Inihain ni Senator Christopher “Bong” Go sa Senado ang panukalang nagbibigay ng pinalakas na proteksyon, seguridad at mga benepisyo sa mga manggagawa sa media at entertainment.
Sa kanyang panukala, sinabi ni Go na ang media at entertainment workers, bilang bahagi ng labor force, ay gumaganap sa isang mahalagang papel sa lipunan at ekonomiya.
“They provide news, entertainment and other essential contents we need to keep us posted on all the current events happening around us,”sabi ni Go.
Sa likod ng balita, binanggit ni Go na ang mga manggagawa sa media at entertainment ay “sinusuong ang araw at gabi sa gitna ng banta ng COVID-19, para lamang mabigyan ang mga tao ng mahahalagang impormasyon at coverage.”
“Talagang hindi maikakaila ang dedikasyon ng mga manggagawa sa media at entertainment para sa serbisyo publiko,” diin ni Go.
“Bilang pagkilala sa kanilang napakahalagang kontribusyon sa lipunan at sa mga mapanganib na kalagayang nalantad sila sa panahon ng krisis, tama at nararapat na tumbasan ang kanilang pagsusumikap ng makatarungang mga emolument at karagdagang proteksyon sa paggawa sa ilalim ng batas,” dagdag niya.
Sa Senate Bill No. 1183, o ang iminungkahing “Media and Entertainment Workers’ Welfare Act”, layon nitong mabigyan ng pinahusay na proteksyon, seguridad at mga insentibo ang mga manggagawa sa media sa pamamagitan ng karagdagang health insurance package, overtime at night differential pay, at iba pang benepisyo.
Sa ilalim ng batas, dapat ay may kontrata na nilagdaan ang media entity at mga empleyado upang magarantiya ang lubos na proteksyon mula sa hindi makatarungang kabayaran at upang matiyak na ang kanilang mga karapatan at kapakanan ay mahusay na napoproteksyonan at hindi napapabayaan.
Sa pagkabigo na pumasok sa isang kasunduan, ang media o entertainment entity o ang hiring party ay pagmumultahin, depende sa halaga ng kasunduan.
Isinasaad din ng panukala na anuman ang uri ng pakikipag-ugnayan, bayad at mga kaugnay na benepisyo ng mga manggagawa sa media at entertainment ay hindi dapat mas mababa sa pinakamababang pamantayan, gaya ng itinatadhana ng mga nauugnay na batas.
Ang mungkahi ni Go ay nagbibigay din ng mga patnubay para sa mga oras ng pagtatrabaho sa sektor. Ang mga normal na oras ng trabaho ay hindi dapat lumampas sa walong oras, “maliban kung kinakailangan ng mga pangangailangan ng serbisyo”.
Sa ganoong kaso, ang maximum na oras ng trabaho ay hindi dapat lumampas sa 16 oras.
Para sa mga matatandang manggagawa, ang maximum na oras ng trabaho ay hindi dapat lumampas sa 12 oras bawat araw, habang ang oras ng trabaho ng mga bata ay dapat sumunod sa mga probisyon ng Republic Act No. 7610 o ang “Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act at Republic Act No. 9231 o ang “Elimination of the Worst Forms of Child Labor and Affording Stronger Protection for the Working Child Act”.
Magkakaroon din ang mga manggagawa sa media at entertainment ng karapatan sa overtime pay para sa trabahong lampas sa 8 oras. Ito ay alinsunod sa batas o naaangkop na collective bargaining agreement.
Dapat ding ibigay sa kanila ang nightshift differential at ang mga manggagawa sa media na pisikal na mag-uulat para sa trabaho sa mga mapanganib na lugar ay dapat bigyan ng hazard pay.
Bibigyan din ang mga manggagawa sa media ng karagdagang benepisyo sa insurance tulad ng death at disability benefits. Makakatanggap din sila ng reimbursement sa aktwal na mga gastusing medikal kung sila ay naospital o nangangailangan ng medical attendance para sa mga pinsalang natamo habang nasa linya ng tungkulin.
Pangungunahan naman ng Department of Labor and Employment ang paglikha ng isang industry tripartite council for entertainment and news media na maaaring hiwalay o bilang isang industriya. Sila ang magsisilbing plataporma ng industriya at ng mga stakeholder nito sa pagbuo ng patakaran at mga programa na makakaapekto sa kanila at sa industriya sa kabuuan.
“Bilang mambabatas, asahan ninyo na patuloy kong isusulong ang mga panukalang batas at susuportahan ang mga programa upang mas lalong maprotektahan ang inyong mga karapatan at mas isulong ang inyong kapakanan,” ani Go.
The post Pinalakas na proteksyon, benepisyo sa media, entertainment workers itinulak ni Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: