SINABI ni Manila Mayor Isko Moreno na ang pagpapanatili ng kalinisan sa lungsod ng Maynila sa lahat ng oras ay kapwa tungkulin ng lokal na pamahalaan at mga residente ng lungsod.
Tiniyak ni Moreno na kahit wala sila ni Vice Mayor Honey Lacuna sa Manila City Hall, ay tuloy-tuloy ang normal na operasyon sa lungsod kung saan mas pinaigting pa ang paglilinis sa mga mga kanto at kasuluksulukan upang matiyak na walang basurang nagkalat o nakatambak sa mga ito.
Ang Department of Public Services (DPS) sa ilalim ng hepe nitong si Kenneth Amurao at ang Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa pamumuno ni Arnel Angeles ay partikular na pinuri ni Moreno sa kanilang patuloy na cleanup operations na naging bahagi na ng kanilang araw-araw na gawain.
Ayon kay Moreno ang DPS, ay nakakolekta ng napakaraming basura at mga bahagi ng sirang gamit sa kahabaan ng Northbay Bridge mula Juan Luna Street hanggang Tayuman Street at hanggang Justice Abad Santos Avenue.
Kung hindi kukolektahin ang nasabing basura at mga sira-sirang gamit ay maaari itong pagmulan ng aksidente, ayon sa alkalde.
Sa kaugnay na balita ay personal namang sinubaybayan ni Angeles ang flushing operations na ginawa ng mga kawani ng MDRRMO sa paligid ng Recto at Divisoria.
Sinabi ni Angeles na ginagawa ang flushing araw-araw upang mataganggal ang mga nakadikit na dumi sa kalye na maaaring magdulot ng mga sakit.
“Muli, tayo ay nagpapasalamat sa mga kawani ng DPS at MDRRMO sa matiyaga nilang paglilinis sa iba’t -ibang sulok ng ating lungsod. Huwag rin po nating kalimutan na bawat isa sa atin ay may responsibilidad na panatilihing maayos ang Maynila,” pagbibigay diin ng alkalde.
Umapela si Moreno sa lahat ng mga residente ng lungsod na gawin nila ang kanilang bahagi upang mapanatili ang kalinisan ng Maynila sa lahat ng oras sa pamamagitan ng pagtatapon ng basura sa tamang paraan at pagpapanatili ng kalinisan sa loob at labas ng kanilang mga tahanan. (ANDI GARCIA)
The post Kalinisan sa Maynila, tungkulin ng lokal na pamahalaan at mga residente – Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: