Facebook

HOME QUARANTINE SA MAYNILA, BAWAL NA — ISKO

MATAPOS na makatanggap ng impormasyon na ang dalawang kaso ng kinatatakutang Delta variant ay natukoy sa Maynila, ay inutos ni Mayor Isko Moreno na muling ipagbawal ang home quarantine nang mga indibidwal na kinakitaan ng sintomas ng COVID-19 at maging ng mga asymptomatic upang mapigilan ang posibleng pagkalat nito.

Umapela ng suporta at pakikipagtulungan si Moreno sa mga apektadong residente at sinabing hindi siya magdadalawang isip na pairalin ang batas sa mga tatanggi at ipipilit na mag-home quarantine dahil kaligtasan ng mas nakararami ang nakataya dito.

Ayon sa alkalde ay binigyan na niya ng direktiba si Dr. Ed Santos, assistant Manila Health Department chief, na hanapin ang lahat ng mga asymptomatic na pasyente na kasalukuyang nagho-home quarantine at sunduin upang maisailalim sa pagsusuri kung sila ay may variant at upang malapatan ng lunas sa Manila COVID-19 Field Hospital sa ilalim ni Dr. Arlene Dominguez.

Sa pagkakataong ito ay hiniling ng alkalde ang pakikipagtulungan ng publiko dahil aniya ngayon kailangang-kailangan na pairalin ang disiplina lalo’t nakapasok na ang ang Delta variant sa lungsod at upang mapigilan ang pagkalat pa nito.

Ang nasabing variant ay mas nakakahawa, mas mabilis na kumalat at mas nakakamatay kaysa sa ordinaryong COVID-19.

Bagama’t pinapayagan noon ng MHD ang mga pasyenteng asymptomatic na mag-home quarantine basta’t ito ay duly verified at may espasyo sa kanilang bahay kung saan puwedeng mag-isolate, ngayon ay hindi na ito pinapayagan.

“Kayo ay gagaling sa MCFH kung saan fully-airconditioned, may oxygen, mah pagkain, communication equipment, TV at wifi. We will make it more comfortable for you. We cannot take chances. Maige na ang maagap.
Aagapan natin ‘yung numero,” sabi ni Moreno na sinisigurado sa mga pasyenteng sila ay gagaling dahil mga professional medical practitioners ang mag-aalaga sa kanila.

Para sa kaalaman ng lahat, sinabi ni Moreno na bago pa siya naimpormahan ay may tatlong linggo na ang kaso ng Delta variant sa Maynila.

Iminungkahi ng Department of Health (DOH) na magsagawa ng contact tracing ang lungsod na kaagad namang ginawa ng pamahalaang lokal . Isinailalim din sa pagsusuri ang pamilya ng dalawang Delta variant positive at napag-alaman na negatibo ang mga ito sa COVID-19.

Tumawag na rin ng emergency meeting sa mga hospital directors, kinauukulang departmento at tanggapan upang pag-usapan ang problema at makagawa ng mga paunang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng nasabing sakit. (ANDI GARCIA)

The post HOME QUARANTINE SA MAYNILA, BAWAL NA — ISKO appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
HOME QUARANTINE SA MAYNILA, BAWAL NA — ISKO HOME QUARANTINE SA MAYNILA, BAWAL NA — ISKO Reviewed by misfitgympal on Hulyo 17, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.