Facebook

Balanseng deal sa pagitan ng manggagawa, boss tututukan ni Ping para ayusin ang ‘endo’

NANINDIGAN si Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson na pabor siya na wakasan ang kultura ng kontraktuwalisasyon sa bansa, pero kailangan aniya na ibalanse ang mga interes ng mga manggagawa at mga may-ari ng negosyo sa usaping ito.

Sa programang “Go Negosyo Kandidatalks: The Presidential Series” na umere nitong Miyerkules inihayag ni Lacson na nais niyang protektahan ang sektor ng mga manggagawa na patuloy na pinagkakaitan ng pagkakataong maging permanente sa trabaho sa ilalim ng umiiral na sistemang end-of-contract o ‘endo.’

Ngunit sa kabilang banda, sinusuri rin ni Lacson ang panig ng mga employer na inaalala ang posibleng maging negatibong epekto nito sa ilang aspekto ng kanilang negosyo. Kaya naman maingat siya sa paglikha ng desisyon sa anumang panukalang batas para tapusin ang kontraktuwalisasyon.

“Kailangan sigurong ibalanse ‘yung business at saka ‘yung ating mga manggagawa, ‘yung mga employees, ‘yon siguro. Nagtatalo ‘yan e, parang to favor one would disfavor the other, but not necessarily. Kailangan i-balance talaga,” sabi ni Lacson sa forum host na si Cheryl Cosim.

“I think may makikita naman ditong middle ground para maproteksyunan din ‘yung ating mga manggagawa na alam mo, anim na buwan lang e, pagkatapos wala namang security of tenure… Ako, I’m for ending ‘yung contractualization, actually,” dagdag pa ng presidential candidate.

Aniya, kailangang pag-aralan muli ng pamahalaan ang mga probisyon sa mga naunang panukalang batas na inihain upang masolusyunan ang isyung ito. Binanggit niya na sa ika-18 Kongreso ay naipasa na nila ang panukalang batas na tatapos sa endo, ngunit hindi ito inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Tinukoy ng batikang senador ang Senate Bill 1826 o ang Security of Tenure Bill na inakda at isinulong ni Senador Joel Villanueva. Ipinasa ito ng dalawang kapulungan ng Kongreso ngunit ibinalik ng Malacañang noong Hulyo 2019 nang hindi pinirmahan ni Pangulong Duterte.

Ipinangako na ni Villanueva, na muling tumatakbo bilang senador, na ihahain niyang muli ang tinaguriang ‘anti-endo’ bill sa susunod na Kongreso. Sa kanyang pangangampanya naman sa Laguna noong Pebrero, inilahad ni Lacson na susuportahan niya ang panukalang batas na ito kung maihahalal siya bilang ika-17 pangulo.

“We will support that… Kailangan lang mayroong parameters na pagka nagsilbi na sa isang kompanya (ang isang empleyado) for a certain period of time, dapat ‘yon huwag nang contractual,” sabi ni Lacson sa mga mamamahayag.

The post Balanseng deal sa pagitan ng manggagawa, boss tututukan ni Ping para ayusin ang ‘endo’ appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Balanseng deal sa pagitan ng manggagawa, boss tututukan ni Ping para ayusin ang ‘endo’ Balanseng deal sa pagitan ng manggagawa, boss tututukan ni Ping para ayusin ang ‘endo’ Reviewed by misfitgympal on Marso 23, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.