
“WALANG puwang sa PNP ang mga utak kriminal”. Ito ang mariing pagtiyak ni Police Dir. Gen. Guillermo T. Eleazar kasabay ng pagtatanggal nito sa serbisyo ng ilang miyembro ng kapulisan na napatunayang pumatay ng tao sa ibat-ibang kadahilanan.
“Nilagdaan ko na ang pagtatanggal sa serbisyo sa mga killer cop, ito ay patunay na papanagutin natin ang sinumang pulis na lumabag sa batas”, ang pagdidiin ni Eleazar.
Ayon kay Eleazar, ang pang-anim na PNP Chief na naitalaga sa ilalim ng Administrasyong Duterte, na dumaan sa masusi ngunit mabilisang paglilitis ang mga sinibak na pulis.
Ang mga ito ay kinilalang sina Police Master Sergeant Hensie Zinampan, dating nakatalaga sa PNP Security and Protection Group, Police Corporal Sherwin Rebot at Police Corporal Harold Mendoza, parehong naka-aasign sa PS 10, QCPD.
Naging matibay na batayan ng PNP Internal Affairs Service (IAS) ang video footages na nagpakita ng aktwal na walang awang pagbaril ni Zinampan sa 52- anyos na biktimang si Lilybeth Valdes, na kapitbahay ng convict sa Brgy. Greater Fairview, Quezon City.
Bukod sa pagdismiss sa serbisyo kaugnay sa mga kasong administratibo ay nahaharap din si Zinampan sa kasong murder na isinampa naman sa Regional Trial Court sa naturan din Lungsod.
Sina Cpls. Rebot at Mendoza naman ay inakusahan sa pagpaslang sa biktimang si P/Cpl. Higino Wayan na kasamahan ng dalawang nasakdal sa PS10, QCPD.
Batay sa paglilitis ng IAS lumitaw na magkakasama ang tatlong pulis na nag-inuman sa bahay ng sibilyang si Lorenzo Lapay sa Brgy. Commonwealth ng nabanggit ding siyudad.
Habang nag-iinuman nagkahamunan ng pagbubunong-braso sina Rebot at Wayan. Natalo ni Wayan si Rebot sa bunong-braso. Nasundan na yaon ng pamamaril ni Rebot kay Wayan. Nagtamo ng tama ng bala sa dibdib ang biktima na naging sanhi ng daglian nitong kamatayan.
Para mapagtakpan ang ginawang krimen ay pinagreport ng dalawang pulis si Lapay na nagpakamatay si Wayan gamit ang baril ni Rebot.
Ngunit sa masusing pagsisiyasat ng police investigator ay ikinanta ni Lapay ang tunay ng pangyayari. Kaya kasama nina Rebot at Mendoza na nahaharap sa kasong pakikipagsabwatan sa pagkakapatay kay Wayan.
“Pagkat wala na sila sa police service ay hindi na rin sila tatanggap ng sweldo at anumang benepisyo na nauukol sa mga pulis”, pagtiyak pa ni Eleazar.
Kinumpirma din ni Eleazar na tiniyak niyang sinunod ng PNP ang alituntunin sa summary dismissal proceedings, para maiwasan ang anumang technicalities na maaring magamit ng mga “killer cops” sa kanilang pabor para makapag-apela at makabalik na muli sa serbisyo.
Ilan pang mga pulis ang nahaharap sa kaso at tinatagurian nga ng pamilya ng mga biktima bilang mga killer cops. Ang mga ito ay sina Police Master Sgt. Christopher Salcedo, Police Cpl. Kenneth Pacheco, Police Cpl. Rodel Villar at Police Cpl. Rex Paredes.
Ang apat ay inaakusahan ng pamilya ni Erwin Arnigo, isang kabataang may ASD (Autism Spectrum Disorder) na binaril sa isang tupada den sa Valenzuela City.
Iniulat ng mga pulis na nang-agaw ng baril si Arnigo matapos na maaresto ito sa tupadahan na malapit sa kanilang bahay, kaya napilitan itong barilin ng isa sa mga nasabing pulis.
Sa bersyon naman ng pamilya ng biktima ay bumibili lamang ng ice candy ang may kapansanang biktima nang ito ay dinampot ng mga pulis malapit sa tupadahan. Dinala ng mga pulis sa mismong pinagdadausan ng iligal na pasabong at doon ito binaril.
Marami na ring sumbong ang natatanggap ng inyong lingkod hinggil sa “style bulok” na ito ng ilan nating miyembro ng kapulisan sa panghuhuli ng mga magtutupada kuno. Reklamo na nakakarating sa SIKRETA ay gawa-gawang kaso at kunyari ay dinampot nga ang ilan sa mga biktima sa tupadahan.
Nanawagan naman si Eleazar sa mga saksi na lumantad para mapanagot ang kanyang mga pulis kung totoong may nagawa ang itong kalabisan o kaya ay pagkukulang sa pagpapatupad ng batas.
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com
The post “Killer cops”, sibak! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: