Publiko binalaan ni Sen. Go na huwag maging kampante ngayong may local transmission na ng Delta variant; nagkaloob ng suporta sa mas maraming TODA members sa Caloocan City
BINALAAN kahapon ni Senador Christopher “Bong” Go ang publiko na huwag maging kampante ngayong may local transmission na ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19 sa bansa at sa halip ay maging mas vigilante upang hindi dapuan ng karamdaman, sabay giit na ang pangunahing layunin ng pamahalaan ay makapagligtas ng buhay.
“Huwag po tayo magkumpyansa lalo na’t may local transmission na ng Delta variant. Patuloy po tayong mag-ingat, sumunod sa mga patakaran, at makipagtulungan sa ating gobyerno,” ayon kay Go. “Ang inyong disiplina, kooperasyon at malasakit sa kapwa ay importante para malampasan natin ang mga pagsubok na ito.”
Sinabi ng senador na ang pagpapatupad ng health protocols, kabilang ang testing, contact tracing, at isolation, gayundin ang iba pang bumubuo sa COVID-19 response measures ng pamahalaan, ay dapat pang paigtingin at higpitan, kasama ang implementasyon ng mas istriktong border controls at mas pinahusay na paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan.
Hinikayat rin niya ang mga economic frontliners partikular na ang mga public transport workers na magpabakuna na laban sa COVID-19 dahil ito aniya ang tanging susi o solusyon para unti-unti na ngang makabalik ang lahat sa normal na pamumuhay.
Samantala, nagsagawa rin ang grupo ni Go ng dalawang magkahiwalay na distribution at relief operations noong Hulyo 22 sa Andres Bonifacio Elementary School at Hulyo 23 sa Grace Park Elementary School, upang matulungan ang may 2,000 Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) members sa Caloocan City bilang bahagi ng kanyang pagsusumikap na makapagpaabot ng tulong sa transport sector workers na ang buhay at kabuhayan ay labis na naapektuhan nang nagaganap na COVID-19 pandemic.
Kabilang sa mga natanggap ng mga TODA members ay mga pagkain, masks, face shields, at mga vitamins, habang may ilang piling benepisyaryo rin ang nabigyan ng computer tablets para magamit ng kanilang mga anak sa pag-aaral ng mga ito, at ng mga bisikleta na para naman sa kanilang transportasyon.
Pinasalamatan din ng senador ang mga tricycle drivers at operators dahil sa patuloy na pagtatrabaho para sa kanilang mga pamilya at pagsisilbi sa komunidad ngayong panahong ito ng krisis.
“Alam ko pong mahirap ang panahon ngayon. Napakahirap. Marami pong nawalan ng trabaho, marami pong nagsara na negosyo, ‘yung mga ruta ninyo medyo hirap po talaga. Magtulungan lang po tayo,” aniya.
Sa kabilang dako, nagpaalala rin naman si Go, na siya ring chair ng Senate Committee on Health, sa publiko na mayroong Malasakit Center na malapit sa kanilang lugar sakaling kailanganin nila ng tulong medikal. (Mylene Alfonso)
The post Publiko binalaan ni Sen. Go na huwag maging kampante ngayong may local transmission na ng Delta variant; nagkaloob ng suporta sa mas maraming TODA members sa Caloocan City appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: