
ITO ang ibinunyag ng Commission on Audit (CoA) sa kanilang audit report sa pondo ng Department of Health para sa paglaban sa Covid-19 noong 2020.
Nasilip ng CoA ang hindi tamang paggastos ng DoH sa Covid-19 funds na P67.323 bilyon last year.
Nilabag o dinedma raw ng DoH ang Government Procurement Reform Act.
Kulang kulang daw ang mga dokumento at hindi sinu-nod ang procedures sa paggamit ng pondo.
Dahil sa hindi pagsunod sa mga proseso, sabi ng CoA, nasa P69.942 milyon halaga ng medical equipments at supplies na nabili ang hindi nagalaw at ang ilan ay hindi parin nagagamit sa ngayon na malamang ay mag-expire na!
Ibinuking din ng CoA ang walang legal basis na paglabas ng P275.908 million mula sa pondo para sa cash allowance, gift certificate at grocery items. Na kung tanu-ngin ang health workers ay wala naman silang natanggap mula nang pumutok ang pandemya noong Marso 2020.
Nasilip din ng CoA na hindi maayos, magulo ang documentations ng nasa P1.405 bilyong bahagi ng pondo.
Ang mas malupit, sabi ng CoA, hindi pa nagagastos o nailalaan ng DoH ang P11.89 billion, sa kabila ng matin-ding pangangailangan ng pondo para makabili ng mga bakuna.
Sa totoo lang, mga pare’t mare, karamihan ng mga bakuna na dumarating sa bansa at itinuturok sa ating mga kababayan ay donasyon ng Tsina, Amerika at Japan.
So far, sa huling ulat ng DoH, mahigit 11 million Pinoy palang ang fully vaccinated, at higit 13 million ang nakatanggap ng 1st dose. Malayong malayo ito sa target na 70 million para marating ang herd immunity sa Covid-19.
Hindi lang Covid funds ng DoH ang nasilip ng CoA, maging sa mga LGU sa probinsiya ay nabuking ang grabeng katiwalian sa paggamit ng pondo para labanan kuno ang Covid-19.
Nangangahulugan na sa kabila ng kagipitan sa pondo at mahigpit na pangangailangan ng mamamayang nawalan ng mga trabaho, maraming opisyal ng gobierno ang yumaman sa panahong ito ng pandemya. Mismo!
Sa bigayan nga lang ng ayuda sa Social Amelioration Program (SAP) 1 at 2 ng DSWD ay napakaraming katiwalian ang nangyari, inipit ang higit P10 bilyong bahagi ng pondo, dahilan ng napakarami nating kababayan ang hindi nakatanggap pero nabigyan ng reference number.
Sa kabila ng napakalaking pondo na inilabas ng gobierno para labanan ang Covid 19, at pagdeklara ng mga lockdown sa tuwi-tuwina, hindi parin nakakaalpas ang bansa sa pandemya mula pa Marso 2020.
So far, up and down parin ang Covid cases. Lalo pa ngang lumala, nanganak na ng fraternity ng variants tulad ng Alpha, Beta, Gamma, Delta, Lambda, what else???
Kasalukuyang under ECQ (enhanced community quarantine) o lockdown ang NCR, Laguna, Bataan, Davao City, Cagayan de Oro City at ilan pang lungsod at lalawigan sa ibang bahagi ng bansa.
Ang NCR may ayuda na tig-P1K sa bawat isa at P4K sa bawat pamilya na lagpas sa 5 ang miembro.
Ang ibang lugar sa probinsiya na under ECQ walang ayuda. Aray ko!
Usap-usapan sa social media, maaring matatapos lamang ang pandemya kapag bago na ang administrasyon sa 2022, ‘pag wala na si Duque sa DoH at wala nang retired generals sa gabinete ng sunod na Presidente.
That means kailangan ng Pilipinas ng matinong lider, mga competent na opisyal at hindi once a week lang nagpapakita sa publiko para mang-away, mang-insulto at magmura. Mismo!
The post Grabeng katiwalian sa pandemya appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: