Facebook

Kaunlaran para sa mga lugar na napeste ng CPP-NPA

NITONG Biyernes (July 16) dalawang barangay sa Ilocos Sur na nabigyan ng tig-P20 milyong pisong pondo upang paunlarin ang kani-kanilang mga komunidad sa pamamagitan at pangnguna ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), ang nagpasinaya sa mga proyektong gugulan ng nasabing pondo.

Ang pondo ay talaga inilalaan para sa mga barangay na dating pinipeste, ginugulo at sinasamantala ng mga komunistang-teroristang Communist Party of the Philippines New People’s Army, National Democratic Front (CPP-NPA-NDF). At mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nakaisip ng paraang ito sa kanyang Executive Order No. 70 na siya ring lumikha sa NTF-ELCAC para maisakatuparan ang “whole of nation approach” na tinatawag o ang pagsama-sama ng lahat para labanan at tapusin na ang 52 taong panggugulo ng CPP-NPA-NDF sa bansa.

Sa pangunguna ni National Security Adviser at Vice-Chairman ng NTF-ELCAC na si Secretary Hermogenes Esperon Jr. naisagawa ang mga “groundbreaking” ng mga proyektong paggagamitan ng pondo sa Barangay Baluarte sa bayan ng Salcedo at Barangay Nagbettedan sa bayan naman ng Sto. Domingo.

Ipinaliwanag ng kalihim na ang pondo ay hango sa Barangay Development Program (BDP) na pinangangasiwaan ng NTF-ELCAC upang magamit ng mga barangay na naitaboy na ang mga teroristang-komunista upang paunlarin ang kalagayan ng buhay ng mga residente doon.

Sa Barangay Baluarte, ang pondo ay mapupunta sa mga pinasinayang mga proyekto para sa rehabilitasyon ng kanilang health center, pagpapagawa ng mga pampublikong palikuran, farm-to-market roads at school building. Samantalang ang sa Barangay Nagbettedan ay para naman sa 1.481–metro din ng farm-to-market road at eskwelahan, livestock training sa mga magsasaka at mga ayuda para sa mga mahihirap na pamilya.

Ang dalawang barangay ng Ilocos Sur ay ilan lamang sa kabuuang 822 mga barangay na pineste ng mga CPP-NPA-NDF na sinisikap ngayon ng Administrasyon Duterte na makabangon sa kahirapan at bigyan ng kaunlaran.

Ipinaliwanag din ni Secretary Esperon na masusundan pa ito ng mga pagpapagawa ng mga kinakailangang inprastraktura at pamimigay ng iba pang serbisyo-publiko upang mapanatili ang katahimikan ng mga barangay na pineste ng mga teroristang-komunista. Ito ay para na rin di na tangkilikin ng mga resdente ang mga panloloko ng CPP-NPA-NDF.

Alam naman natin na ang kahirapan ang laging ginagawang dahilan ng mga CPP-NPA-NDF kapag pinapasok nila ang mga barangay upang udyukan ang mga residente nito na magalit sa pamahalaan at sumama na sa kanilang maling isinusulong na himagsikan. Nalalapit na talaga ang kanilang katapusan.

The post Kaunlaran para sa mga lugar na napeste ng CPP-NPA appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Kaunlaran para sa mga lugar na napeste ng CPP-NPA Kaunlaran para sa mga lugar na napeste ng CPP-NPA Reviewed by misfitgympal on Hulyo 17, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.