MABIGAT ang akusasyon ng mga kawani ng isang hindi kilalang opisina sa ilalim ng Department of Finance (DoF) – ang One Stop Shop Interagencyt tax Credit and Duty Drawback Center, o OSS-Center. Ang DoF ang pangunahing opisina upang kumulekta ng buwis at iba pang kita ng gobyerno. Ang OSS-Center naman ang sangay na nagsusuri o nag-aapruba sa mga refund na buwis ng mga kompanyang sangkot sa pagluluwas ng mga produkto sa ibang bansa.
Hind basta tsimis ang akusasyon ng mga kawani ng OSS-Center sa mga state auditor ng Commission on Audit. Inakusahan ang mga CoA auditor na sa mahabang panahon ay kinasisindakan sa iba’t ibang sangay ng burukrasya. Isinakdal nila ang CoA sa Korte Suprema ang CoA. Nagpetisyon sila sa kataas-taasang hukuman na itigil ang mga mapang-aping Notice of Disallowances (NDs) sapagkat naging kasangkapan umano ang mga NDs upang apihin sila.
Hiningi ng mga kawani sa Korte Suprema ng certiorari at writ of prohibition matapos makatanggap ang OSS-Center mula 2018 sa CoA ng mahigit 11 salansan ng 578 Notices of Disallowances (NDs) kasangkot ang walong kumpanya at kabuuang halaga ng P2.216 bilyon. Nagsumite sila ng 168-pahinang petisyon na nagbigay ng detalye kung saan humingi sila 11 petisyon upang repasuhin ang mga NDs , ngunit dalawa lamang ang sinagot ng CoA. Hiningi nga mga kawani ang paggamit ng isang special audit report kung saan ibinase ang pag-isyu ng mga NDs.
Kasama sa petisyon ang alegasyon na binago ng CoA ang probisyon ng Article 39 (j) ng Executive Order 226, o ang Omnibus Investment Code kung saan isa ang OSS-Center sa mga sangay na gobyerno na magpapatupad, at ang pagbabago sa nilalaman ng OSS-Center executive committee resolution (ExCom) na ipinasa noon ika-19 ng Oktubredo, 2020. Kumplikado ang dalawang binagong batas, ngunit ayon sa kanila, binaluktot ng mga state auditor umano ang laman upang bigyan ng katarungan ang kanilang mga NDs kahit walang sapat na basehang legal.
Sa mahabang panahon, ang CoA ang pangunahing ahensya ng gobyerno na nagsisiwalat ng katiwalian sa gobyerno. Mahirap banggain ang CoA sapagkat may mga CoA report, o ulat na nagtataglay ng mga detalye at katibayan sa mga katiwalian at hindi tamang paggasta sa salapi ng bayan. Isa sa mga constitutional offices ang Coa at binigyan ito ng poder ng Saligang Batas upang tasahin o alamin kung maayos ang paggasta ng pondo na bayan. Proteksyon sa kaban ng bayan, sa maikling salita.
Paano kung ang CoA ang may kamalian? Sino ang magwawasto sa mga tagawasto ng maling paggastos sa salapi ng bayan? Mahirap bang sagutin ang mga tanong?
***
IMBES na pulungin ang National Security Council at humingi ng payo at gabay kung ano ang gagawin sa mga laksa-laksang sasakyang pandagat ng China na nasa West Philippine Sea (WPS), ang mga dating pangulo na lang ang pupulungin ni Rodrigo Duterte at kakausapin ng tila nababaliw na lider. Hindi namin alam kung may kakayahan ang mga dating pangulo upang bigyan siya na matinong payo.
Sakitin si Erap Estrada at kalalabas lang mula sa ospital dahil sa Covid-19, ayon sa anak na si Jinggoy, dating senador. Hindi namin alam ang kakayahan niya na magpayo kay Duterte dahil hindi kilala si Erap bilang marunong. Edad 93 na si Fidel Ramos at hindi namin alam kung nasundan ni FVR ang usapin. Siya ang pangulo nang lusubin noong 1995 ng mga Intsik ang Mischief Reef, isa sa mga bahura sa Spratlys. Nagtayo ang Intsik ng mga istraktura doon na ikinabahala ng Filipinas.
Si Noynoy Aquino ang pangulo na nagdesisyon at nagdala noong 2013 ng asunto, o arbitration case sa Permanent Arbitration Commission ng United Nations Conference on the Law of the Sea (UNCLOS). Nanalo ang Filipinas sa asunto at itinuring ng Commission na kathang isip ang teoryang Nine Dash-Line, ang batayan sa pag-angkin na China sa halos kabuuan ng South China Sea kung saan ang WPS ay bahagi. Hindi pinakinggan ng Commission si sinabi ng China na kanila umano ang South China Sea. Hanggang ngayon pinagtatawanan ang China sa pag-angkin.
Hindi kinilala ni Duterte ang panalo ng Filipinas sa UNCLOS. Pilit na binabaligtad ito ni Duterte. Pilit na pinahihina ang posisyon ng Filipinas. Isa ito sa mga dahilan kung bakit tinatawag si Duterte na “taksil sa bayan,” “traydor” at “Makapili.” Isa itong dahilan kung bakit nababahala si Duterte. Mukhang hindi niya matanggap na tawagin siyang taksil sa bayan sa totoong buhay at kasaysayan.
Maraming netizen ang nagsabi na hindi dapat dumalo si PNoy sa pulong ni Duterte sa mga dating pangulo. Wala sa katwiran kung dadalo siya. Malinaw ang isinasaad ng desisyon: Panalo ng Filipinas sa Arbitration Commission. Nakasulat ang panalo sa bato at bahagi ang desisyon ng international law na kinakapitan ng international community. Ano ang saysay ng pulong kundi gamitin sila, kasama si PNoy, upang bigyan katwiran ang kanyang labis na pagkiling sa China? anila.
Hindi totoo ang kanyang ipinangangalandakan na “neutral” ang patakarang panlabas (foreign policy) ng Filipinas sa ilalim ng kanyang madugo, bastos, at kinasusuklaman na gobyerno. Hindi ito neutral sa totoo lang. Bagaman itinatwa ang Estados Unidos, kumiling labis sa China. Maraming Filipino ang nagpahayag ng hindi pagsang-ayon sa pagbabago ng foreign policy na kanyang inilahad nang pumunta siya sa Peking noong 2016 bilang panauhin ng China. Nagtengang kawali si Duterte sa mga batikos.
Kung dadalo si PNOy, wala siyang dapat gawin kundi magmatigas at sabihin nang tahasan kay Duterte na nandiyan ang desisyon ng Arbitration Commission. Hindi siya dapat unahan ni Duterte. Hindi siya dapat pagamit kay Duterte na hanggang ngayon ay nasa defensive mode sapagkat hindi maampat ang taguri sa kanya na taksil sa bayan. Pilit humahanap ng kakampi si Duterte at hindi dapat iparamdam ni PNoy na kumakampi siya kay Duterte at tinutulungan niya ito. Wala siyang dapat itulong sa kanya.
Napuntusan si Duterte dahil sa dalawang walang kaingat-ingat na pahayag. Una niyang sinabi na bahagi ng China ang West Philippine Sea. Pangalawa niyang sinabi na isang bungkos lamang ng papel ang desisyon ng Arbitration Commission. Marami ang nabahala dahil isinusuko ni Duterte sa China ang pag-aari saa West Philippine Sea. Hindi mapigil ang daloy ng banat at atake na isa siyang ahente ng China. Kahit si Duterte ay nabahala sa matinding batikos.
Mukhang si GMA lamang ang maaaring pumunta sa ipapatawag na pulong. Pro-China si GMA at inaasahan na puro assist pass ang gagawin niya. Walang ipinagkaiba si GMA kay JPE sa pananaw ng iba.. Mas mapanganib si GMA kapag walang suot na neck brace, ito ang biro ng mga netizen.
Pinilit niya na kumuha ng kakampi sa Gabinete. Tanging si Harry Roque at Sal Panelo ang tumugon sa anyaya. Mahinang klase si Roque at Panelo at pinagtatawanan sa komunidad. Maraming kasapi ang hindi sumama dahil natatakot na binansagan na “pro-China” at “taksil sa bayan” na tulad ng inaabot ni Duterte. Bahala siya sa buhay niya – ito ang mukhang asal ng maraming kasapi sa Gabinete.
Hindi nagklik si Juan Ponce Enrile bilang kakampi sa usapin. Walang kredibilidad si JPE at hindi sineseryoso ng maraming netizen ang kanyang mga pinagsasabi. Alam na gusto niya na mapalaya ang kanyang matapat na ayudante na si Gigi Reyes na nakakulong dahil sa pagkakasangkot ni JPE sa iskandalo sa PDAF na umabot sa halagang P10- bilyon.
***
ANG National Security Council ang tamang forum upang pag-usapan ang mga hakbang na maaaring gawin ng Filipinas sa usaping panseguridad kasama na ang tunggalian sa China sa WPS. Ayaw ni Duterte na sumangguni sa NSC dahil kasama sa ahensyang ito si Bise Presidente Robredo na tumututol sa paninindigan ni Duterte. Nandiyan sa NSC si Teddy Locsin bilang kinatawan ng Department of Foreign Affairs (DFA). Takot si Duterte na pupupugin ni Leni at Teddy.
Hindi katig ang DFA bilang institusyon sa paninindigan ni Duterte sa WPS. Kapansin-pansin na may sariling pahayag ang DFA na kabaligtaran ng paninindigan ni Duterte. Hindi kanya ang DFA, ngunit hindi niya matanggal si Locsin sa takot na magkaroon ng krisis sa kanyang Gabinete. Mapangahas si Locsin at pinaglalaruan niya ang kanyang amo na nagmumukhang katawa-tawa sa world community. Iisa ang posisyon ng mundo sa usapin ng WPS. Tanging ang desisyon ng Permanent Arbitration Commission noong 2016 ang dapat kapitan sa madali. Sinabi na ito ng Estados Unidos at Japan. Walang magawa si Duterte upang ipagtanggol ang kanyang amo sa Peking
The post Mandaraya ang COA? appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: