PINALITAN ni Energy Secretary Alfonso Cusi si Senator Manny Pacquiao bilang Presidente ng PDP-Laban.
Ito ay matapos ang isinagawang eleksyon ng national assembly ng partido na dinaluhan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Royce Hotel sa Clark, Pampanga.
Pinangunahan din ni Duterte ang oath taking ng mga bagong halal na opisyal ng partido.
Magugunitang pinatalsik ng kampo ni Pacquiao si Cusi at dalawa pang miyembro ng partido matapos nilang lantaran na suportahan ang pagtakbo ng Pangulo at ng anak nitong si Mayor Sara Duterte bilang Presidente at Bise Presidente sa 2022 elections.
Si Mayor Sara ay hindi miyembro ng PDP-Laban at kabilang sa Hugpong ng Pagbabago (HNP), na ayon sa kampo ni Pacquiao ay paglabag sa kanilang Konstitusyon ang pagsuporta sa ibang partido.
Samantala, itinuturing ng kampo ni Pacquiao at Sen. Koko Pimentel na ilegal at walang effect ang naganap na national assembly na inorganisa ng grupo ni Cusi dahil wala umano itong basbas ni Pacquiao na siyang tumatayong Party President.
Ayon naman kay Pacquiao, hindi dapat binibigyang prayoridad nina Duterte ang pulitika dahil mas mahalagang pagtuunan ng pansin ang banta ng Delta variant sa bansa. (Jonah Mallari/Josephine Patricio)
The post Cusi pinalitan na si Pacquiao bilang PDP-Laban President appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: