Facebook

Malupit na dating opisyal ng PDEA ang bagong Customs chief

NAGLAGAY na ng kanyang komisyoner sa pinaka-sensitibo at pinaka-juicy position sa Bureau of Customs si Pangulong “Bongbong” Marcos, Jr.

Sa pagkakataong ito, hindi galing sa militar o pulisya kundi mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang kontrobersiyal at “malupit” na si Yogi Filemon Ruiz.

Si Ruiz ang ipinalit ni PBBM sa bata ni ex-President Rody Duterte na si Rey Leonardo “Jagger” Guerrero, isang retiradong Heneral mula sa Armed Forces of the Philippines.

Si Ruiz ay hindi narin bago sa BoC. September 2017 pa siya rito bilang direktor ng Enforcement and Security Services (ESS).

Si dating BoC Commissioner Isidro Lapena, isang retired police general na nagsilbi kay dating Presidente Duterte noong mayor pa ang huli sa Davao City, ang nagpuwesto kay Ruiz sa Customs.

Naging “tao” kasi ni Lapena si Ruiz sa PDEA nang maging hepe ng ahensiya ang una noong 2016.

Bago napunta sa BoC, naging direktor ng PDEA sa CALABARZON at Central Visayas si Ruiz.

Sa CALABARZON, taon 2016, napatay ni Ruiz ang isang drug suspect (Roberto Sulit) dahil nang-agaw raw ito ng baril habang iniimbestigahan at niluluwagan niya ang posas sa loob ng kanyang tanggapan.

Nang mapunta naman sa Cebu, maraming drug suspects ang itinumba ng tropa nitong si Ruiz. Kabilang sa mga tinodas nila ay ang mga “bata” ng umaming drug lord na si Kerwin Espinosa.

Inimbestigahan din si Ruiz ng Commission on Human Rights (CHR) dahil sa kanyang pagpahubad sa mga preso sa Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center nang salakayin nila ang bilangguan.

Ang “astig” na pagkataong ito ni Ruiz marahil ang nakakumbinsi kay PBBM para gawing komisyoner ng pinaka-korap na kawanihan ng gobyerno.

Well, tingnan natin kung oobra ang bagsik ni Ruiz laban sa mga sikat na smuggler sa Customs. Surely, sa higit limang taon niya na rito ay kilalang kilala niya na ang mga “player” dito lalo yung dinadaanan ng mga kontrabando partikular iligal na droga.

Bantayan!

***

Yung mga “bata” ni Duterte na inalis ni PBBM ay hindi na dapat binibigyan pa ng puwesto sa gobyerno lalo yung mga may mantsa na ng katiwalian. Dahil sigurado tayong wala nang gagawing matino ang mga ito kundi ang mangulimbat nalang. Dapat iba naman, yung mga bata, mga propisyunal na gusto ring maglingkod sa pamahalaan.

Ang nangyayari kasi rito sa Marcos administration, matapos alisin sa puwesto ang mga “tao” ni Digong ay inilipat lang sa ibang ahensiya o kawanian. E ‘di ganun parin ang gagawin ng mga iyon, ang magpayaman nang magpayaman. Mismo!

***

Gusto ni PBBM na ipatupad ang ‘farm to market roads’ para maging madali sa mga magsasaka ang pag-deliver ng kanilang mga produkto sa mga bayan-bayan o kalunsuran.

Sus! Panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo ay binuhusan ng bilyon-bilyong piso ang protekto na ito. Pero ang nangyari ay nauwi lang sa grabeng katiwalian: Ang mga kalsada ay hindi papunta sa komunidad ng mga magsasaka kundi sa resort at farm ng mga mayor, congressman at gobernador. Yawa!

The post Malupit na dating opisyal ng PDEA ang bagong Customs chief appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Malupit na dating opisyal ng PDEA ang bagong Customs chief Malupit na dating opisyal ng PDEA ang bagong Customs chief Reviewed by misfitgympal on Hulyo 21, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.