahuhusay at mas high-tech na equipment na katulad sa mga pribadong ospital at mas madagdagan pa ang mga tauhan nito.
Sa kanyang live broadcast, pinasalamatan ni Moreno ang yumaong si Mayor Fred Lim na naging kasangkapan sa pagtatayo ng SAH, at sinabing mabilis at agad na ipinatupad ni Lim ang ordinansa na lumikha ng pagtatayo ng SAH. Bilang vice mayor noong panahon ni Mayor Lim, si Moreno ang nagpasimula ng pagbuo ng nasabing ordinansa sa Manila City Council bilang presiding officer.
Binalikan ni Moreno ang mga panahon kung saan pangarap niyang makapagpatayo ng ospital sa Sta. Ana at gayundin ang lahat ng kanyang pagsisikap na nagbigay daan sa pagtatayo nito. Ang nasabing ordinansa ay nagkakaisang sinangayunan ng mga konsehal at mabilis ding ipinasa sa Manila City Council sa ilalim ng pamumuno ni Moreno at agad ding ipinatupad ng executive department sa ilalim ni Lim.
“Sumalangit nawa ang kaluluwa ng ating dating Mayor Alfredo Lim… ito (SAH) ay isa sa mga alaala niya sa atin.. masaya lamang ako para sa inyong mga taga- Sta. Ana at taga-sixth district,” pahayag ni Moreno.
Ang SAH ay siyang lugar kung saan matatagpuan ang Manila Infectious Disease Control Center, COVID molecular laboratory, RT-PCR machines at city’s storage facility for COVID-19 vaccines. Dito rin ginagawa ang pagi-eksamin ng lahat swab test specimens na ginawa sa ibang ospital at drive-thru testing center para malaman ang resulta. Kamakailan lang ay nakakuha ng license to operate mula sa Department of Health ang SAH para sa sarili nitong Rapid HIV Diagnostic Algorithm Testing Laboratory. (ANDI GARCIA)
The post Sta Ana Hospital, ‘Hospital of Choice’ sa Gitna ng Pandemya – Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: