UMAPELA si Manila District 2 Congressman Rolan ‘CRV’ Valeriano sa City Council ng Maynila na agarang ipasa ang ordinansa na naglalayong wala munang magaganap na demolisyon sa panahon ng pandemya.
Ipinahayag ni Valeriano na hindi sila maaaring hindi makialam sa mga ganitong usapin dahil sila ang mga kumakatawan sa mga tao sa kanilang nasasakupan.
Aniya, sino nga ba ang lalapitan ng mga taong apektado ng nasabing demolisyon kung hindi silang mga nanunungkulan sa gobyerno.
Dagdag pa nito, na sa hangarin ng mga may-ari ng bahay na mabawi ang kanilang mga ari-arian nakakagawa pa ang mga ito ng pekeng dokumento.
Maging si Manila Mayor Isko Moreno, naliligalig na rin at nangangamba sa kahihinatnan ng mga apektadong pamilya.
Base na rin sa pahayag ni 2nd Dist. Councilor Macky Lacson, nang makapanayam ni Joey Dizon sa kanyang programa sa Serbisyo ng Agila nitong Martes, na nasa second reading na ang inihain nilang ordinansa at sa darating na Huwebes posibleng makapasa na ito sa ikatlong pagbasa.
Sinabi ni Lacson na hindi nila kinakalaban ang utos ng korte, iniintindi lang nila ang mga naninirahan sa apektadong lugar dahil panahon ngayon ng pandemya.
Hinihiling nila na tapusin muna ang pandemya bago magkaroon ng gibaan.
Ayon pa kay Lacson, mayroon nang draft ordinance na kanilang inihain sa Konseho ng Maynila na nasa 2nd reading na at may dati rin batas sa ilalim ng Urban Development Act na kailangang may nakahandang relokasyon, may 60 days compensation o financial support na inilaan para sa mga maaapektuhan pamilya. At kailangan na mayroon demolition conference para sa tamang proseso ng demolition.
At kapag pumasa na ito sa 3rd reading, maaari na rin itong pirmahan ng Alkalde at kapag napirmahan na ito wala na munang magaganap na demolisyon sa Maynila.
Nakikita naman ni Konsehal Lacson na makapapasa ito dahil majority naman sa City Council ang sumusuporta sa nasabing ordinansa.
Nakikiusap sila ni Cong. Valeriano sa korte na huwag munang magpalabas ng demolition order hanggang nasa panahon pa tayo ng pandemya.
Ayon kay Valeriano hindi nila hinaharang ang demolisyon, hiling lang nila na sumunod sa tamang proseso.
Pagwawakas naman ni Lacson, sana ‘for humanitarian reason’ muna ang pairalin at ‘wag munang magpakaganid.
The post Ordinansa na walang demolisyon sa panahon ng pandemya, hiniling agarang ipasa appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: