UMAPELA si Manila Mayor Isko Moreno sa Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na rebisahin ang kanilang polisiya sa pag-uutos sa taumbayan na magsuot ng face shields tuwing nasa pampublikong lugar.
Sa kanyang live broadcast, sinabi ni Moreno na sa kawalan ng siyentipikong pag-aaral kaugnay ng paggamit ng face shields bilang proteksyon sa coronavirus, ang nasabing polisiya ay dapat ng ibasura upang hindi na makadagdag sa pasanin ng taumbayan.
Maliban pa sa dagdag gastos ang pagsusuot ng face shield ay nagdudulot din ng kahirapan sa paghinga sa may mga comorbidity sa baga at sa mga matatanda, lalo na kapag mainit ang panahon.
“Nanawagan ako sa mga ahensya ng gobyerno na nagtatala ng alituntunin na dapat nating araling muli ang polisiya kung saan ay nire-require ang taumbayan mag-face shield sa public place,” sabi ng alkalde.
“Ang akin pong pananaw diyan, kung ‘yung tao hirap na sa buhay, kung wala namang siyentipikong pagpapatunay tungkol sa face shield eh baka pwede na itong rebisahin para nang sa ganun, makatulong man lang tayong mabawasan ang gastusin ng bawat tao dahil ang face shield po di nagla-last nang matagal. Every now and then, bumibili ang tao alam nyo po ‘yung 10 piso at etneb, sa isang mahirap o empleyado mabigat din yan kung every other day bibili ka niyan,” dagdag pa ni Moreno.
Ayon kay Moreno, tanging ang Pilipinas lamang ang bansang ang nag-uutos sa kanilang mamamayan na magsuot ng face shields.
Idinagdag pa ni Moreno na ang pagsusuot ng face shield ay dapat lamang sa mga nagtatrabaho o dumadalaw sa ospital.
“But that is my opinion. That is my call to the concerned agencies, na sana, silipin at araling muli na desisyunan sa lalong madaling panahon kung kailangan pa ba nating pagastusin ang taumbayan ng face shield kung ito’y di naman kailangan gaya ng nangyayari sa ibat-ibang parte ng mundo,” pahayag pa ni Moreno.
Sa kanyang panawagan sa mga awtoridad na ibasura na ang polisiya sa pagsusuot ng face shields ay muli nitong igiiniit na “mask is still a must.”
Nagpahayag naman ng suporta si Vice Mayor Honey Lacuna sa panawagan ng alkalde at sinabing mas rasonable ang pagsusuot ng face masks at ang pagsunod sa mga health protocols tulad ng social distancing at paghuhugas ng kamay.
Ayon pa kay Lacuna, ang pagpapalit-palit ng face shields sa tuwina ay nangangahulugan ng karagdagang gastos sa bahagi ng taumbayan na puwede na lang sanang ibili ng mas importanteng pangangailangan.
Buwan ng Abril noong isang taon nang gawing mandatory ng IATF ang pagsusuot ng face shield at ng face mask sa pampublikong lugar. (ANDI GARCIA)
The post Polisiya sa pagsusuot ng face shields, pinarerebisa ni Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: