Facebook

Ideya ng pagbibigay ng insentibo sa fully-vaccinated individuals, suportado ni Sen. Go

NAGPAHAYAG ng suporta si Senator Christopher “Bong” Go sa mga mungkahing humihikayat sa pamahalaan na magkaloob ng insentibo sa mga fully-vaccinated individuals upang mahikayat ang mas marami pang Pinoy na magpabakuna na.

Ayon kay Go, makatutulong din ito na mawala ang pagdadalawang-isip o hesitasyon at takot ng mga mamamayan sa pagpapabakuna, at magkaroon sila ng kumpiyansa sa national vaccine program ng pamahalaan.

“We welcome that… Welcome naman po ‘yung magbigay ng incentives… para ma-encourage po… Why not? Wala naman pong masama na ma-encourage po ‘yung mga Pilipino na magpabakuna,” pahayag ni Go sa isang ambush interview matapos ang isinagawang monitoring visit sa Malasakit Center sa Davao Regional Medical Center sa Tagum City, Davao del Norte.

“Kanya-kanya pong gimik ‘yan, kanya-kanya pong pag-i-encourage sa mga Pilipino para magpabakuna na po sila. ‘Yun po ang importante rito na magpabakuna na, ma-encourage po at huwag matakot ‘yung Pilipino sa bakuna,” dagdag pa ng senador.

Sinabi pa ni Go na kasalukuyan na ring pinag-aaralan ng pamahalaan ang posibilidad na magkaloob ng insentibo sa mga fully vaccinated individuals.

“Pinag-aaralan po ng gobyerno sa ngayon. Kaya ini-encourage ko na po ang ating mga kababayan, magpabakuna na po kayo,” aniya pa. “Pinag-aaralan na po ng gobyerno sa ngayon kung bakunado ka, mas magiging maluwag ‘yung mga patakaran sa’yo. Maaaring puwede ka nang pumunta sa lugar na ‘to kasi bakunado ka na, puwede ka nang mag-travel, puwede ka nang mag-avail ng ganito kasi bakunado ka na at protektado ka na. Pero pinag-aaralan pa ‘yan ng gobyerno sa ngayon. Wala pang kasiguraduhan.”

Binati rin niya ang mga local government units (LGUs) na nagpapatupad ng mga malikhaing pamamaraan para hikayatin ang kanilang mga constituents na magpabakuna.

Kasabay nito, muli rin pinaalalahanan ng senador ang mga vaccinated Filipinos na kumpletuhin ang kanilang bakuna upang makamit ang buong proteksiyon nito laban sa COVID-19.

Samantala, binalaan din ng senador ang mga mamamayan na huwag maging kampante o maging pabaya dahil dumarami na rin ang mga kaso ng sakit sa labas ng NCR Plus area, partikular na sa ilang Visayas at Mindanao.

“So huwag ho tayong maging kumpiyansa. Bagama’t umpisa na po ang pagro-rollout ng bakuna ay huwag ho tayong maging kumpiyansa. Importante po rito ang patuloy na pag-iingat dahil hindi pa po normal ang panahon,” dagdag pa niya.

Paalala pa niya sa mga mamamayan, upang tuluyan nang mapigilan ang pagkalat ng virus ay manatiling tumatalima sa ipinaiiral na health guidelines at protocols ng pamahalaan.

“So pakiusap ko lang po, mask, face shield, social distancing, hugas ng kamay. Binabalanse po ng gobyerno ang lahat between economy and health,” aniya. “Buhay pa rin ang uunahin natin dito dahil ang pera po’y kikitain naman natin. Pero yung perang kikitain natin hindi po nabibili ang buhay. Kaya pangalagaan po natin ang buhay ng bawat Pilipino. Kaya sabi ko nga sa mga Pilipino, sa mga kababayan ko, kaunting tiis lang po.”

Dagdag pa ng senador, “’Pag na-achieve natin ‘yung herd immunity sa community,… maaaring puwede na tayong bumalik sa normal nating pamumuhay.” (Mylene Alfonso)

The post Ideya ng pagbibigay ng insentibo sa fully-vaccinated individuals, suportado ni Sen. Go appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Ideya ng pagbibigay ng insentibo sa fully-vaccinated individuals, suportado ni Sen. Go Ideya ng pagbibigay ng insentibo sa fully-vaccinated individuals, suportado ni Sen. Go Reviewed by misfitgympal on Hunyo 12, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.