Facebook

ONLINE SEXUAL ABUSE

Hindi na bago sa ating pandinig ang mga insidente ng pang-aabuso sa mga bata sa Pilipinas.

Kahit sa bahay, eskwelahan, at iba pang lugar ay nangyayari ito.

Magandang balita naman dahil ganap nang batas ang panukala na naglalayong mabigyan ng proteksyon ang mga menor de edad laban sa online sexual abuse.

Sa pamamagitan nito, maaaring masawata ang mga exploitative materials online kung saan ginagamit din ang mga bata.

Kasama raw ang bill sa nag-‘lapse into law’ matapos hindi pirmahan nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Pangulong Ferdinand Marcos Jr., 30 araw makaraang ipadala ng Kongreso sa palasyo ng Malacañang.

Dahil nga rito, batas na ang Republic Act 11930 o “Anti-online sexual abuse or exploitation of children (OSAEC) and anti-child sexual abuse or exploitation materials (CSAEM) Act.”

Aba’y sa ilalim ng RA 11930, oobligahin ang mga social media platform, electronic service provider, at mga internet at financial intermediary na i-block ang mga OSAEC materials.

Sila rin ang makikipag-koordinasyon sa mga law enforcement agencies ukol dito.

Oks na oks ito.

Ito’y dahil mas magiging madali na rin sa mga alagad na batas ang pagsasagawa ng surveillance sa mga iniimbestigahang mga kaso ng OSAEC.

Ngayong manunumbalik na ang face-to-face education, ligtas ba ang mga bata laban sa pang-aabuso?

Sana’y bilisan ang imbestigasyon ng inatasang ahensya, ang National Bureau of Investigation sa mga kaparehong kaso, at bilisan din ng Department of Education (DepED) ang pagtatalaga ng mga safeguards sa paaralan na hindi naman makasasakal sa pang-akademikong paglago ng mga bata.

Sa gitna ng masalimuot na pulitika, ka-toxic-an sa social media, ekonomiyang naghihingalo, huwag nating kalimutan ang mga menor de edad.

Sa bandang huli, sila ang puno’t dulo ng pagsisikap natin bilang lipunan.

Samantala, kung hindi ako nagkakamali, kasama rin sa mga panukala na nag-‘lapse into law’ ang pagtatayo ng mala-Alcatraz na kulungan para sa mga heinous crimes na nasa ilalim ng RA 11928 o “Separate Facility for Heinous Crimes Act.”

Itatayo ito sa lokasyon na tutukuyin ng Secretary of Justice na dapat ay malayo sa matao o pampublikong lugar.

Magtatalaga ng tig-iisang high-level facility sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Naku, kabilang din sa naging batas ang bill na nagsusulong ng mataas na parusa sa magpapaputok ng baril o RA 11926 na may titulong “Penalizing Willful and Indiscriminate Discharge of Firearms Act.”

Nawa’y maipatupad ito nang maayos at maibsan ang mga nangyayaring indiscriminate firing lalo na tuwing holiday season.

* * *

PARA naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat po at stay safe!

The post ONLINE SEXUAL ABUSE appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
ONLINE SEXUAL ABUSE ONLINE SEXUAL ABUSE Reviewed by misfitgympal on Agosto 06, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.