Facebook

POSIBLENG PAGDAMI NG KASONG COVID-19 IBINABALA NI DOC WILLIE

KAILANGAN ang ibayong pagsunod sa tuntunin laban sa COVID-19 ang ipinayo ni Aksyon Demokratiko vice presidential candidate Dr. Willie Ong bunga ng ulat ng World Health Organization (WHO) ang posibilidad na tumaas ang bilang ng tatamaan ng pandemyang COVID-19.

Ayon sa 58-anyos na si Doc Willie, kilalang cardiologist-internist, iniulat ng lingguhang WHO epidemiological COVID-19 update na naitala ang muling pagdami ng nagkasakit at namatay sa Europe.

Sabi ng katiket na bise-presidente ni Manila Mayor ‘Isko Moreno’ Domagoso na sa Europe, tumaas ng 50 porsiyento ang kaso ng nagkasakit at tumaas ng 10 % ang namamatay sa COVID-19.

“Sa Germany nasa fourth wave, fifth wave na sila, tumaas sila ng 40,000 cases. Napuno uli ang ICU nila, nagkulang sila sa health workers. Sa France tumataas na rin,” nababahalang sabi ni Doc. Ong.

Nagsalita na rin ang WHO na sa susunod na buwan, darating ang bagong sigwa ng sakit na COVID-19 sa Amerika.

” Tayo (Pilipinas), maybe in two months baka tumaas uli ang sa atin. Nag-warning na sila,” sabi ni Doc Willie na ipinayo sa gobyerno na ituon ang pansin sa paglaban sa pandemya kaysa ubusin ang panahon sa away-politika.

Sa ulat ng WHO, tumaas sa 7% ang bagong kaso sa Europe sa nakaraang linggo at umakyat sa 10% ang namatay at iniulat din na dumami rin ang nagkakasakit sa COVID-19 sa Africa.

Ang babala ni Doc Willie ay inihayag sa kamiting na mga kawani ng barangay at mga estudyante sa Cabuyao City sa pagbisita ng mga kandidato ng Aksyon Demokratiko sa Laguna, kasama ang pambatong kandidatong pangulo, Yorme Isko, kandidatong senador Moro civic leader at lider kababaihan Samira Gutoc, dating Quezon City councilor Jopet Sison at tanyag na entrepreneur Dr. Carl Balita.

Posibleng dumami ang kasong COVID, paliwanag ni Doc Willie dahil sa pagluluwag ng restriksiyon bunga ng nakitang pagbaba ng nagkakasakit, ayon sa ulat ng Department of Health (DOH).

Nasa ikatlong parte ng populasyon ang hindi pa bakunado at ito ang pwedeng maging dahilan ng pagtaas ng kasong COVID-19, sabi pa ng kandidatong bise presidente.

Aniya, sa Pilipinas, 17 percent lang nakitang pandemic response ng gobyerno.

“‘Yung datos na tinitingnan natin sa DOH, obviously mali ‘yung datos eh. One hundred ang namamatay sa 2,000 cases, 5 percent ang namamatay, mali. Kasi, dapat ang namamatay 1 to 2 percent lang. May diprensya ito,” sabi ni Doc Willie.

Sinabi ni Doc Ong na ang problema ay dahil “one third hindi pa vaccinated, okay.”

Paliwanag niya, matapos ang anim na buwan, hihina ang mga bakunado, “so, pwede na uli mahawa ang magulang ninyo.”

Ikinatatakot pa ni Ong ay ang pagdating ng bagong variant ng COVID-19 – ang Delta Plus sa North Carolina, USA, at posibleng kumalat ito sa ibang bansa.

“May bago uling variant Delta Plus okay. Nagre-relax na uli ang gobyerno, tumataas ang cases. Ang health workers natin nag a-abroad. Sa NCR, sabihin ko na. I think from 300 plus cases nag uptick na ng 500 eh. ‘Yun ang lagi kong binabantayan. At pag tumaas ‘yun ibig sabihin two weeks ago tumaas na ‘yun,” paliwanag ni Doc. Willie.

Kaugnay nito, pinasalamatan ni Ong si Yorme Isko sa pagbili ng mga gamot kontra COVID tulad ng Remdisivir, Tocilizumab at Molnupiravir para maseguro ang kalusugan at buhay ng mamamayang Manilenyo.

Gusto lamang iyang tumulong, sabi ni Doc Willie kaya siya kumandidato at sariling talino, sakripisyo ang iniaalok niyang serbisyo sa pamilyang Pilipino.

“Manalo o matalo, okay lang. Ang goal ko syempre gawin ang lahat, tulungan si Yorme maging presidente. I can assure you, ang mga kabataan andito, siya ang pinakamagaling na kandidato I can assure you that,” sabi ng magaling na cardiologist.

The post POSIBLENG PAGDAMI NG KASONG COVID-19 IBINABALA NI DOC WILLIE appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
POSIBLENG PAGDAMI NG KASONG COVID-19 IBINABALA NI DOC WILLIE POSIBLENG PAGDAMI NG KASONG COVID-19 IBINABALA NI DOC WILLIE Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 15, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.