HINDI na marahil mapapatino pa ang sistema ng transportasyon sa buong bansa, lalo na sa kalakhang Luzon kung patuloy na iiral ang palakasan at korapsyon sa hanay ng mga nagpapatupad ng batas laban sa mga pumapasadang kolorum na behikulo.
Sa mga inilulunsad na anti-colorum drive ng Land Transportation Office (LTO), PNP Highway Patrol Group (PHPG) at Local Government Units (LGUs), ang kalimitang apektado lamang sa kampanya ay ang mga itinuturing na pinakamaliit na tsuper, sila ay ang mga driver ng tricycle at ang kanilang operator.
Kung tutuusin maituturing na palpak, double standard, mapanupil at di parehas ang mga kaliwa’t kanang kampanya laban sa mga namamasadang kolurum na behikulo. Habang ang mga tricycle driver ang nasasalang sa init ng anti-colorum drive, ay libre at di naman natitinag ang pagbiyahe ng mga walang franchise na van at sport utility vehicles (SUVs) sa CALABARZON , Metro-Manila at iba pang panig ng Luzon.
Noon lamang July 16, 2021, ay inilunsad sa Lipa City ng binuong Special Task Force anti-colorum ng naturang lungsod, ipinagmalaki pa ng kampo ni Lipa City Eric B. Africa ang halos ay maghapong drive versus colorum.
Sa Ayala Highway ng naturang lungsod ay nakahuli ang mga tauhan ni Africa ng mga driver na nagbibiyahe ng mga tricycle na walang prangkisa.
Pinaaalala pa kuno ni Mayor Africa na may ordinansang umiiral sa Lipa City na nagbabawal laban sa pamamasada ng tricycle na colorum.
Batid daw naman ni Africa na kailangan din ng hanapbuhay ng kanilang mga kababayan kaya binibigyan na din nito ng pakunswelo na takdang oras at takdang araw kung kailan pwedeng mamasada ang mga driver ng colurum na tricycle.
Gayong kahigpit laban sa mga tsuper ng walang prangkisang tricycle sa Lipa City, ngunit di naman alintana ng alkalde ang operasyon ng mga kolorum na van at SUV na nagyayao sa Lipa City-Manila, Cavite, Laguna at vice- versa.
Inginuso ng mga apektadong tricycle driver ang malaking terminal ng mga namamasadang kolurum van at SUV sa SM Parking area sa nasabi ring lungsod.
Bakit nga ba hind ito pinatitigil o kinakante ni Mayor Afirica at ng kanyang police chief? Bakit???
Marahil di pa alam ni mayor, na may gumagasgas sa kanyang pangalan sa pangongolekta ng malaking tara sa iligal na terminal at operasyon ng kolorum na van at SUV sa kanyang mahal na siyudad?
Isang napakalaking industriya na ng transport system sa kalakhang Luzon ang pagmamantine ng iligal na terminal at colorum van at SUV sa nakalipas na ilang taon.
Ngunit hindi ito sinasawata ng PNP Highway Patrol Group (PHPG), LTO Regional Office, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at ang ipinagmamalaki nitong flying squad.
Ang LTFRB ay nasa ilalim ni Regional Director, Col. Renwick K. Rutaquio na may tanggapan sa Purok 1-D, Brgy. Maraouy, Lipa City, na di kalayuan sa kinahihimpilan ng mga mga colorum van at SUV.
May tara din kaya ang tanggapan ni Rutaquio at iba pang law enforcement unit sa mga nagpapatakbo ng mga iligal na terminal at colorum na van at SUV sa Batangas at iba pang parte ng CALABARZON?
Matapos naman ang pansamantalang pagkahinto ng colurum van operation sa Batangas City sa paglaganap ng COVID 19 , ay muli na namang umarangkada ito ilang buwan pa lamang ang nakararaan.
Ultimong sa Batangas City Grand Terminal sa Brgy. Bolbok, Batangas City Port, PPA Compound Brgy. Sta Clara at Brgy. Calicanto ay may mga illegal terminal at mga kolorum van at SUV na naglululan ng mga pasahero patungong Cavite, Laguna at Metro Manila. Sa Poblacion ng bayan ng Bauan, Batangas ay nasa main road pa ang terminal ng mga colorum van at SUV.
Itinuturing na ring isang napakalaking industriya ng transport system sa kalakhang Luzon ang pagmamantine ng iligal na terminal at colorum van at SUV sa nakalipas na ilang taon.
Napapaulat na mayroon ding payola ang mga operator ng colorum van at SUV, sa ilang LGUs at law enforcing unit para protektado at malayang makapagbiyahe ang mga nabanggit na behikulo sa Batangas- Cavite, Laguna-Manila at iba pang panig ng Luzon. Ito ang dapat buwagin ni Transportation and Communication Secretary Arthur Tugade bago pa man siya pumalaot sa mundo ng pulitika.
Sa Maynila ay napaka-garapal din ng operasyon ng illigal terminal, colorum van at SUV pati na sa halos lahat na siyudad sa Metro-Manila. Maging sa mga lungsod at bayan sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Rizal, Batangas at Quezon ay pangkaraniwan na din ang operasyon nito.
Kaya lamang, parang naging ligal na sa mata ng mga alkalde at LGUs ang kinagawiang ito dahil nga sa pagkakaroon nga ng korapsyon sa kanilang hanay at maging sa law enforcing agencies.
Ang mas higit na talo at nagigipit naman ay walang iba kundi ang mga pobreng tricycle driver na walang maihatag na tong-pats?
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com
The post Palpak na colorum drive! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: