
Inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go na nararamdam niya ang sinseridad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na maipagpatuloy ang mga positibong hakbang o programa na inilunsad ng nakaraang administrasyon.
Kaya naman sinabi ni Go na buo niyang susuportahan ang bagong administrasyon na naglalayong mapabuti ang buhay ng mga Pilipino.
Nangako rin si Go na ipagpapatuloy ang legasiya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na titiyak ng maginhawang buhay para sa lahat.
Sa isang panayam matapos dumalo sa inagurasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ipinahayag ni Go ang kanyang pasasalamat sa suporta ng mga Pilipino kay Duterte na nakapagpanatili ng mataas na approval at trust rating mula noong siya ay nanumpa bilang Pangulo hanggang sa siya ay bumaba sa opisina.
“Alam niyo, siya lang talaga ‘yung nakita kong nanilbihan na presidente na talagang pinasasalamatan dahil nakita niyo naman po ang resulta ng ginawa niya para sa ating bayan. Kayo na po ang humusga,” ani Go.
Dagdag pa ng senador, ipinagmamalaki niyang naging bahagi siya ng administrasyong Duterte na ayon sa kanya ay nagtagumpay sa pagtupad ng karamihan sa mga pangako sa sambayanan.
“At ako naman po ay proud, I can proudly say being part of this administration. Nakatataba ng puso na after six years ay ‘yung pinangako niyang pagbabago sa ating bayan ay halos natupad naman po niya lahat,” idiniin ng senador.
“So makikita niyo po parang kung ano po ‘yung 2016 papunta kami rito, ganoon pa rin ang init ng pagtanggap. ‘Yung pagtanggap noong 2016, ganoon din po ang init ng paghatid sa kanya (pauwi sa Davao),” idinagdag ni Go.
Ayon kay Go, makabubuti sa bansa na maipagpatuloy ang mga programa ni dating Pangulong Duterte at kitang-kita niya ang sincerity ng bagong Pangulo na ipagpatuloy ang mga ito, lalo ang para sa kapakinabangan ng mga mahihirap.
Nangako si Go sa bagong administrasyon na hanggang patuloy na itinataguyod ang kapakanan ng mamamayang Pilipino, susuportahan niya ito sa kanyang kapasidad bilang senador.
“Asahan n’yo po na nandirito po ako na susuportahan ang administrasyon in my own small way basta ikakabuti ng bawat Pilipino, ikakabuti ng sambayanang Pilipino, at ikakabuti ng buong Pilipinas,” ayon sa mambabatas.
The post Duterte Legacy itutuloy… SINSERIDAD NI PBBM, RAMDAM NI BONG GO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: