KINUMPIRMA ng Department of Health (DOH) na mayroon nang local transmission ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19 sa bansa.
Ang anunsiyo ay isinagawa ng DOH nitong Huwebes ng gabi matapos na lumitaw sa phylogenetic analysis na isinagawa ng University of the Philippines – Philippine Genome Center, at case investigation ng DOH Epidemiology Bureau at ng regional at local epidemiology and surveillance units, na ang mga clusters ng Delta variant cases ay may kaugnayan sa iba pang lokal na kaso.
Kaugnay nito, binigyang-diin ng DOH ang pangangailangan sa patuloy na pagpapatupad ng mas istriktong border control measures at pagpapaigting pa ng local COVID-19 responses.
Nitong Huwebes, una nang kinumpirma ng DOH na may 12 bago pang Delta variant infections silang naitala, kaya’t umaabot na sa 47 ang kabuuang kaso nito sa Pilipinas.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, walo sa mga ito ang nanatiling aktibong kaso pa at naka-quarantine muli. Lahat umano ng mga pasyente ay hindi pa vaccinated.
Pinaalalahanan din naman ng DOH ang publiko na maging mas maingat at istriktong sumunod sa ipinaiiral na minimum public health standards ng pamahalaan, gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield, pag-obserba sa physical distancing, at pag-iwas sa mass gathering. (Jonah Mallari/Andi Garcia/Jocelyn Domenden)
The post Pilipinas may local transmission na ng Delta variant – DOH appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: