PINAGHAHANDA ang Pilipinas para sa isang “worst-case scenario” kontra sa posibleng pagkalat ng mas nakakahawang Delta coronavirus variant.
Saad ito ni Dr. Gene Nisperos, board member ng non-governmental organization Community Medicine Development Foundation, hindi pa rin kasi sapat ang testing na ginagawa sa ngayon at mabagal din ang rollout ng pagbabakuna upang maiwasan sana ang transmission ng Delta variant sa bansa.
Giit pa ni Nisperos na hindi na kailangan maulit muli ang sitwasyon noong nakalipas na taon na umano’y binalewala noong simula pa ang pandemya hanggang sa lumobo ang kaso ng hawaan.
Sa datos, kasalukuyang may walong active cases ng Delta variant sa Pilipinas, kasunod ng isinagawang retests sa mga pasyente na dating kinunsidera nang recovered.
Aminado rin ang Department of Health (DOH) na posibleng mayroong undetected infections ng mas nakahahawang variant ng coronavirus sa ngayon.
Sa walong active Delta variant cases, apat ang sa Cagayan de Oro, isa ang sa Manila, isa rin sa Misamis Oriental, habang dalawa naman ang mga Pilipino na dumating sa bansa galing abroad.
Para mapigilan ang pagkakaroon ng isa pang surge, sinabi ng mga health officials na kailangan maghanda ng mga komunidad sa presensya ng Delta variant.
Matatandaan na huling nakaranas ng surge ang Pilipinas noong Marso, kung saan umaabot ng hanggang 10,000 kaso kada araw ang naitala. (Josephine Patricio)
Delta variant 97% na nakakahawa – expert
INIHAYAG ng isang infectious disease expert na 97 porsiyento na mas nakakahawa ang Delta variant kumpara sa orihinal na strain nito.
Ayon kay Dr. Rontgene Solante, head ng adult infectious disease unit sa San Lazaro hospital sa Manila, na ang viral load ng Delta variant ay tinatayang 1,260 na beses na mas mataas kumpara sa iba pang mga strains.
Ibig sabihin, mas maraming virus ang inilalabas ng strain na ito kumpara sa ibang variants of concern.
Sa katunayan, ang isang indibidwal na kinapitan ng Delta variant ay kayang makapanghawa ng nasa apat hanggang walong katao.
Tiniyak naman ni Solante na lahat ng mga COVID-19 vaccines sa bansa na mayroong emergency use authorization (EUA) ay nanatili pa ring epektibo laban sa anumang variants ng coronavirus.
The post Pilipinas pinaghahanda sa ‘worst scenario’ vs Delta variant; 97% na nakakahawa appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: