MULI na naman nagbunga ang pagsisikap ng ating pinamumunuang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa pagtutok nito sa mahigit isang dekada ng kaso ng Maguindanao Massacre, nang maaresto ng ating kapulisan ang isa pang suspek sa karumal dumal na krimen laban sa mga mamamahayag na nangyari sa Maguindanao noong November 23, 2009.
Sa ulat na pinadala sa PTFoMS ni Col. Donald A. Madamba, Provincial Director ng Maguindanao Police Provincial Office, kinilala ang suspek bilang si Andrian M. Singkala alias Yamani Baga Dimaukom. Ang pagkakadakip kay Singkala ay dahil na rin sa maigting na manhunt para sa mga natitira pang mga suspek sa masaker na iniutos na rin ng PTFoMS sa Bangsamoro Autonomous Region Police Office.
Ito ay sanhi na rin ng ating inilabas na direktiba sa naganap na ‘virtual meeting’ sa mga opisyales ng Maguindanao province noong March 1, 2021 upang bumuo ng Special Tracker Team na siyang tuutok sa paghahanap ng iba at natitirang mga suspek sa krimen, na agad namang nagresulta sa pagkakadakip kay Singkala.
Ang warrant of arrest laban kay Singkala atbp. ay yaon pa ring ipinalabas ni Quezon City Regional Trial Court Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes na siya rin nagbaba ng hatol na habang buhay na pagkabilanggo sa mga pangunahing suspeks sa masaker na sina Datu Andal Ampatuan Jr. at Zaldy Ampatuan kabilang ang mahigit apatnapung (40) pa, na kanilang mga tauhan kabilang ang ilang kapulisan sa lugar noong gawin ang krimen.
Ibinaba ang hatol noong December 19, 2019 kasama ang mga arrest warrant para sa mga suspek na nakalalaya pa at nagtatago, na siya namang pinagsisikapan ng PTFoMS na mahanap pa ng ating mga awtoridad.
Ikinatuwa naman ng ating boss na si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na umuupo ring Co-Chairman ng PTFoMS ang pagkakahuli kay Singkala at sinabing patunay lamang ito na prayoridad ng Administrasyong Duterte ang pagtulong sa media lalo na sa pagkakadakip ng lahat ng may kinalaman sa masaker.
Pinasalamatan din ni Andanar ang walang humpay na pagsisikap ng kapulisan at ng ating Task Force sa pagtugis sa mga nagtatago pang mga suspek. Anim na mga suspek na ang nadadakip ng pagsisikap na ito.
Hindi naman namin talaga titigilan ang paghahanap sa mga nakalalaya pang may kinalaman sa Maguinadanao Massacre at iba pang krimen na nagawa sa mga kasapi ng media sector. Kasama ito sa sinumpaan naming tungkulin.
Ang inyong pamahalaan, kapulisan at ang PTFoMS ay di titigil sa paghahanap sa lahat ng gagawa ng karahasan laban sa sino mang mamamahayag,lalo pa itong kaso ng masaker.
Sa 58 kataong pinatay sa masaker, 31 ang kasapi sa hanay ng media na sumama lamang noon para tutukan ang pagpafile ng kandidatura ni Buluan Vice Mayor Esmael Mangundadatu para sa pagka-gobernador ng bayan ng Ampatuan, Maguindanao. Subalit tinambangan sila ng angkan ng mga Ampatuan at pinagbabaril bago ibinaon sa lupa kasama ang kanilang mga ilang sinakyan na kabilang sa caravan.
Ang mga ganitong pagtutok sa kaso laban sa karahasang ginagawa sa mga media ang pangunahing tungkulin ng PTFoMS na naitatag sa kaunaunahang kautusan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte mula ng manungkulan ito bilang lider ng bansa, na siya ring nangako sa mga pamilya ng mga biktima, na sa ilalim ng kanyang panunungkulan ay makakamit nila ang hustiya, na nangyari naman noong 2019 nang bumaba ang hatol laban sa mga suspek.
Ang inyong Task Force ay magpapatuloy sa pagbibigay suporta at seguridad sa sino mang mamamahayag na makararanas ng karahasan sa pagtupad lamang ng kanilang mga tungkulin. Hindi kami titigil sa paghahanap ng mga suspek at mastermind na nasa likod ng mga krimeng ito. Abutin man ng mahabang panahon ang aming paghahanap maging sa hustisya para sa mga media na naging biktima ng mga krimen.
The post Walang tigil na paghahanap appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: