KUNG may sapat lang na bakuna, kayang-kayang ma-achieved ng kabisera ng bansa ang herd immunity sa loob ng 2-araw dahil kulang na lamang ito ng 86,000 sa kailangang bilang na nire-require ng Department of Health (DOH).
Nabatid mula kay Manila Mayor Isko Moreno na sinabi sa kanya ng DOH na kailangang mabakunahan ang 70 percent ng populasyon nito na katumbas ng 800,000 indibidwal upang makamit ang herd immunity.
Base sa statistics na ibinigay ni Dr. Poks Pangan, hepe ng Manila Health Department (MHD), sinabi ng alkalde na ang bilang ng mga residente na nabakunahan na ay 713,128. Ito ay kulang na lamang ng 86,972 para umabot sa 800,000 na kailangan upang matamo ang herd immunity.
Sa daloy ng mass vaccination program ng lungsod sa pangangasiwa nina Vice Mayor Honey Lacuna, Dr. Pangan at assistant MHD chief Dr. Ed Santos kung saan umaabot sa 45,000 ang nababakunahan tuwing may operasyon, sinabi ni Moreno na kayang maabot ng pamahalaang lungsod ang kailangang bilang sa loob lamang ng dalawang araw kung meron lamang na 86,972 bakuna sa kamay nito.
Ayon pa sa alkalde ay may 713, 218 ang nabakunahan sa lungsod at mahigit 50 percent nito ay nakatanggap na rin ng kanilang second dose.
Ang magandang pangyayaring ito, ayon kay Moreno ay bunga ng dedikasyon ng vaccination teams na tumatao sa may 22 vaccination sites ng lungsod sa loob ng 14-oras mula ala-6 ng umaga hanggang alas- 8 ng gabi.
Ibinigay din Moreno ang pasasalamat sa tagumpay ng vaccination program ng lungsod sa kagustuhan ng mga residente na mabakunahan bilang tugon sa kampanyang inilunsad nila ni Lacuna bago pa nagsimula ang kasalukuyang taon at pagkatapos ilunsad ang online registration noong Bisperas ng Bagong Taon para sa libreng bakuna.
“Due to your cooperation and belief that vaccination can help and for listening to us, baka maabot natin itong herd immunity sa lalong madaling panahon,” sabi ni Moreno.
Samantala ay umaasa naman si Moreno na maimpormahan kaagad ang local government sakaling may matutukoy na kaso ng Delta variant sa nasasakupang hurisdiksyon upang hindi na maulit ang pangyayari na naimpormahan ang Maynila makalipas ang isang buwan.
Sinabi ng alkalde na inulat ni Pangan na naimpormahan ang lungsod dakong alas-11 ng umaga nang July 23 na may isang kaso ng Delta variant ang natukoy sa Maynila. Ang pasyente ay 33-anyos na babaeng female assistant researcher sa isang public hospital sa lungsod pero hindi sa anim na ospital na pinatatakbo ng lungsod.
Ayon pa kay Moreno, base na rin sa report, ang nasabing pasyente ay kinakitaan ng sintomas noong June 23 at June 26 nang lumabas ang resulta ng kanyang swab o RT-PCR test. Siya ay nagpositibo sa COVID-19 pati na rin ang asawa at anak nito. Lahat sila ay nag- home quarantine.
Noong July 3, nawala na ang sintomas nito at noong July 10 siya ay naka-recover at nagbalik na sa trabaho nang sumunod na araw. July 22 nang malaman na ang pasyente ay nagpositibo sa Delta variant ng COVID-19 at saka pa lamang inimpormahan ang lungsod.
Sinabi pa ni Moreno na ang pasyente ay kinailangan pa uling sumailalim sa panibagong swab testing at napag-alaman na maayos naman ang kalagayan nito.
“Hopefully, wag umabot ng isang buwan bago i-inform ang local government para magawa namin ang dapat gawin,” sabi Moreno kasabay ng pagtitiyak nito na patuloy na bumibili ng kailangang mga gamot ang lungsod pati na rin ng mga kagamitan upang matugunan ang COVID-19. (ANDI GARCIA)
The post Kung may sapat lang na bakuna, ma-achieved na ng Maynila ang herd immunity sa loob ng 2-araw — Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: