Facebook

F2F MARIING PAG-ISIPAN

SA MADALING panahon magsisimula na ang pagbubukas ng klase sa buong bansa para sa SY 2022 -2023. Kaliwa’t kanan ang paghahanda ng Kagawaran ng Edukasyon gayun din ang mga guro ng masigurong maayos ang pagbubukas ng klase sa ika-apat na Lunes ng kasalukuyang buwan. Abala ang buong Kagawaran samantalang tila wala sa laban ang Kalihim at hinahayaan ang mga alipores na humarap sa maraming tanong ni Mang Juan. O’ abala sa pagpapakulong sa katunggali sa halalan na sinadyang ipadampot sa mga lespu ng alanganing oras ng ‘di makapagpiyansa at manatili sa karsel ng magdamag.

Natakalan ba si Walden? O’ sadyang ‘di batid ang gagawin at umaasa sa mga alipores na siyang nagpapatakbo sa Kagawaran sa kanyang ngalan. O’ tila umiiwas sa kontrobersiya ng bilihan ng laptop na pagong sa bilis ng pagproseso at hindi magamit sa sobrang bilis ng reklamo galing sa mga guro. Umiiwas dahil batid ni Mang Juan na kinuhang muli ni Inday Sapak ang dating Kalihim ng Kagawaran bilang adviser / consultant ng DepEd. Tama ba ati Liling?

Sa paghahanda, nagsumite ang Kagawaran ng proposed budget na P800B sa Department of Budget and Management (DBM) para sa programang ipatutupad sa taong 2023. Ngunit tila konserbatibo ang mga nasa DBM, binalikan ang DepEd at sinabing P700B mahigit ang ilalaan sa Kagawaran para sa taong 2023. Mukhang mapait sa panlasa ng DepEd ang nais ng DBM at nagsabi na hihingin ng tuwiran sa Kongreso ang pondong nais ng Kagawaran sa susunod na taon. Nasa simula pa lang ng arangkada ng kasalukuyang administrasyon tila nagpapakita na ang Kalihim / Bise Presidente na may sarili itong hatak sa kongreso. At kayang makuha ang nais ng ‘di na kailangan ng basbas ng puno ng Balite ng Malacanan. Nahan ang slogan na Unitile sa kampanya? O’ sadyang mahina si Boy Pektus at kayang pisilin ni Inday Sapak?

Silipin ang ilang maselan na kaganapan na tila hindi komprehensibo ang paghahanda ng Kagawaran lalo sa usapin ng muling pagdami ng C19 at maging ilang water borne-disease na sasalubungin ng mga bata. Hindi kaila na ang mga edad ng mga batang sakop ni Inday Sapak ay hindi sapilitan na kailangan ng bakuna. Sa muling pagkabuhay o pagdami ng nagkakaroon ng C19, di ba dapat na mariing pag-aralan ang pagpasok ng mga bata sa mga silid aralan o ang F2F lalo sa mga batang hindi bakunado. O baka nais ng DepEd na makipag-ugnayan sa DOH at maglagay ng mga tao sa mga paaralan upang maturukan ang mga batang papasok lalo yung mga walang bakuna. Mainam na masiguro ang kalusugan ng mga bata lalo na ang mga nasa liblib na lugar kung saan napaka ilap ng serbisyo publiko. Subukang gayahin ang mga naitayong mga bakunahan sa palengke, mall o terminal at sa pagkakataong ito sa mga paaralan.

Sa iskedyul ng Kagawaran, na pagkakaroon ng F2F classes sa ika-apat na Lunes ng kasalukuyang buwan, mabuting malaman sa baba kung sino ang mga batang may mga bakuna at ito ang abisuhan na maaring pumasok sa paaralan. Habang ang mga ‘di pa bakunado, gamitin ang virtual method o hybrid method kung saan ang gurong nagtuturo’y sabay na nakakausap o natuturuan ang mga bata na nasa silid aralan at ang mga nasa bahay. Ang masakit sa kalakarang ito, eh ang uri ng laptop na nabili ng Kagawaran na kasimbilis ng pagong. Nababahala ang Batingaw lalo sa mga bata na nasa malalayong pamayanan na wala pang bakuna at walang computer connection na mapipilitang pumasok dahil sa ito ang ibig ng mga pinuno ng DepEd. Walang pagtutol na kailangan na ang F2F classes ngunit ang pagsisiguro sa kalusugan ng mga bata lalo yung walang kakayahan ang magulang na magpagamot sa mga ospital. Hindi matatawaran na ang kalusugan ang yaman ng mga taong salat sa buhay.

Ilang dahilan kung bakit kailangang mariing pag-isipan ang F2F, sa ngayon masasabing marami rami ang nagkakaroon ng C19, pumapalo sa 3,904 katao ang nagkakaroon ng sakit na C19 sa araw-araw, mula sa 1,700+ sa huling linggo ng Hulyo. Ang datos na ito’y ayon sa inilalabas na ulat ng DOH. Hindi kalakip sa datos ang mga nagkakaroon ng C19 na hindi na-uulat sa Kagawaran ng Kalusugan. Sa kasalukuyan, nasa 27, 331 ang aktibong kaso ng may C19 sa bansa o 13% paglago, at tinatayang lalago pa sa susunod na mga araw o linggo. Tandaan hindi kasama dito ang mga insidente na nahagip ng pandemya na nasa bahay nagpapagaling dahil sa hindi maasikaso sa mga pagamutan. O’ kaya’y dahil may bakuna at booster, kaya’t naggagamot na lang sa sarili. Tandaan na nasa kasalukuyang kaayusan ito na wala pa ang F2F ng mga bata o mga tao sa mga silid aralan.

Sa mungkahi na magkaroon ng F2F classes, maganda ang kaayusang ito kung masisiguro ang kaligtasan ng mga batang walang bakuna. Batid na kailangan pagalawin ang ekonomiya ng bansa, subalit huwag ipagwalang bahala ang kalusugan ng mga bata na siyang kinabukasan ng bansa. Ang ilang araw o buwan ng pagpapaliban ng F2F classes ay hindi naman pagsasakripisyo sa kabuhayan ng bansa. Ang ibig lang na maipaabot, masiguro ang kaligtasan ng mga bata na sasabak sa pagnanais ng DepEd.

Sa kabilang banda, silipin ang pahayag ni Inday Sapak na hindi pipilitin ang mga bata na magsuot ng uniporme sa pagpasok sa paaralan. Tila hindi napag-isipan ang pahayag na ito dahil may kinalaman ito sa usapin pang ekonomiya. Batid ba ni Inday Sapak na mas matipid ang pagsusuot ng uniporme sa halip na sibilyan o wala. Sa ganang ito, hindi magkakaroon ng pagkukumpara sa mga suutin ang mga bata.

Hindi magkakaroon ng diskriminasyon lalo sa mga batang walang kakayahan ang magulang na makabili ng bago at magagarang damit. Sa laki ng budget na nais ng Deped, marahil mas mainam na bigyan ng tatlo o dalawang pares ng uniporme ang mga bata lalo ang mga nasa pampublikong paaralan, malaking kaibsan ito sa mga magulang. Tulad ng libreng mga libro o babasahin, DepEd subukan ang mungkahi sa itaas ng makatulong sa mga magulang at batang kapus sa panggastos.

Sa pagtanaw sa mga balakin ng Kagawaran ng Edukasyon, tila may pinaghahandaang mas malaking scenario na parang may inilalatag ito para sa kinabukasan. Walang pagtutol kung sa kagalingan ng bayan at ni Mang Juan. Subalit kapos sa laman para sa kagalingan ng bayan. Tama na dapat unahin ang edukasyon lalo sa paglalaan ng pondo na may kapakinabangan ang mga bata at magulang na umaasa sa libreng edukasyon. Malaki ang pondong nais ng Kagawaran, walang pagtutol subalit inaasahan na tunay ang layunin sa ibaba, sa pangangailangan, sa karunungan ng mga batang Pilipino, at maging sa usapin ng sahod ng mga guro na ginawa ng obligasyon sa sarili ng mga guro ang bigyan kaalaman ang mga anak ni Mang Juan.

Sa Kagawaran, mariing pag-isipan kung tama ba ang F2F classes sa harap ng banta na muling pagtaas ng C19 sa bansa. Haharap ang mga bata sa panganib kung ‘di masisiguro ang kaukulang proteksyon kontra sa pandemya at ilang water-borne disease. Sa laki ng budget na nais, sana magamit sa tama at kapakinabangan ng lahat, nasa Kagawaran man o sa silid aralan..

Maraming Salamat po!!!

The post F2F MARIING PAG-ISIPAN appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
F2F MARIING PAG-ISIPAN F2F MARIING PAG-ISIPAN Reviewed by misfitgympal on Agosto 11, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.