PATULOY si Senator Christopher “Bong” Go sa pagsuporta sa mga nangangailangang Zamboangueños at kasabay nito’y pinangunahan niya ang pagbubukas ng ika-126 Malasakit Center sa Mindanao Central Sanitarium sa Zamboanga City.
Ang nasabing Malasakit Center ay pangalawa na sa lungsod at pang-anim sa Zamboanga Peninsula.
Ang iba pang Malasakit Centers ay nasa Zamboanga City Medical Center, Dr. Jose Rizal Memorial Center sa Dapitan City, Zamboanga del Norte Medical Center sa Dipolog City, Zamboanga del Sur Medical Center sa Pagadian City at Margosatubig Regional Hospital sa Margosatubig, Zamboanga del Sur.
“Natutuwa ako na mayroon na tayong 126 na Malasakit Centers sa buong bansa. Marami nito ay nasa Mindanao at dalawa mismo ay nasa Zamboanga City. Ano nga ba ang ibig sabihin ng malasakit? Ito ay ang pagpapahayag ng pagmamahal para sa iyung kapwa tao.”
“Natutunan ko ang tunay na kahulugan ng malasakit sa mga taong nagsilbi ako sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte nung mayor pa siya ng Davao City. Doon ko nakita ang malasakit ng Pangulo para sa kapwa niyang Pilipino,” ayon kay Go.
Sa kanyang video message, ginunita ni Go ang kanyang naging karanasan sa pagtulong sa mga indigent patients na walang kakayahang magpagamot ng mga karamdaman.
Aniya, ang mga may sakit na naninirahan sa mga rural at low-income areas ang kadalasang hindi nararating ng serbisyong medikal dahil na rin sa kawalan ng pinansiyal o masasakyan patungo sa malalayong ospital.
“Marami nun ang lumalapit sa city hall (sa Davao City) para humingi ng tulong kahit hindi sila residente. Pipila ang mga ‘yan ng Lunes sa city hall, Martes sa PhilHealth at Miyerkules sa [Philippine Charity Sweepstakes Office]. Ubos na panahon nila, ubos pa pera nila sa pamasahe.”
“Hindi matiis ni Pangulo na tanggihan ‘yung mga humihingi ng tulong. Kaya nung naging presidente siya, inisip ko kung ano ang pwede nating gawin para matulungan ang mga pasyenteng mahihirap,” ani Go.
Kaya naman si Go ang nagsimula ng inisyatiba na magkaroon ng kauna-unahang Malasakit Center sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City noong 2018.
At nang maging senador, siya ang nag-sponsor at nag-akda ng Malasakit Centers Act of 2019.
Buhat nang mapasimulan, mahigit na sa 2 milyong pasyente ang natulungan ng Malasakit Center sa buong kapuluan.
“Nung isang araw nasa Siargao Island kami. Bumibiyahe pa ng isang oras ang mga pasyente sakay ng bangka para makatawid at makahingi lang ng tulong sa kapitolyo. Ngayon, hindi na nila kailangan gawin ‘yun dahil mayroon na silang Malasakit Center.”
“Hindi pumipili ang Malasakit Center ng tutulungan. Karapatan niyo ito bilang mga Pilipino. Binabalik namin ang pera niyo sa inyo sa pamamagitan ng maayos at maaasahang serbisyo. Kaya sa mga poor at indigent patients diyan, puntahan niyo na ang Malasakit Center dahil para talaga sa inyo ito,” ang paniniyak ni Go.
The post Ika-126 Malasakit Center binuksan sa Zamboanga City appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: