LAST call.
Ito ang ultimatum na ibinigay ni Manila Mayor Isko Moreno sa lahat ng nga naka-schedule na tumanggap ng kanilang 2nd dose ng Pfizer mula May 13 hanggang July 19, 2021 pero hindi sumipot, dahil mayroon na lamang silang buong araw ng Sabado, July 24, para maturukan ng kanilang 2nd dose at kung hindi pa sila makakarating ay ipagkakaloob na lamang sa ibang interesado ang kanilang bakuna.
Nito ring Sabado ay tinotoo ng alkalde ang kanyang salita na tuloy pa rin ang bakunahan sa Maynila sa kabila ng malakas na buhos ng ulan o kahit pa matapat ito sa pista opisyal o Sabado at Linggo kung kaya binuksan ni Moreno ang vaccination para sa first dose sa itinakdang 18 vaccination sites na mga eskwelahan at apat na shopping malls mula alas-6 ng umaga hanggang alas- 7 ng gabi. Pinuri din ng alkalde ang vaccinating teams sa ilalim ng pangangasiwa ni Vice Mayor Honey Lacuna at Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan dahil sa ginagawa nitong panghihikayat na mas marami pang residente ang mabakunahan sa mas maikling panahon.
Tuloy din ang vaccination para sa mga bedridden at physically-challenged na mga residente mula Districts 1, 2 at 5 kung saan si Vice Mayor Lacuna ang personal na sumusubaybay sa isasagawang pagbabakuna.
Sa kanyang panawagan sa mga kinauukulang residente na magpaturok ng kanilang 2nd dose, sinabi ng alkalde na hindi kayang maghintay ng matagal ng pamahalaang lungsod.
Ayon kay Moreno, ang mga nakatakdang tumanggap ng kanilang 2nd dose ng Pfizer pero nabigong makarating dahil sa kung anong kadahilan ay pinadalhan muli ng txt messages na magpunta sa Universidad de Manila kung saan ang vaccination ay itinakda ganap na alas- 7 ng umaga hanggang alas- 7 ng gabi nitong Sabado, July 24.
Sinabi pa ng alkalde na ang 2nd dose allotment para sa mga hindi sisipot sa UdM sa kabila nang paulit-ulit na tawag ay gagamitin ng pamahalaang lungsod bilang first dose para sa ibang residente na nais magpabakuna.
Sinabi pa ng alkalde na wala silang magagawa kundi gamitin ang bakuna dahil napakahalaga ng oras at marami ang naghahangad ng proteksyong ipinagkakaloob ng bakuna. May kabuuang 1,500 2nd doses ang naibigay nitong Sabado sa mga kategoryang A1, A2, A3, A4 at A5 priority groups.
“May 1,500 out of the 74,000 na nabakunahan ng Pfizer na di pa bumabalik for some reason which I respect. But you have to get your second dose. Last call na ito,” sabi ni Moreno ..
“Kung sinuman kayo, although ite-text pa din kayo at ilang beses na kayo tinext. Since nabakunahan kayo nung first time, ibig sabihin tama number nyo. Kaya last call kasi nanghihinayang kami sa bakunang nasa bodega,” dagdag pa nito.
Ayon pa kay Moreno ang mga kinauululan na nalagpasan ng opustunidad na maturukan ng kanilang 2nd dose ay maaring maghintay na lamang uli ng panibagong darating na Pfizer doses.
“The question is ‘when?’ The answer is ‘I dunno.’ For so many times sinubukan kayo. Last call na ito. After that, we will have to utilize these vaccines. Punta na kayo kundi ipapamigay namin sa iba kasi sayang naman ‘yung mga me gusto,” giit ng alkalde. (ANDI GARCIA)
The post Last call para sa naka-schedule ng 2nd dose ng Pfizer, pinanawagan ni Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: