HUWAG magtataka ang mga taga-Batangas City kung dumami ang pagkakaroon ng malubhang sakit at iba pang di nalulunasang karamdaman sa naturang lungsod.
Ito ang babala ng ilang health expert sa mga nababahalang residente ng naturang lungsod matapos na maitayo ang transmitter tower lines ng kompanyang DITOTEL kahit sa mga mataong lugar at mga subdivision sa nasabing lungsod.
Reklamo ng mga residente, ay nangupahan ang management ng DITOTEL ng mga parsela ng lupaing pag-aari ng mga pribadong indibidwal sa Batangas City at nagsimula ang mga itong nagpagawa ng transmittter tower lines sa ibat-ibang bahagi ng nasabing siyudad na walang konsultasyon sa mga mamamayan.
Hinala ng maraming residente kumita ng limpak-limpak na salapi ang ilang barangay opisyales para aprubahan ang konstruksyon ng nasabing proyekto, bagamat hindi nagkaroon kaukulang konsultasyon at public hearing para sa pagpapagawa ng nasabing transmitter tower lines.
Wala pang kumpirmasyon ang Batangas City Local Government Unit (LGU) kung may kinalaman ang mga ito sa approval ng pagtitirik ng naturang transmitter tower lines.
Ngunit ayon sa mga residente wala namang maipakita sa kanila ang project engineer ng DITOTEL na permit to operate na iniisyu mula sa tanggapan ng Batangas City local Government.
Sang-ayon sa paliwanag ng mga health expert ay panganib sa kalusugan ng mga mamamayan ang operasyon ng nabanggit na tower lines.
Kabilang sa tinutuligsang proyekto ng DITOTEL ay ang transmitter tower lines sa Sitio Pulo at Amihan Subdivision kapwa nasa Brgy. Balagtas, Batangas City na katatapos lamang ang konstruksyon nitong buwan ng Hulyo. Sinimulan ang proyekto noong January 2020.
Walang isinagawang kunsultasyon, public hearing at hindi inalam ng tagapamahala ng DITOTEL at ng mga government officials ang pulso ng mga maaapektuhang mamamayan bago sinimulan ang naturang project.
Sang-ayon pa rin sa ilang health expert ang transmisyong nagbubuhat sa transmitter tower lines ay maaring maging carcinogen at maging sanhi para magkaroon ng ibat-ibang uri ng sakit na cancer ang mga residente malapit sa nasabing transmitter tower.
Maari din maging ugat ng malawakang skin diseases na mauuwi din sa cancer sa balat ang masamang epekto ng pagkakaroon ng transmitter tower.
Malaking perwisyo ang nabanggit na transmitter tower lines sa paghina ng daloy ng kuryente sa mga lugar na dinadaanan ng linyang nag-uugnay sa transmitter tower lines lalo na nga’t dumadaan ang mga kable nito sa maraming kabahayan at matataong lugar.
Ang mga residential area na sakop ng pinagtayuan ng may 20×20 na luwang at hihigit pa sa 150 metro ang taas na trasmitter tower lines ay makararanas din ng madalas na power disruptions.
Ikinawing ang Sitio Pulo transmitter tower lines sa may ilang kilometro ang layong Amihan Village Subdision na pag-aari ng namayapang Atty. Isidoro A. Aclan ng naturan ding lungsod.
Ang transmiitter tower lines na itinayo sa lupa ng isang Marina Ramos, ay malapit lamang sa balisbisan ng bahay ni Malakas “Lucky” A. Villajuan na nakatirik naman sa Amihan Village Subdivision.
Malaking salapi ang ginugugol ng management ng DITOTEL kung ikukunsidera ang paunang Php 5 milyon paunang upa sa bawat parsela ng lupaing kanilang inuupahan.
Ayon pa sa ulat ng mga residente sa SIKRETA ay halagang Php 25 libo pa ang monthly rental ng DITOTEL sa lupa kada buwan na epektibo sa looban ng 25 taon simula sa pagpagtayo ng nabanggit na transmitter tower lines.
Kaya nga lamang, habang tumatabo kapwa ng salapi ang management ng DITOTEL at may-ari ng lupang pinagtayuan ng transmitter tower sites ay ang magdurusa naman at posibleng magbubuwis ng buhay ay ang maraming mga mamamayan.
Ito ang hindi kinunsidera ng mga kaaalam sa nasabing proyekto kung kayat dumulog sa inyong lingkod ang mga apektadong residente.
Para sa ating mga kabayan sa nasabing lungsod, ihihingi po natin ng opinyon ang ligalidad ng proyektong ito sa mga tanggapan ng OMBUDSMAN, City Government legal Office, at kay Batangas City Mayor Beverly Rose Dimacuha.
Kaya naman, “Bato-bato sa langit, ang tamaan ay huwag magagalit”.
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144,email: sianing52@gmail.com.
The post Transmitter tower lines… bawal! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: