Facebook

MGA APEKTADO NG INSURHENSIYA INASISTEHAN NI GO

Bilang suporta sa pagsusumikap ng gobyernong mawakasan ang insurhensiya ay daan-daang pamilya ng naapektuhang komunidad sa terorismong inihahasik ng mga rebelde ang hinatiran ng asiste ng grupo ni Senator Christopher “Bong” Go sa Eastern Samar.

Sa ilalim ng Retooled Community Support Program ay binigyan ng mga ayuda ang mga pami-pamilya sa Llorente, Eastern Samar nitong June 17 na ipinairal din ang health protocols para sa kapakanang pangkalusugan.

Ang relief operation ay isinagawa sa Brgy. Candoros Hall na 143 pamilya ang naasistehan, 96 pamilya sa Brgy. Barobo at 78 pamilya sa Brgy. Magtino.

Mga grocery pack, meals, masks, face shields at vitamins ang ipinamigay sa mga benepisaryo na ang iba naman ay nakatanggap ng bagong pares ng sapatos.

Si Gina Badaran, 38-anyos na nagkuwento sa epektong idinulot sa kanila ng COVID-19 pandemic ay nagpahayag ng “maraming salamat po sa mga programang binigay niyo po sa amin at malaking tulong na po ito sa aming komunidad”.

Sa video message ni Go ay pinasalamatan niya ang ilang government agencies sa patuloy na pagsuportang maibangon ang mga naghihikahos na komunidad dulot ng pandemic at ng local conflicts o ang pananalasa ng mga rebelde.

Ang mga kinatawan naman ng Department of Social Welfare and Development ay nagbigay naman ng financial assistance sa mga benepisaryo.

Ang Department of Trade and Industry ay inalam naman kung sino ang eligible recipients na makakabenepisyo mula sa Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa program at ang Technical Education and Skills Development Authority ay nag-alok naman ng scholarship para sa mga kuwalipikadong benepisaryo.

“Importante po ma-achieve po natin ‘yung herd immunity sa community po ngayong taong ito. Napakaimportante po ‘yung target natin ngayong taong ito upang hindi na po kumalat ang sakit na COVID-19. Magtulungan lang po tayo, magbayanihan po tayo, mga kababayan ko,” pahayag ni Go.

Si Go na nagsusulong ng quality health care ay nagpaalala sa mga benepisaryo partikular sa mahihirap at indigent patients na may Malasakit Center sa Eastern Samar Provincial Hospital sa Borongan City na maaari nilang tunguhin para sa pagpapagamot at pagpapaasiste sa bayarin sa pagpapaospital.

Sa ilalim ng Malasakit Center Act, ang lahat ng mga ospital na pinangangasiwaan ng Department of Health at dagdag pa ang Philippine General Hospital ay may mandato para magkaroon ng sariling Malasakit Center na magkakaloob ng kaalwanan para sa medical assistance program na ipinagkakaloob ng mga kinauukulang ahensiya tulad ng DOH, DSWD, Philippine Health Insurance Corporation at Philippine Charity Sweepstake Office.

Itinutulak din ni Go ang pagpopondo sa ilang mga proyekto sa Eastern Samar bilang bahagi ng infrastructure development na pantulong upang malutas ang ugat ng insurhensiya sa naturang probinsiya. Ilan sa mga ibabahagi ang magkaroon ng ambulance unit sa Arteche, road rehabilitation ng Junction National road sa Dolores, pagpapagawa ng multi-purpose building sa Maydolong at maraming iba pa.

Ilan sa mga local government officials ay pinasalamatan ni Sen. Go sa kanilang di mapapantayang pagseserbisyo sa kanilang mga constituent sa panahon ng krisis. Ilan sa.mga binanggit na mga opisyal ay sina Rep. Maria Fe Abunda, Gov. Ben Everdone, Vice Gov. Maricar Sison, Mayor Boco Daniel, Vice Mayor Jonnie Condrada at maraming iba pa.

“Mga taga-Eastern Samar, tandaan po ninyo. Kung ano pong kabutihan o tulong na puwede nating gawin sa ating kapwa Pilipino ay gawin na po natin ngayon. Kami po ni Pangulong Duterte ay patuloy hong magseserbisyo sa inyo dahil para sa amin po, ang serbisyo po sa tao ay serbisyo po ‘yan sa Diyos,” pagpupunto ni Go.

The post MGA APEKTADO NG INSURHENSIYA INASISTEHAN NI GO appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
MGA APEKTADO NG INSURHENSIYA INASISTEHAN NI GO MGA APEKTADO NG INSURHENSIYA INASISTEHAN NI GO Reviewed by misfitgympal on Hunyo 23, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.