Facebook

Takbo Digong takbo

PATAKBONG nagsumbong sa kapanalig na hukluban ang siga ng Davao nang ipahayag ni ex-Sen. Sonny Trillanes na papasok sa nominasyon ng pagkapangulo bilang kandidato ng oposisyon. Nagkandarapa na nagsumbong sa matandang hukluban na idinahilan ang usapin sa West Philippine Sea, ngunit hindi ito ang tunay na dahilan, ang totoo ay kung paano sasanggain ang mga darating na akusasyong ibabato ni SenTri sa duwag ng Davao. Sa totoo lang, nang lumapit ito sa mga kaibigan o Gabinete na tulungan sa laban sa WPS, walang kumilos upang harapin ang usapin.

Batid ng mga ito na may desisyon na kaya’t walang dapat nasayang na oras sa isyu. Walang nagtanggol kay Totoy Kulambo kaya’t walang ibang matatakbuhan kundi ang kuyang kasing edad ni Matusalem na umiihi na sa salawal at nagpapakitang gilas lamang na kaya sumabay sa usapin gayung ang tindig nito’y paiba-iba depende sa kung sino ang nakaupo sa puno ng Balite sa Malacanan.

Sa pag-uusap ng dalawang hukluban, tinatayuan nito ang walang kwentang posisyon na hindi kaya ng bansa ang makipag gera sa Tsina sa kawalan ng kapasidad laban dito. Sa isip ng mga hukluban, tiyak na malulupig ang bayang ito dahil hindi nito kayang tumayo at lumaban sa Tsina lalo’t malalakas ang mga armas nito. Mga abogado ang nag-uusap subalit ayaw harapin ang legal na usapin na pinanalo ng bansa sa UNCLOS.

Ayaw masira ang pakikipagkaibigan kay Xi ng Tsina kahit ang kapalit ang teritoryo ng bansa. At panahon na daw upang maghanap ng bagong kaibigan ang bansa na lagi na lang nakaasa sa Estados Unidos. Nariyan ang mga tinuran na hindi handa ang EU na tumulong sa bansa kung magkakagiyera. Ang tanong bakit giyera, gayong nariyan ang legal na paraan at nariyan ang mga batas na sumasakop sa mga bansa hinggil sa mga usapin ng teritoryo lalo na ng mga karagatan.

O’ baka hindi ito ang tunay na dahilan? Ano ang pinag-usapan ng dalawang hukluban habang hindi tumatakbo ang kamera. Hindi kaya si SenTri na alam nating loves ng mga ito?

Mataas ang paniniwala ng Batingaw na ang pagtakbo ni Totoy Kulambo sa matandang hukluban ay hindi mismo sa usapin ng WPS, malamang ito’y hinggil kay SenTri. Alam ni TK na may alas ang matandang hukluban laban sa butihing senador kaya’t ito ang tinakbuhan upang pantapat kay SenTri na minsan ng nagkabanga sa Senado.

Subalit kabisado ng butihing senador ang kilos ni TK, at alam nito na parang isang manok na taas ang puluhan ni TK kapag nagsasalita ito sa mga isyu ng WPS, bakuna, laban sa droga, katamaran, kamangmangan, korapsyon, paglabag sa karapatang pantao at marami pang bagay na lubhang nagpapakakak sa kanya na ayaw ng humarap at baka mapupog. Labis ang takot ng sisiw ng Davao at baka matamaan ng hagupit ng tari ng Magdalo.

Silipin natin ang mga alagad nito sa dalawang bahay ng kongreso, mga bulag, pipi at bingi ito sa laban ni Totoy Kulambo. Walang gustong sumawsaw sa usaping bayan tulad ng WPS, bakuna at marami pang iba. Alam ng mga ito na maselan ang mga usapin at hindi magandang sawsawan at baka mamantsahan ang kanilang katauhan lalo sa mga nag-aambisyon ng re-election. Batid ng bayan ang karakas ninyo, sa ngayon pa lang magpakitang gilas na kayo tumayo sa tama at totoo.

Kitang-kita ang pag-aatubili ng mga kakampi ni Totoy Kulambo dahil kabisado ng mga ito ang tikas ni SenTri at ang lumayo sa usapin ang pinakatamang gawin. Hayaan si TK, laban niya yan harapin niya.

Sa pagharap ng kuya nitong kasintanda ni Matusalem, talaga namang nagbalik lang at walang dalang bagong pasabog. Batid na ang kapasidad nito sa paglulubid ng istorya mula sa pagpapatambang na nagbigay daan sa pagdeklara ang ML noong 1972, mga kudeta at pandarambong ng pondo ng pamahalaan. Lahat ng akusasyon ng hukluba’y madaling sinangga ni SenTri sa pagsasabi ng katotohanan na inutusan ng dating pangulo.

Ipinakita ang husay sa senado hanggang sa mga back chanelling negotiations na nagresulta sa pagbaba ng bilang ng mga militia o barko ng Tsina sa pinag-aagawang karagatan. Walang magawa ang kababata ni matusalem kundi hukayin muli ang mga intriga na matagal ng sinagot ni Sentri. Nagbabakasakali na mawindang ang butihing senador sa mga banat nito.

Subalit ang katotohanan ang nagpalaya dito at walang epekto sa katauhan nito na kahit anong putik ang ibato’y hindi madumihan na parang laba sa Tide na panlaba. Gulat ka no?

Sa usapang kalye, tila alang binesa ang resbak ni TK at ang pagsusumbong sa matandang hukluban. Hindi kinagat ni Mang Juan ang paglulubid ng mga ito hingil sa mga kwento na kahit ang barbero’y ‘di kagat ang istorya nito. Hindi kayang ibida sa ginugupitan at baka batukan dahil kabisado ang mga kwentong bangit na pawang walang katotohanan.

Hindi mapagkakapitan. Hindi bibilhin ni Mang Juan. At ang mabigat nito, galing ito sa mga taong nagtataksil sa bayan at ibig isalin ang sama ng kanilang gawa sa taong may malinis na kasaysayan. Hindi nabahiran ng kung anong dumi sa paglilingkod bayan, sa halip itinaya ang puri upang labanan ang mga bugtot sa pamahalaan, hindi tumakbo, nakulong at ipinakitang kayang humarap kahit kanino dahil malinis ang kahapon at ang mithi sa bayan.

Sa kabilang banda, naghahanda si Totoy Kulambo sa hinaharap sa kabatiran na ipakulong ito ni SenTri sa oras na manalo sa halalan ’22. Tunay na nangangatal at gagawin ang lahat upang mapigilan ang napipintong pagtakbo ni SenTri na sa pagkakaisa ng oposisyon ay posibleng manalo. Gagawin ang lahat at sa dulo ng oras, maghahanda sa pagtakbo patungo sa Huan hindi kay Mang Juan na lugar ni XI na kaibigan daw niya, ewan natin sa oras de peligro? Kaya Totoy Kulambo, takbo, tumalon o dumapa kung kailangan at pag-inabutan, sa karsel ang iyong paglalagyan. Takbo Digong Takbo…

Maraming Salamat po!!!

The post Takbo Digong takbo appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Takbo Digong takbo Takbo Digong takbo Reviewed by misfitgympal on Mayo 20, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.