UMAPELA si Senator Christopher “Bong” Go sa local government units at sa mga namamahala ng vaccine rollout na direkta nang dalhin ang bakuna sa mga bahay-bahay o sa kanilang constituents na kabilang sa priority groups, partikular sa senior citizens.
“Sa mga LGUs, paigtingin pa natin ang pagbabakuna. Dapat ‘di magtagal ang stocks sa inyo. Marami nang gustong magpabakuna pero naghihintay. Nagagalit na ang iba. Pabilisin natin ang sistema para pag-distribute ng bakuna, maiturok na agad sa dapat maturukan,” ang apela ng senador.
Sinabi ni Go na napakahalaga ng oras kaya dapat na gawin ang mga hakbang para matiyak na ang mga nasa A1-A3 categories ay agad nang mabakunahan upang maisunod na rin ang iba pang nasa priority sectors at nang marating na ang herd immunity sa mga komunidad.
“Dagdagan po natin ang ating vaccination sites para kahit saang sulok ng komunidad ay makaabot ang bakuna. Kung kailangang puntahan mismo sa mga bahay ang mga matatanda at mga may comorbidities ay gawin na dapat agad,” iginiit ng senador.
“Huwag tayo magkumpyansa sa kung ano na ang ginagawa ngayon. Paigtingin pa natin lalo upang mas mabilis nating marating ang herd immunity sa ating community at tuluyang matigil na ang sakit na COVID-19,” dagdag niya.
Nanawagan si Go sa local leaders, sa koordinasyon na rin ng national government, na palakasin ang local vaccination rollout at ang vaccine education awareness campaigns para mahimok ang marami na magpabakuna.
“Huwag natin sayangin ang oportunidad na makapagligtas ng buhay gamit ang bakunang nasa atin. Bawat oras na masayang ay buhay ang kapalit. Kaya ni isang bakuna ay hindi dapat masayang,” paliwanag ni Go.
Hinikayat din naman ni Go ang senior citizens at iba pang priority groups na magpabakuna para mapabilis ang pagpapalawak ng national COVID-19 vaccination program.
“Hinihikayat ko po ang ating senior citizens at ibang priority groups na magpabakuna na. Huwag po kayong matakot sa bakuna, matakot po kayo sa COVID-19. Ang bakuna po ang tanging solusyon upang makabalik tayo sa ating normal na pamumuhay,” sabi ni Go.
“Prayoridad po nating mabakunahan ang ating mga kababayan na 40 years old pataas dahil dito maraming case load at ‘yung mga matatanda ang delikado sa sakit na ito,” aniya pa.
Sinabi ni Go na tuloy-tuloy lamang na mapalalawak ang national vaccination program kung ang mga nasa A1, A2, at A3 priority groups ay tapos nang mabakunahan.
“Paano tayo uusad sa next priority groups kung maraming ‘di pa nababakunahan sa A1 to A3 groups. Naghihintayan tayo.”
“Kaya i-enganyo natin ‘yung mga dapat maturukan agad, lalo na ang mga matatanda at vulnerable sa sakit na ito. Para makapagsimula na tayo sa iba pang sektor na nag-iintay ng panahon na pwede na sila,” ayon sa senador. (PFT Team)
The post BONG GO: BAKUNA IBAHAY-BAHAY NA appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: