
KELAN lamang ay may interview na lumabas si Buhay Partylist Rep. Lito Atienza sa Rappler kung saan binabatikos nito si Vice President Leni Robredo.
Aniya, hindi tama na hayagang binabatikos ni Robredo ang Pangulong Rodrigo Duterte.
Dapat aniya ay kinakausap niya ito nang pribado sakaling mayroon silang di napagkakasunduan o kung mayroong mga polisiya ang gobyerno na hindi siya sang-ayon. Yan daw ang nakita ng publiko sa nakalipas na anim na taon
Sa nasabing interview, ikinumpara ni Atienza ang kanyang sarili kay Robredo. Okay lang sana kaso, ayon sa kanya, maaring ihambing ang sitwasyon ni Robredo sa kanyang naging relasyon sa namayapang si Mayor Alfredo S. Lim nang ito ay makatrabaho niya bilang bise alkalde.
Di pa nagtapos diyan ang kanyang mga pahayag. Tinawag nyang imbentor ng “salvaging” o summary execution ng mga kriminal si Mayor Lim.
“I did not agree with that, so when I said I cannot tolerate this. I did not say it in public. I talked to him in private. I explained to him, ‘Killing will lead to more killings. The police will get corrupted. And then, later on, they’ll be our problem,'” sabi pa ni Atienza.
“Pero ‘di ko sinabi sa tao ‘yan. (I did not tell the public about that.) I worked with him in private. But Leni did not do that,” dagdag pa nito.
Para sa akin, hindi maganda ang mga tinurang ito ni Atienza. Una sa lahat, patay na si Mayor Lim at wala na itong pagkakataon para pabulaanan ang mga inaakusa ni Atienza laban sa kanya.
Maari naman niyang ipahayag ang kanyang punto nang walang idinadawit na iba, lalo pa at kung ‘yung tao ay nasa kabilang buhay na at hindi na nga maipagtatanggol ang kanyang sarili.
Si Atienza ay vice mayor sa ilalim ng administrasyon ni Lim mula 1992 hanggang 1998.
Hindi maikakaila na todo ang ginawang pagsuporta at pag-endorso sa kanya ni Mayor Lim nang mga oras na kalakasan at kasikatan ni Lim. Aminin o hindi ni Atienza, Malaki ang naitulong ni Lim sa kanyang karera dahil nanalo siyang mayor at nakatatlong termino pa nga na natapos noong 2007.
Tungkol naman sa sinasabi nitong si Lim ang nag-imbento ng ‘salvaging,’ dapat niya itong patunayan dahil madali ang magbintang .
Sa pagkakaalam ko kasi, panahon pa ni Mahoma ay may salvaging na. Di ba’t mismong si Andres Bonifacio at kapatid nitong si Gregorio ay sinalvage din umano?
Si Lim at Atienza, sa personal kong kaalaman, ay nagkabati na matagal na, nung mga panahong buhay pa si Lim. Kaya nakakagulat na bigla na lang binanatan ni Atienza si Lim. Hindi maganda para sa aking munting opinyon.
Maghinay-hinay naman sana itong si Atienza dahil hindi magandang patay na ang isang tao ay inaatake mo pa.
Buti pa si Aksyon Demokratiko presidential (Lopangu ng mga petmalu) bet Yorme Isko Moreno, kahit namayapa na si Mayor Lim ay pinupuri pa niya ito sa kanyang mga nagawa.
Baka mamaya Cong. Lito hanapin ka ni Mayor Lim para sitahin o pabulaanan ang mga sinasabi mo, hehe.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.
The post Banat ni Atienza sa yumao nang si Lim, hindi tama appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: