Facebook

Ang “D” variant

HILONG talilong ang karatig bansa sa pagpasok ng ibang anyo o variant ng corona virus. Kahit marami na sa mga mamamayan nila ang nabakunahan, tila hindi tumalab ang mga ito sa tinatawag nilang Delta Variant. May katapangan ang variant na ito ng coronavirus na kahit ang mga nabakunahan ng Sinoac sa ating karatig bansa’y tinablan pa rin ng sakit. Nakakabahala, mukhang mabagsik ang lakas ng Delta variant na sa sandaling pag-inog, maraming tao ang nahawaan at mahahawaan, at marami ang binawian o babawian ng buhay.

Sa bansa, tila hindi pansin ang mga ulat ng bagong variant ng C19. Sa pagbaba ng insidente ng C19 sa bansa, muling nagbaba ang pamahalaan ng panuntunan sa pagpasok at paglabas ng mga tao sa bansa. Lumuwag ang regulasyon sa pagbubukas ng mga pamilihan, mga mall, palengke o saan mang lugar nagtitipon ang mga tao. Hindi naibalita na may insidente ng muling pagtaas ng bilang ng may C19 na sa pagkakataong ito’y may naitalang kaso ng Delta Variant.

Kahit silipin ang mga ICU bed capacity ng mga pagamutan sa Metro Manila, nariyan na muling napupuno ito sa pagtaas ng bilang ng nagkakaroon ng C19. Mas mainam na ilabas ang tunay na datos ng dami at ilan ang Delta variant upang makagawa ng anumang paghahanda ang mga tao at institusyon..

Sa pagtaas ng bilang ng nagkaroon ng C19 sa kalapit bansa na maganda ang rollout ng bakuna’y masasabi ba na may kahinaan o kakulangan ang mga ito? O’ baka hindi epektibo ang ginamit na bakuna o mababa ang bisa? Sa Indonesia, marami sa mamamayan nito ang naturukan ng bakuna na gawa sa Tsina. At ito rin ang pinipilit na gamitin na bakuna ng ating pamahalaan para kay Mang Juan.

Pasalamat tayo sa ilang mga donor na nagbigay ng bakuna na hindi gawa sa Tsina. Sa totoo lang mas ibig ni Mang Juan ang hindi mabakunahan kung galing sa Tsina ang ituturok sa kanyang braso. Mukhang may patutunguhan ang pag-aagam agam ni Mang Juan kung pagbabasehan ang nagaganap na pagtaas ng C19 sa kalapit bansa natin na may Delta Variant. Malakas ang kutob ni Mang Juan na hindi magiging maganda ang resulta kung SinoVac ang gagamitin para sa kanya at sa mga anak nito. Mukhang tama si Mang Juan!!

Kung susuriin, mukhang may pinaghuhugutan ang pag-aagam agam ni Mang Juan. Sa pagtakbo ng panahon, wala pa man ang corona virus sa bansa, tila nariyan na ang pandemya, ang “D” variant. Dama ito ng pumasok sa bansa dahil nagdulot ito ng malaking pinsala, ‘di lang sa kabuhayan maging sa buhay ng maraming inosenteng Pilipino na bigla na lamang nakitang nakahandusay sa lansangan. Matindi ang D variant, mahigit na 16 milyong Pilipino ang naimpeksyon at nanatili ang pamumuksa hanggang sa kasalukuyan.

Pasalamat na lang na parang unti unti ng nabawasan ang dami ng nahawa ng virus na ito. Dahan-dahang nagigising si Mang Juan kasama ang maraming kapit bahay sa mga salang gawa ng pandemya. Humihina ang lakas nito sa mga Pilipino dahil sa pagkagising sa katotohanan na walang ginawa ito kung hindi pamuksa ng mga katunggali. Malakas ang bisa ng tapang ng D variant para sa mahina ang resistensya na ayaw tumindig at lumaban sa mga kasinungalingan at kabuktutang gawa nito.

Makiling sa taga Wuhan ang D variant na kahit na walang papeles ang mga ito, nakakapasok sa bansa at nagkakalat ng sakit ‘di lamang sa katawan ni Mang Juan maging sa kanyang kabuhayan. Maraming obrero ang nawalan ng trabaho sa pagpasok ng mga virus na talaga namang iniinda ng mga obrerong Pinoy na kailangang magpahinga ng maraming buwan sa kawalan ng mapapasukan.

Pero heto, nagpapalit anyo ang D variant sa isang babae na patuloy na nagkakalat ng virus sa iba’t-ibang panig ng bansa upang manatili ang pandemya at matiyak na marami ang magkakasakit hanggang ’22. Sa dami ng may pandemya sa lungsod nito, nagawa pang mag-ikot upang makapanghawa at madagdagan ang taga dala ng virus.

Sa pag-iikot ng tagapagdala ng D variant sa iba’t – ibang lalawigan sa bansa, tila nahuhulog o nahahawa ang mga nilalapitan nito, at hindi makaiwas dahil sa lakas ng dating nito na kahit double facemask ang suot, parang nanginginig ang pakiramdam ng mga nadapuan. Hindi lang trangkaso ang nararamdaman, nawalan ng panlasa at tila nanghihina lalo sa mata ni Mang Juan. Subalit ang lumang gawi ng pagsusuob ang kagyat na ginagawa ng mga lalapitan upang hindi makapasok sa sistema ang D variant. Ang mahalaga, ang pondong dala para makabili ng bakuna sa ’22. Iba ang pagharap ngayon sa kinabukasan.

Sa totoo lang, ayaw lumisan ng D variant sa bansa sa takot na makalikha ng antibodies na pupuksa dito pagkatapos ng halalan. Sa dami ng mga naabutan este nahawahan, ang pagkalat ng sakit ang pinanghahawakan nito. Subalit hilo at mukhang hirap sa anti-bodies na nakuha ni Mang Juan na pagtitiyak na aabot ang pandemya at ang D variant, hanggang ’22.

Mukhang batid na nito na tumalab na ang mga bakuna na itinusok ng katotohanan na si Mang Jua’y naghihirap, walang trabaho, biktima ng pagmamalabis, mataas na presyo ng bilihin, kawalan ng mahusay na pagtitimon, paglabag sa karapatang pantao, san damukal na utang at marami pang iba.

Ang D variant nagkakalat ng sakit sa bansa’y bistado na ni Mang Juan. Patuloy na dumadami ang gumaling sa virus na dala ng hangin mula sa Davao at mapaglalabanan ito sa pagsuot ng maskara ng katotohanan at tuluyang maglalaho sa pagpasok ng bakuna ng boto mula sa mga Pilipinong ginising ng kataksilan…ito ang natural immunity na tatapos sa D variant.

Maraming Salamat po!!!

The post Ang “D” variant appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Ang “D” variant Ang “D” variant Reviewed by misfitgympal on Hulyo 22, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.