Facebook

Pandemic rally sa Caloocan!

VIRAL sa social media ang “Ulat sa Bayan” ni Congressman Egay Erice sa mga Barangay 28 at Brgy. 73 sa lungsod ng Caloocan na magkasunod na ginanap noong nakaraang linggo lamang.

Kung nakakamatay lang daw ang pagmumura, aba’y balikwang na ang nasa likod ng dalawang pagpupulong na ito na lubhang nakaperwisyo daw sa kapitbahayan, ayon sa mga galit na galit na mga residente.

Ang kunwari’y ulat sa bayan pero ang katotohanan ay political rally pala ni Erice ay nagdulot ng ingay sa kapaligiran, dahilan para mabuwisit ang mga namamahinga at natutulog ng mga residente ng nasabing dalawang barangay.

Pero ang lubos na ikinagalit ng mga mamamayan ay ang tahasang pagsuway ng mga pasimuno sa naturang dalawang pulong sa COVID-19 safety protocol dahil, anila, hindi isinaalang-alang ang social distancing at karamihan sa mga dumalo ay walang face mask at face shield.

Nangangamba ang mga residente na ang Erice gathering ay magiging “COVID super spreader”, gaya ng nangyari sa isang resort sa Bagumbong, Caloocan dalawang buwan na ang nakakaraan na nagkahawaan dahil nabalewala ang safety health protocol.

Sa 217 na bisita sa Gubat sa Siyudad resort, 20 ang nakitaan na positibo sa nakakatakot na virus na kaagad dinala sa quarantine facility para magamot at di na makahawa pa sa iba.

Dahil din sa pangyayaring ito, ang kapitan ng barangay na nakakasakop dito ay ipinagharap ng kaso na dahilan ng kanyang pagkakasuspinde ng ilang buwan, ganon din, ang police sub- station commander na nakakasakop sa nasabing resort ay nasibak sa puwesto.

Kaya dapat ay kumilos muli si Mayor Oca Malapitan, dapat na kilalanin kung sino-sino ang mga dumalo sa “ulat na bayan” na ito ni Erice para maisalang sa swab test nang sa gayon ay ma-quarantine at magamot ang mga magpa-positive sa COVID- 19.

Dapat ay silipin din ng DILG ang naturang kaganapan para panagutin kung sino ang pabayang event organizer sa pamamagitan ng paghaharap ng kaukulang demanda.

Sa ganang akin, hindi ba dapat managot din si Erice na siyang pangunahing karakter sa nangyaring dalawang ulat sa bayan na ito na kahit saang anggulo naman silipin ay tahasan itong political rally?

Hindi rin kaya naisip ng Erice camp na nasa gitna tayo ngayon ng laban sa mapanganib na COVID – 19 virus pero inuuna pa nila ang ganitong aktibidades na ulat sa bayan kuno pero halatang-halata namang early politicking.

Sana nga lang, walang magpo-positibo sa mga dumalo sa dalawang Erice gathering na ito kung magdedesisyon si Mayor Malapitan na isalang ang mga ito sa RT-PCR (swab) test na sa ganang atin ay dapat niyang gawin.

Sa mga pulitikong ngayon pa lamang ay pamumulitika na ang inaatupag imbes na tumulong laban sa COVID virus, nakuh eh esep esep naman ng konti – nasa gitna tayo ngayon ng malaking pagsubok, ang giyera natin sa pandemya .

BURIKI SA BATANGAS CITY,
PINASUSUGPO NI ELEAZAR!

KUNDI pa sa matapang na pagsisiwalat ng katoto nating kolumnistang si Bong Padua ay di pa marahil mabubunyag ang operasyon ng pinakamalaking burikian sa buong bansa na nakabase sa mga barangay ng Danglayan at Sta Rita Aplaya, Batangas City.

Aba e tila napakahimbing ng “pagkakatulog sa pansitan” nina Philippine National Police Maritime Unit 4A Commander, P/Col. Gonzalo Villamor Jr habang may nagaganap palang malaking kabulastugan sa kanyang hurisdiksyon.

Agad naman nating ipinarating sa kaalaman ni PNP Director General Guillermo T. Elezar ang pagbubunyag ni Padua.

Nakumpirma naman ng inyong lingkod na matagal na nga pala ang operasyon ng grupo nina Arlon, Buloy at Ronald na iniuulat pang armado ng mga matataas na di lisensyadong baril.

Kung nagaganap ang mga kabalbalang ito sa pamunan ng ibang naging PNP Chief ay di naman ito uubra kay Eleazar.

Tiniyak ng magiting na heneral na agaran nitong paaaksyunan kay PNP Region 4-A Director, PBG Eliseo Cruz ang napaulat na operasyon nasabing burikian.

Ibinulgar pa ni REMATE Columnist Bong Padua na ginagamit ng nasabing sindikato ang barkong SEA HORSE bilang imbakan ng nakaw na produktong petrolyo na kinukulimbat ng mga kapitan ng mga lokal at Ocean-going na barko at ibenebenta ng mga ito sa grupo ng naturang sindikato.

Tumatabo ng milyong halaga ang nasabing gang sa araw at gabi ng mga itong operasyon. Katuwang ng sindikato sa pamimili ng nakaw na petrolyo ang mga magdaragat na Badjao na pinamumunuan ng isang alias Pangulong Sony na nagkukuta sa Sitio Badjaowan, Brgy. Wawa ng nasabi ring lungsod. May imbakan din si Pangulong Sony ng mga nakaw na petroleum product sa Brgy. Wawa at ibenebenta naman nito sa mga lokal na mangingisda, tricycle, jeepney at truck driver.

Matagal na ring namamayagpagpag ang operasyon ng naturang sindikato ngunit walang aksyon naman dito sina Col. Villamor Jr. at ang mga tauhan nitong nakabase sa PPA Compound, Brgy. Sta Clara ng nabanggit ding siyudad, na may isang milya lamang ang layo sa daungan ng barkong Sea Horse.

Sa txt message ni PBG Cruz kay PNP Dir.Gen. Eleazar noong Sabado ng hapon ay sinabi nito na, “Copy Sir, pinalalakad ko na din ang mga operatives para matrabaho ito”.

Bilib talaga ang inyong lingkod sa bilis ng pag-aksyon ni General Eleazar, kaya naman hindi tayo mag-aalinlangan na makipagtulungan sa PNP sa ilalim ng pamumuno nito.

***

Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com

The post Pandemic rally sa Caloocan! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Pandemic rally sa Caloocan! Pandemic rally sa Caloocan! Reviewed by misfitgympal on Hulyo 17, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.