
NAGTITIWALA si Senator Christopher “Bong” Go sa katatagan ng ekonomiya ng bansa lalo’t lumago nang 7.1 porsiyento ang Gross Domestic Product ng Pilipinas sa ikatlong quarter ng 2021.
“Malaki ang inilago ng ating ekonomiya sa third quarter ng 2021, kabaliktaran sa parehong quarter po ng 2020. Bagamat mahirap pa rin ang buhay, unti-unti namang nakakabangon ang ating ekonomiya mula sa epekto ng COVID-19,” ani Go.
“Ang importante lang ay tuluyan nang matigil ang pagkalat ng sakit para matutukan natin muli ang pagpapalago ng ating kabuhayan pati ang pagsugpo sa hirap at gutom,” idinagdag niya.
Sinabi ni Go na habang patuloy ang giyera laban sa COVID-19, dapat ay patuloy ring iprayoridad ang paglaban sa kahirapan at kagutuman para mabigyan ng maayos na buhay ang bawat Filipino, gaya ng ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Sa paglago ng ekonomiya, mas maraming trabaho ang ating maibibigay sa mga tao, mas maraming pagkain ang mga ordinaryong Pilipino, mas maraming kabataan makakapag-aral, mas giginhawa ulit ang buhay ng mga Pilipino,” sabi ni Go.
Pinuri ng senador ang mga economic managers ng Duterte administration na hindi sumusuko na ilaban ang ekonomiya ng bansa sa kabila ng COVID-19 restrictions.
Sinabi ni Go na bagama’t magandang indikasyon ang paglago ng ekonomiya ay huwag muna tayong magkumpyansa dahil mahaba pa ang laban at delikado pa rin ang panahon.
“Patuloy po tayong sumunod sa mga patakaran at doblehin natin ang pag-iingat,” idiniin ni Go.
“Ang kooperasyon at disiplina ng bawat Pilipino ay makapagsasalba ng buhay ng ating kapwa. Kung patuloy ang ating bayanihan at pagmamalasakit sa isa’t isa, mas mabilis nating malalampasan ang krisis upang tuluyan na tayong makabalik sa normal na pamumuhay,” paliwanag ng mambabatas.
The post Bong Go tiwala sa katatagan ng ekonomiya ng bansa appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: