
MAHIGPIT na nagpaalala si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa publiko na hanggang sa ngayon ay nananatili pa rin ang state of emergency health situation sa bansa kaya’t dapat pa ring manatiling maingat ang lahat upang hindi mahawahan ng COVID-19.
“Di pa po nili-lift ni Pangulong Duterte ang ating state of emergency health situation,” sabi ni Moreno.
Ayon kay Moreno hindi dapat na maging pabaya ang mga mamamayan at sa halip ay patuloy na istriktong obserbahan ang umiiral na health protocols laban sa COVID-19.
Sinabi ng alkalde na patuloy pa ring tumataas ang mga aktibong kaso ng sakit, hindi lamang sa Maynila, kundi maging sa ibang panig ng bansa, bagamat mas mababa pa rin naman ito kumpara sa dati.
Nabatid na ang Manila COVID-19 Field Hospital, na may bed capacity na 344 ay mayroong occupancy rate na 4% lamang, na nangangahulugan 14 lamang sa mga higaan ang okupado.
Ang anim na city-owned hospitals naman, ay may occupancy rate na 2% lamang.
Nangangahulugan ito na pito lamang sa kabuuang 353 hospital beds ang kasalukuyang okupado.
Tiniyak rin naman ni Moreno na ang swab tests sa lungsod ay libre pa ring ipinagkakaloob sa sinumang nangangailangan nito, maging residente man sila ng Maynila o hindi.
Hanggang sa kasalukuyan, nasa kabuuang 209,595 indibidwal na ang nakapagpa-swab test sa lungsod. (ANDI GARCIA)
The post “State of Emergency health situation, ‘di pa nili-lift ni PRRD” — Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: