TINAKBUHAN ng isang babae sa Tondo, Maynila ang isang tindahan matapos mag-cash-in sa digital wallet ng P8,500.
Ayon sa ulat, anak ng may-aring si Apple ang bantay nang nangyari ang insidente noong nakaraang buwan.
“Minamadali niya yung bata, tinataranta niya. ‘Send mo na. Diyan lang naman ako.’ Wala siyang mask, maganda, so sabi nung anak ko kaya siya nagtiwala,” sabi ni Apple.
Nahuli ang babae na 20 anyos ng publiko nitong Biyernes nang gawin ang parehong modus sa isa pang tindahan sa Tondo rin.
Ayon kay Don Bosco Police station commander Lieutenant Rowell Robles, umamin ang babae sa ginawa nitong panloloko.
“Umiiyak lang siya tapos sabi niya meron siyang anak, nawalan siya ng trabaho,” sabi niya.
Nang mahuli, naglutangan ang iba pang biktima nito mula pa 2019.
“Lima sila eh. Pero yung apat kasi hindi fresh case. Yung isa lang ang fresh. Ayaw naman mag-reklamo,” sabi ni Robles. “Ni-release namin siya sa [mga kamag-anak].”
Nakipag-areglo ang babae sa kanyang mga biktima na naniningil ng kabuuang halaga na P35,000. Bukod sa pera, pinambayad din niya ang kanyang alahas at cellphone.
Pinag-iingat ng pulisya ang publiko sa ganitong modus ng mga manloloko.
The post Babae tinakbuhan ang tindahan nang mag cash-in ng P8,500 appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: