KUNG may matinding operasyon ng mini casino at droga sa Lipa City at Malvar, Batangas na pinatatakbo ng isang Glenda, sa lalawigan naman ng Rizal ay may katulad din nito ang pattern kung paano pinagagalaw ng mga drug/gambling maintainer ang kanilang mga illegal business hub na halaw sa Philippine Offshore Gaming Operation (POGO).
Ito ay ang ala mini casino/drug den na pinatatakbo ng isang Jose at Pearly sa bayan ng Taytay Rizal na ang modus operandi ay halos katulad ng POGO na kamakailan ay pinaglulusob ng mga awtoridad sa mga siyudad ng Paranaque at Pasay City.
Mahigit sa isang taon na ang operasyon ng mini casino con drug den na ito nina Jose at Pearly sa ilang palapag na gusali ng Vibes Resto sa Brgy. San Isidro sa bayan ni Taytay Mayor Allan De Leon, ngunit kahit minsan ay hindi naman napatigil ng mga awtoridad lalo na ng Rizal PNP Provincial Police at Taytay Municipal Police Office sa ilalim ni LtCol. Gaylord Pagala ang operasyon nito.
Hindi nakapagtataka pagkat ang karamihan sa mga awtoridad na nangraid at nagtangkang patigilin ang maneobra ng naturang gambling con drug den ay nabigo pagkat balitang nasuhulan ng magkasosyong vice operator na sina Jose at Pearly.
Sina Jose at Pearly ay kapwa kilalang bigtime operator din ng mga pergalan (perya na may mga pasugalk) at puesto pijo o permanenteng iligal na pasugalan sa ibat ibang mga siyudad at bayan sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).
Punong-puno ng sugal na color game, sakla, cara-cruz o tao-ibon na kilala ding pingpong at ng madayang didal ang mga gambling joint nina Jose at Pearly, kung saan bukod sa pagsusugal ay may bentahan din ng shabu 24 oras.
Bukod sa pagiging illegal gambling at shabu tiangge ay pinagsususpetsahang red house din ito dahil may flesh trade na nagaganap sa nasabing gambling joint.
Ang nakapagtataka ay kung bakit hindi nakikita ng Taytay Mayor’s Office ang “sikretong-hayag” na gambling den at bentahan ng laman na ito nina Jose at Pearly gayong may mga nagpupunta naman daw na mga business inspector ang Taytay Municipal Government sa nasabing lugar. Kaduda-duda ang nangyayaring ito kaya dapat ay magsagawa ng sariling pagsisiyasat si Mayor De Leon kaugnay sa impormasyong nakalap ng SIKRETA.
Ang nakabibinging pananahimik din ng liderato ni Rizal PNP Provincial Director Col. Felipe Battung Maraggun sa operasyon nina Jose at Pearly sa kanyang area of jurisdiction ay tiyak magpapapa-panting tenga ni PNP Region 4-A Director PBGen. Paul Kenneth Lucas at outgoing Philippine National Police Chief PDGen. Benjamin Acorda Jr.
Ang di maintidihan ng ating informant, may mga pulis si LtCol. Pagala na lulan ng mobile car na nakabantay at paikot-ikot sa gusaling pinagsusugalan, pagkatapos ay may lumalabas sa establisyemento na tauhan sina Jose at Pearly at binibigyan ng pera ang mga pulis. Kung ito man ay suhol o hindi ay bahala na ang ating mambabasa na magpasya?
Kuwento ng ating informant, nakarating na sa ibat ibang ahensya ng mga awtoridad ang POGO-like operation nina Jose at Pearly, pero walang ginagawa si PD Col. Maraggun kaya dapat ay umentra na sa eksena sina Presidential Anti-Crime Commission Head, Retired Police Major General Gilbert Cruz.
Utusan niya ang kanyang mga tauhan para lusubin na ang mga lugar na ito na may “underground operation” para maisalba ang mga nalululong at patuloy na malululong pa sa mga ipinang-eenganyong sugal, droga at panandaliang aliw nina Jose at Pearly sa naturang establisyemento.
Sa mga nakaraang ilang linggo ay magkakasunod na sinalakay ng PACC ang POGO sa mga siyudad ng Paranaque at Pasay kung saan ay pinaghuhuli ang mga nasa likod ng nasabing illegal operation na sugalan, bentahan ng droga at “bentahan ng laman” at nailigtas ang maraming biktima.
Dahil din sa pagkakadiskubre ng PACC na nagagamit ang POGO sa illegal activities ay ipinag-utos na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagpapasara sa lahat ng POGO business hub sa bansa.
Patuloy namang di tinitinag ng Batangas PNP, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), National Bureau of Investigation, Malvar Police Office sa ilalim ni Capt. Nemecio C. Calipio Jr. at Lipa City Police Chief LtCol. Rix Villareal ang mini casino con drug den ni Glenda sa Brgy. Santiago Malvar town at Brgy. Pinagtong-olan, Lipa City sa kabila ng dumadagsang reklamo ng mga mamamayan laban sa operasyon nito. May karugtong.
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144
The post POGO-STYLE OPERATION NINA JOSE AT PEARLY SA RIZAL! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: