MAYROONG napakahalagang proyekto ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na tungkol sa Philippine Lottery System (PLS).
Ang halaga nito, ayon sa mga naglabasang balita, ay P6.15 bilyon.
Napakalaking halaga!
Sa pagkakaintindi ko, layunin ng PCSO na palitan na ang umiiral na PLS dahil luma na rin ito.
Sa ibang salita, gusto ng pamunuan ng PCSO, sa pangunguna ni General Manager Royina Garma, na gawin nang moderno ang sistema ng palaro ng PCSO sa buong bansa.
Ngunit, kailangan nitong idaan sa bidding, o subasta, upang maging patas at malinis.
Isa sa mga kumpanyang lumahok sa bidding ay ang Genlot Game Technology Co. Ltd. – Digi-Specs IT Corporation-Philippine United Technic Corporation sa bidding ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na joint venture ng mga negosyanteng Chinese at Filipino.
Pokaragat na ‘yan!
Chinese na naman?!
Iyong DITO Telecommunity ay kumpanya ng purong Chinese ang kasosyo nito.
At ang kumpanyang kasosyo ni Dennis Uy sa DITO ay pag-aari ng pamahalaan ng China.
Chinese company din ang kasosyo ng dalawang Filipino-Chinese business tycoons sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Nakapasok na rin ang maraming Chinese sa bansa para sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) kung saan mayroong impormasyong nakarating sa akin na mayroong binabayaran ng napakalaking halaga ang mga Chinese na nag-asikaso sa kanila sa Bureau of Immigration (BI) upang makapasok sa bansa nang walang kaproble-problema.
Ngayon na naman, Chinese ang papasok sa bilyun-bilyong halaga ng proyekto ng PCSO.
Nahagip ang atensiyon ko sa isyung ito dahil ang Genlot – Digi-Specs IT ay tatlong ulit na palang nadisqualify ng special bids and awards committee (SBAC) ng PCSO.
Ngunit, tila mayroong pag-asa, batay sa tono ng ilang opisyal ng PCSO.
Pokaragat na ‘yan!
Suriin at pag-aralang mabuti kung mayroong ‘kababalaghan’, o wala, matapos ninyong basahin ang kolum na ito.
Ayon sa ulat, tatlong beses na idinisqualify ng SBAC ng PCSO ang Genlot – Digi-Specs IT dahil sa mga nagawang paglabag sa batas ng pagsubasta.
Kaso, ipinawalang-bisa ng PCSO Board of Directors ang desisyon ng SBAC, partikular ang ikawalang diskuwalipikasyon.
Kaya, ang naging desisyon ng SBAC ay magbitiw sa tungkulin.
Hindi natuloy makaraang kausapin ng pamunuan ng PCSO ang limang miyembro nito.
Ang batayan ng SBAC sa unang diskuwalipikasyon noong Abril 21 ay walang English translation na sertipikado ng Embahada ng Pilipinas ang mga dokumentong ipinasa ng Genlot – Digi-Specs IT sa SBAC.
Sa ikalawang diskuwalipikasyon naman, nadiskubre ng SBAC na isa sa mga kumpanyang kasama sa Genlot Consortium ay mapapaso noong panahon isasagawa ang subasta noong Abril.
Dahil balewala na ang desisyong ito ng SBAC, nagpatuloy ang subasta kamakailan.
Pokaragat na ‘yan!
Ngunit, sa ikatlong pagkakataon ay hindi na naman pumasa ang Genlot – Digi-Specs IT dahil walang naipakita ito sa SBAC na orihinal at notoryadong kopya ng certificate ng secretary at wala ring Board Resolution na nagpapatibay na ligal na kinatawan ng Genlot – Digi-Specs IT si Ryan Wong.
Sabi ni Garma, inaantay ng PCSO Board of Directors ang pinal na desisyon ng SBAC para makasama sa mga kumpanyang hangad na maungkit ang P6.15 bilyong proyektong PSL.
Maliwanag po ba?!
Magandang abangan ito!
The post MAY ‘KABABALAGHANG’ NAGAGANAP SA PCSO PABOR SA GENLOT – DIGI-SPECS IT appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: