Binalot ng tensyon ang mga residente sa isang barangay kung saan naging marahas ang isinagawang paggiba sa kanilang mga tahanan sa Tondo, Maynila.
Sa ulat, 10:00 ng umaga nang dumating ang demolition team na pinangungunahan ni Sheriff IV Rogelio Jundarino ng Manila RTC Branch 17 at inihain ang demolition order sa nasabing lugar. Subali’t pumalag ang may 50 pamilya na naninirahan sa gigibain bahay sa Barangay 203 Zone 18 District 2, dahil kuwestiyunable ang kautusan na walang malinaw na address na nakasaad at kasalukuyan nakabinbin ang kaso na ayon sa mga residente mayroon pa silang magiging hearing sa June 21, 2021.
Pahayag ng isa sa mga residente na si Nancy Daduya, na nagkaroon ng ‘di pagsang-ayon sa kanilang mga naninirahan dahil kulang sa abiso ang mga maggigiba at nabigla sila sa pagdating ng mga ito.
Sinubukan ng ilang residente na pigilin ang demolition team, subali’t nagpilit na pumasok ang mga ito kaya nagkaroon ng balyahan at nasugatan ang ilang sa kanila.
Base sa demolition order pag-aari ng pamilya nina Elisa Manotok ang nasabing compound at inirereklamo nila ang Acre Development Corporation na kumakamkam ng nasabing lupa subali’t mayroon halos 50 pamilya na naninirahan sa nasabing gusali.
Naniniwala naman si 2nd District Congresman Roland Valeriano na kailangan kumilos na ang Malakayang upang mapigilan ang malawakang demolisyon partikular na sa area ng Tondo ngayon pandemic.
Sinabi ng naturang mambabatas na kahabag habag ang daang daang residente na apektado ng demolisyon na ang may kagagawan ang pamilya Manotok na may-ari ng lupa.
Bagama’t armado ang may-ari ng demolisyon order mula sa korte subali’t hiling sana ng mga residente na isaalang-alang sana na nasa state of emergency ang bansa dahil pandemya at bigyan sila ng sapat na panahon upang lisanin ang nasabing lugar.
Kung saan marami sa mga mahihirap na apektado ng demolisyon ang sa kalsada na lamang matutulog na posibleng maging dahilan ng malawakang kaso ng Covid-19 sa nasabing lugar.
Kaugnay nito, umaapela ang mga naapektuhang residente kay Manila Mayor Isko Moreno na tulungan sila dahil wala silang tiyak na sisilungan lalo na ngayong panahon ng pandemya.
The post Demolisyon sa Tondo naging marahas appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: