Facebook

Bong Go: ICC ‘wag manghimasok, PH judicial system gumagana

INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go na hindi dapat nanghihimasok ang International Criminal Court sa usaping panloob ng Pilipinas sa gitna ng panawagan ng dati nitong prosekyutor na magsagawa ng pagsisiyasat sa mga umano’y kasong crimes against humanity laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

“They have no business interfering with our internal affairs po,” sabi ni Go.

“Anong gusto nyong palabasin, hindi ninyo pinagkakatiwalaan ang ating judicial system dito sa ating bansa?” idinagdag niya.

Idiniin ni Go na ang independent judicial system sa bansa ay aktibo at gumagana kaya hindi na kailangan ng foreign courts upang manghimasok sa internal affairs ng bansa.

“Para sa akin po, gumagana po ang ating judicial system dito sa ating bansa. And, in fact, the President, himself, parati ‘yan patas, fair po ‘yan sa lahat. Pero kapag pumasok kayo sa droga, sinabi po ‘yan ni Pangulong Duterte, ‘pag pumasok kayo sa droga, sugal niyo na po ‘yan, ibig sabihin kapag inilagay niyo na po ang inyong isang paa sa hukay,” ayon kay Go.

“Ginusto niyo na po ‘yan, di po dito natatapos ang kampanya laban sa iligal na droga kahit ano pang korte ang lalaban dyan,” idinagdag ng senador.

Muling iginiit ni Go na ang kampanya ng pamahalaan laban sa illegal drugs ay mananatili para na rin sa kaligtasan ng susunod na henerasyon.

“‘Di po titigil ang gobyerno, di po titigil si Pangulong Durerte na labanan po ang droga. Ang droga po ang salot ng lipunang ito, marami pong naghihirap dahil sa droga.”

“Pero tingnan niyo po since 2016, tanungin niyo na lang po ang taumbayan kung nakakalakad na ba ang inyong mga anak sa gabi na komportable at walang pangamba na may gagalaw sa inyong mga anak,” ayon sa senador.

Ayon kay Go, ang sambayanang Filipino ang huhusga sa implementasyon at resulta ng Philippine drug war, at hindi ang sinomang foreign court.

“Let the Filipino people be the judge dito, hindi po ang ICC ang maghuhusga. Ang dapat maghusga, ang Pilipino,” iginiit ng mambabatas.

Sinabi ni Go na ang nakaraang hakbang ng ICC ay “politically motivated” lalo’t malapit na idaos ang halalan sa bansa.

“Timing ang nangyayari. Nandito tayo papunta na tayo sa political season kaya tingnan nyo, ngayon sila nag-iimbestiga. Hinahaluan po ng pulitika, gaya ng laging sinasabi ni Pangulong Duterte, basta gawin lang niya ang tama para sa taumbayan, di siya titigil na labanan ang iligal na droga dito sa ating bansa sigurado akong kasama na ang pulitika dyan,” ipinunto ni Go. (PFT Team)

The post Bong Go: ICC ‘wag manghimasok, PH judicial system gumagana appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bong Go: ICC ‘wag manghimasok, PH judicial system gumagana Bong Go: ICC ‘wag manghimasok, PH judicial system gumagana Reviewed by misfitgympal on Hunyo 17, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.