Facebook

Ika-129 Malasakit Center, inilunsad sa Tondo; Mas pinahusay na health care access para sa mga mamamayan, patuloy na isinusulong ni Sen. Go

MISMONG si Senador Christopher “Bong” Go ang personal na nanguna sa paglulunsad ng ika-129 na Malasakit Center sa Tondo Medical Center (TMC) sa Maynila noong Biyernes, kasabay ng ika-50 anibersaryo ng pasilidad na nagsimula ng operasyon noong 1971.

Nabatid na ang TMC ang ika-26 na pagamutan sa National Capital Region (NCR) at ikalima sa lungsod, na nagbukas ng Malasakit Center, bilang karagdagan sa Philippine General Hospital, Dr. Jose Fabella Memorial Hospital, San Lazaro Hospital at Jose R. Reyes Memorial Medical Center.

Sa kanyang mensahe sa seremonya, sinabi ni Sen. Go na bagamat ang health facilities at medical services ay mas mahusay sa mga urban areas, ang mga naturang health advantages ay madalas ring hindi nae-enjoy ng mga lower income groups.

Inaalala pa niya ang mga taon ng karanasan nang pagtulong niya sa mga indigents na nangangailangan ng atensiyong medikal, at siya aniyang nagpalakas sa kanyang pagnanais na tulungan ang mga ahensiya ng pamahalaan na bumuo ng mga inisyatiba upang paghusayin pa ang access ng mga mahihirap at marginalized sector sa abot-kaya ngunit de kalidad na serbisyong pangkalusugan.

“Nung mayor pa si Pangulong Rodrigo Duterte ng Davao City, maraming residente o hindi residente ang pumupunta ng city hall para humingi ng tulong para sa kanilang pampagamot. Lunes, pipila ‘yan sa PhilHealth at Martes sa [Philippine Charity Sweepstake Office]. Ubos na oras nila sa biyahe, ubos pa pera nila sa pamasahe,” pag-alala pa ni Go, na siyang pinuno ng Senate Committee on Health.

“Sabi ko sa sarili ko bakit ba natin pinapahirapan ang Pilipino? Dapat tayo, ang gobyerno, ang lumalapit sa kanila. Responsibilidad natin ibalik ang pera nila sa pamamagitan ng mas mabilis at maayos na serbisyo. Kaya nung naging Senador ako, ito ang unang batas na aking ni-file kasama ng Salary Standardization Law V na nag-increase ng mga sahod niyo,” pagpapatuloy pa niya.

Matatandaang noong 2019, iniakda ni Go at inisponsoran ang panukala na naging Republic Act No. 11463 at nagtatag ng Malasakit Centers program, na ang layunin ay matulungan ang mga pasyente na mabawasan ang kanilang bayarin sa kanilang pagpapagamot.

“Marami pang Pilipino ang hindi nakakaalam sa Malasakit Center kaya sabihan niyo ang mga kapitbahay niyo na mayroon na din kayo dito sa Tondo. Wala itong pinipili. Karapatan niyo bilang Pilipino ang maka-avail ng serbisyo nito,” ayon pa kay Go.

“Halimbawa, may dagdag na gastos ang pasyente na hindi covered ng PhilHealth, diyan na papasok ang mga ibang ahensya. Ngayon, kung kulang pa ang tulong, ang bawat center ay may replenishable na funds mula sa Office of the President para pangdagdag tulong. Target ng Malasakit Center na maging ‘zero balance’ ang inyong hospital bill para wala na kayong babayaran,” aniya pa.

Nanagawan rin naman ang senador sa mga hospital administration na i-maximize ang pondo ng pamahalaan upang mabigyan ng abot-kaya hanggang libreng medical care ang mga pinakamahihirap na pasyenteng nangangailangan.

Sinabi ni Go na makatutulong ito upang mabawasan ang psychological distress na nararanasan ng mga pasyente at ng kanilang pamilya sa panahon ng kanilang pagkakasakit at umapela pa ng habag at pang-unawa para sa mga disadvantaged.

“Isa lang ang bilin namin ni Pangulong Duterte sa mga doctors at social workers, ‘wag niyo pababayaan ang mga kababayan natin na helpless, hopeless at walang matakbuhan. Maraming pasyente ang takot at maikli ang pasensya sa panahong ito but, please, extend your patience. And do not extend the number of patients,” aniya pa.

Pinaalalahanan rin niya ang medical community na manatiling vigilante laban sa pagkalat ng bago at mas nakahahawang variants ng COVID-19, na maaari aniyang maging dahilan nang muling pagtaas ng mga kaso ng sakit sa Metro Manila.

Binigyang-diin ng senador ang pangangailangan ng kooperasyon dahil ang kalusugan ng bawat isa ay nakadepende sa pangkabuuang kalusugan ng buong komunidad.

“Nakakabahala na recently, may na diskubre na 16 na kaso ng Delta variant… Napaka-importante na ma-contain natin ito agad. Huwag maging kumpiyansa dahil hindi natin kakayanin kung tataas muli ang bilang ng mga kaso. Marami ang maapektuhan at mawawalan ng trabaho kung magsasara tayo muli,” aniya pa.

“Nakakatakot talaga ito. Nagsasara na ang mga ibang bansa dahil dumadami ulit ang mga kaso nila. Sa ngayon, ginagawa namin ni Pangulo ang lahat para balansehin ang ekonomiya at public health. Ayaw namin may nahihirapan pero ang magiging pangunahing konsiderasyon namin sa bawat desisyon ng gobyerno ay ang kalusugan at buhay ng bawat Pilipino,” dagdag pa niya. (Mylene Alfonso)

The post Ika-129 Malasakit Center, inilunsad sa Tondo; Mas pinahusay na health care access para sa mga mamamayan, patuloy na isinusulong ni Sen. Go appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Ika-129 Malasakit Center, inilunsad sa Tondo; Mas pinahusay na health care access para sa mga mamamayan, patuloy na isinusulong ni Sen. Go Ika-129 Malasakit Center, inilunsad sa Tondo; Mas pinahusay na health care access para sa mga mamamayan, patuloy na isinusulong ni Sen. Go Reviewed by misfitgympal on Hulyo 17, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.