Facebook

Isko, bumili ng 400K na Sinovac para sa Maynila

SA kabila ng patuloy na pangunguna ng kabisera ng bansa sa National Capital Region sa termino ng mabilisan at episyenteng pagbibigay ng bakuna, ang pamahalaang lungsod ng Maynila ay higit pang paiigtingin ang mass vaccination nito, ito ay makaraang ianunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno na direkta siyang nakabili ng 400,000 doses ng Sinovac sa mismong manufacturer nito.

Ang nasabing bakuna ay darating sa mga susunod na araw bukod pa sa 800,000 doses ng Astra Zeneca na binili ng lungsod noong isang taon at darating na rin sa September.

Kasabay ng pangyayaring ito, pumasok ang Maynila bilang isa sa top 50 Champion Cities na pinili ng Bloomberg Philanthropics bilang finalist mula sa 613 lungsod sa buong mundo para mapabilang sa 2021 Global Mayors Challenge, ito ay isang innovation competition na tutukoy at magpapaigting sa pinakaambisyosong kaisipan na ginawa ng isang lungsod bilang tugon sa COVID-19 pandemic.

Sa kanyang live broadcast, pinasalamatan at binati ni Moreno ang mamamayan ng Maynila gayundin ang kanyang kapwa opisyal at mga kawani ng lokal na pamahalaan para sa nasabing pagkilala.

Labinlima (15) sa 50 finalists ay napili dahil sila ay kumakatawan sa world’s leading urban innovations na umusbong mula sa pandemya at tatanggap ng $1 million bawat isa gayundin ng taun-taong suporta sa pagpapatupad at pagpapakalat ng kanilang breakthrough ideas.

“Congrats sa inyo mga Batang Maynila at sa aking mga kasamang kawani ng pamahalaang-lungsod. Congrats sa inyong lahat. Kita nyo, magbuti lang tayo sa tungkulin, magiging world-class ang pamahalaang-lokal ng Maynila. Congrats din sa mga kababayan natin sa Mindanao dahil sa Butuan at Maynila lang ang napasama,” pahayag ni Moreno.

Nabatid na sa Pilipinas tanging Maynila lamang at Butuan ang napabilang sa listahan at kabilang din ang mga ito sa anim na napasama sa Asia-Pacific region.

Samantala, sinabi ni Moreno na nakapagbayad na ng buo ang pamahalaang lungsod nang mahigit na P298.5 million halaga para sa karagdagang 400,000 doses ng Sinovac sa mismong gumagawa nito na Sinovac Life Sciences Co., Ltd., bilang hakbang na mapabilis ang pagbabakuna sa mas marami pang residente ng Maynila.

Pinasalamatan din ni Moreno si Vice Mayor Honey Lacuna at ang mga miyembro ng Manila City Council na pinamumunuan nito, sa ginagawang pagtulong upang makahanap ng kinakailangang pondo para sa pagbili ng bakuna.

Pinasalamatan din niya ang national government dahil sa tulong nito upang maisagawa ang kontrata sa pagbili ng bakuna, gayundin ang Ambassador ng China sa Pilipinas na si Huang Xilian at ang pamahalaan ng para sa tulong nito.

“In a matter of few days, ang lungsod ay magkakaroon na ng sariling bakuna on top of the doses na ibinibigay sa atin ng national government. Inilaan natin ito para lahat me access sa bakuna ASAP,” pahayag ng alkalde.

“Me mga araw na walang bakunahan, maraming salamat kay Pangulong Rodrigo Duterte, Secretary Franciso Galvez, Secretary Vince Dizon at Health Secretary (Francisco) Duque na tayo ay naaambunan ngunit sa nakikita ko, may pagnanais kayo na mabakunahan sa lalong madaling panahon kaya umaapaw ang pila sa mga vaccination sites at laging kulang ang bakuna, sa dami ng me gustong mabakunahan,” sabi pa ni Moreno na binigyang diin na kaisa ang lungsod ng Maynila sa direksyong tinutungo ng pambansang pamahalaan at ito ay ang makamit ang herd immunity.

Nitong June 16, nagsimula uling magbakuna sa mga kabilang sa kategoryang A5 at sa mga indigent population. May kabuuang 7,700 doses ang inilaan sa walong vaccination sites mula districts 1, 5 at 6.

Nagbigay rin ng first dose para sa A2 at A4 categories (senior citizens at economic workers) sa apat na malls. Naglaan ng 2,500 doses bawat isa para sa kabuuang 10,000 doses.

Samantala may 5,000 second doses naman ang ibinigay sa anim na pampublikong paaralan para A1, A2 at A3 categories o health frontliners, senior citizens at mga nasa edad 18-59 na may mga comorbidities. Ginawa ang pagbabakuna mula alas-6 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi. (ANDI GARCIA)

The post Isko, bumili ng 400K na Sinovac para sa Maynila appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Isko, bumili ng 400K na Sinovac para sa Maynila Isko, bumili ng 400K na Sinovac para sa Maynila Reviewed by misfitgympal on Hunyo 15, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.