
ITINAAS ng Commission on Elections (Comelec) ang matatanggap na honoraria at iba pang allowances ng mga indibidwal na magsisilbi bilang poll workers sa May 9, 2022 elections.
Kasunod na rin ito ng mas mahabang voting hours sa halalan sa susunod na taon dahil na rin sa banta ng COVID-19 pandemic.
Batay sa isang resolusyon na nai-promulgate ng Comelec noong Nobyembre 10 ngunit isinapubliko lamang nitong Biyernes, nabatid na ang chairman ng electoral board (EB) ay makakatanggap ng P7,000 para sa pagsisilbi sa halalan.
Samantala, ang kanyang mga miyembro naman ay tatanggap ng tig-P6,000 habang tig-P5,000 naman ang tatanggapin ng DepEd Supervising Official (DESO).
Ang mga magsisilbi namang support staff at medical personnel, na isang bagong kategorya, ay tatanggap ng tig-P3,000.
Bukod sa naturang honoraria, tatanggap rin ang chairman ng EB, kanyang mga miyembro, DESO, at support staff ng tig-P2,000 travel allowance, na mas mataas sa 2019 rate na P1,000 lamang.
Ang mga medical personnel naman ay tatanggap ng P1,000 travel allowance sa mismong araw ng halalan.
Ang mga DESO at support staff naman ay makakatanggap rin ng P1,500 communication allowance.
Bukod dito, tatanggap rin ang bawat poll worker ng P500 na anti-COVID-19 allowance. (ANDI GARCIA)
The post Honoraria ng poll workers, tumaas at dinagdagan ng Comelec appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: