Matindi ang ginagawang paglalatag sa seguridad sa Lunsod Quezon lalo sa kahabaan ng Commonwealth Ave., patungo sa Batasan Pambansa kung saan magaganap ang unang State of the Nation Address ni Boy Pektus bilang halal na pangulo ng bansa. Hindi magkandaugaga ang Philippine National Police (PNP) sa paglalatag ng seguridad upang masigurong walang magaganap na hindi kanais-nais sa araw ng SONA. Hindi lang pulis ang naghanda, maging ang mga kasundaluhan ay napilitang magdagdag ng tauhan upang tulungan ang kapulisan sa pagpapanatili ng kaayusan sa lugar ng mga kinatawan. Sa kabilang banda, nariyan ang mga militanteng grupo na nagbangit na sasabayan ang SONA ni Boy Pektus sa paglulunsad ng sama samang pagkilos upang maglahad ng mungkahi na maaring asahan o ‘di asahan na babangitin ni BP. Ito ang dahilan kung bakit aabot sa labin limang libong kapulisan at kasundaluhan ang ikakasa sa Lunes, Hulyo 25, 2022. Sa bagong pangulo na inihalal ng 31M Pinoy, bakit tila kabado sa isasagawang sama – samang pagkilos na gagawin ng mga militante? Bakit dala ba nito ang katotohanan sa likod ng panalo sa halalan?
Sa SONA, may inaasahan at hindi inaasahang mababangit. Sa hindi inaasahan, nariyan ang maraming kapalpakan ng dating pamahalaan na nagpalubog sa kabuhayan ng mamamayan ngunit hindi sa grupo ng Inferior Dabaw Group. Pangalawa, ‘di makakanti ang paglobo ng utang ng bansa na pasanin ni Mang Juan. Sa dami ng dapat iulat na kapalpakan, hindi ito mababangit dahil kailangang pigurahan ang mga kagawad ng pamahalaan na may dalang bakal kung gaano ito katapat o gaano kalalim ang utang na loob sa nakaraan na pamahalaan. Lalo’t may hulang lumalabas na may isang babae at lalaki na nag-aabang sa maling hakbang na magagawa ni Boy Pektus sa pamamahala nito. At sa pagkakamaling magagawa, ang bilyon bilyong nakulimbat ang gagamitin upang mapatalsik si BP. Tandaan na hangang sa kasalukuyan, nariyan ang dami ng mga bobong Pinoy na nabola ng IDG na nagdala sa isa dito na manalo bilang Bise. At sa huli, hindi mabangit ngunit dama kay Boy Pektus at sa pamilya nito ng pagtatanaw ng utang na loob sa IDG ng pahintulutan malibing ang ama sa libingan ng mga bayani.
Sa kabila ng telon, inaasahang babangitin na palalakasin ang ekonomiya ng bansa na pinadapa kuno ng pandemya. Nariyan na itutuloy ang mga build, build, build program upang mapagalaw ang ekonomiya ng bansa. At batid ng bayan na 2019 pa, pinatigil na ng kaibigang si XI ang proyekto na pinangunahan ng mga kompanya ng mga Tsekwa ang maraming proyekto. Sa pagputok ng pandemya, nakahanap ng dahilan ang IDG sa hindi na natuloy na mga proyekto na ibig ituloy ni Boy Pektus. Sa ngayon, pinahahanapan ni BP sa economic managers nito na maghanap ng lokal na mamumuhunan na maglalagak ng puhunan upang matuloy ang mga nakabinbin na mga build, build, build project.
Pangalawa, asahan na mababangit ang pagpapalakas ng produksyon sa agrikultura upang mapababa ang presyo ng mga bilihin na kinukonsumo ni Mang Juan. Subalit mukhang hindi kakayanin sa mahal ng mga lokal na inputs ( abono, pestisidyo, herbicide at iba pa) na kailangan sa pagpapalakas ng produktong agrikultura. Habang ang mekanismo’y galing sa ibang bansa. Hindi umaayon ang sitwasyon sa pagpapababa ng bilihin partikular ang bigas sa halagang P20.00. At mas tama na itanong kay Tsaka kung mangyayari ang nais.
Pangatlo, ipagpapatuloy ang laban sa kriminalidad at droga ng magsisiguro sa pagbangon ng kabuhayan ng mamamayan. Magiging mapayapa ang kapaligiran at ang lansangan. Walang kinababahala ang balana sa anumang oras saan man bahagi ng bansa. Ngunit ito’y taliwas sa kasalukuyan, tumataas ang bilang ng kriminalidad at nagiging brutal ang mga salarin. Ang masakit nito, marami sa mga krimen ay sangkot ang ilang bandidong kapulisan. Sa walang katiyakang pagpili ng magiging hepe ng kapulisan, hayun mukhang maraming naglilipanang bandidong pulis at naghahasik ng takot sa mamamayan, upang mapabilis ang pagpili sa susunod na PNP Chief. At halatang nagpapatutsadahan sa kung sino ang makalulutas ng krimen ang magkakaungos sa laban. Mukhang hindi papalarin si OIC-Chief sa pagkakataong at malamang na sa retirement na makukuha ang ika-apat na estrelya sa balikat.
Pangapat, tiyak na babangitin ang usapin sa kalusugan at enerhiya na napakahalaga sa kasalukuyan. Tila hirap si Boy Pektus na pumili sa kung sino ang rerenda sa mga kagawarang nabangit. At ng may mapili sa Kagawaran ng Enerhiya, tila may usapin ito sa conflict-of interest, at kapagdaka, nagkaroon ng C19, na nagpatagal sa panunumpa nito. Samantalang OIC lang ang inilagay sa Kagawaran ng Kalusugan na halata naman ang dahilan, ang katapatan sa maglalagay. Sa ngayon maayos ang takbo ng industriya ng enerhiya dahil sa pagbaba ng presyo ng petrolyo. Sa totoo lang, ang pagbaba ng presyo ng petrolyo’y dikta ng merkado at walang aksyon ang pamahalaan. Samantala, ang Kagawaran ng Kalusuga’y nahaharap sa mga pagsubok sa pagpasok ng tag-ulan at dumadaming sakit na dulot nito. Hindi pa pinaguusapan ang muling paggising ng mga variant ng C19 na nagpapahirap sa maraming mangagamot sa mga pampublikong pagamutan.
Panghuli, asahan ang muling pagkabuhay ng mga programa ng ama ni Boy Pektus na ipatutupad. Samantalang nakatuon ang atensyon ni Boy Pektus sa mga bayarin sa halalan at hindi mapisil kung saan na hagilapin ang blue print ng programa ng ama na ibig ipatupad. Sa totoo lang, hindi makapangalap si Boy Pektus ng mga tatao sa pamahalaan na may kalibre katulad ng mga tao ng ama. Eh paano makakapangalap, wala itong koneksyon sa tao sa anumang antas ng lipunan, at batid ninyo ang dahilan. At ang gawi nitong sarap buhay sa nakaraang panahon na naglayo upang hindi makahanap ng mabubuti at may kakayanang mga makakasama. At kung makakuha ng mga mahuhusay na kalidad na kasama, magagawa bang makasabay at maunawaan ang mga usapin na ihahain ng mga ito. O sige na lang at bahala na kayo sa pagpapatakbo?
Sa sitwasyon ngayon, malayong makabalik ang bansa sa panahon na naging isang Tiger Economy ang bansa ng iwan ng yumaong PNOY. Ang pagkakasalaula ng kabuhayan ng bansa sa panahon ng pinalitan ni Boy Pektus at ang kawalan ng malawak na pang-unawa sa buhay ang dahilan kung bakit hindi inaasahan ang inaasam na pagbangon ng kabuhayan ni Mang Juan. Lalo’t walang balak panagutin ang mga lumapastangan sa kabang bayan, dahil sa utang na loob. O dahil tulad ito sa panahon ng ama na ang pondo ng bayan ang pinagdiskitahan. Ang pagkakaisang programa’y walang laman at di magdudulot ng pag-unlad para sa bayan at kaginhawahan kay Mang Juan. Ang mga pahayag na pagkakaisa’y para sa kakampi at ‘di sa katungali. Mabigat ang pasanin na nasa balikat ni Mang Juan, at huwag umasa na gagaan ang buhay sa panahon ng administrasyon ni Boy Pektus. At sa SONAng magaganap sa Hulyo 25, 2022, asahan ang paglilihis sa kasaysayan at short term program para sa bayan ang ilalatag upang pahupain ang inaasahan kay Boy Pektus…
Maraming Salamat po!!!
The post Ano ang babanggitin sa SONA appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: