MARAMING “sasabit” sa hanay ng kapulisan kapag mahigpit na pinanindigan ng kauupong PNP Director General, Rodolfo Azurin Jr. ang paglilinis ng kanilang hanay batay sa naunang polisiya ng Philippine National Police (PNP) na Internal Cleansing sa loob ng naturang organisasyon.
Kabilang daw sa posibleng sumabit ay sina National Capital Region Police (NCRPO) Director, PBG Ulysses G. Cruz at Caloocan City Police Chief, P/Col. Samuel Mina Jr. dahil sa di masugpong operasyon ng saklaan ng isang Lucy sa siyudad ng Caloocan.
Hindi naman natin pinararatangan na protektor ng sakla operator na si Lucy sina PBG Cruz at Col. Mina Jr. na talamak ang operasyon sa halos lahat na 188 na barangay ng siyudad.
Samantala, tulad ng dati nang nakagawian, tiniyak din ng bagong PNP Chief na ipagpapatuloy nito ang Internal Cleanliness Policy ng kanyang hinalinhang mga PNP director general.
Hindi ibig sabihin nito ay ang literal na pagpupunas ng sahig at pagwawalis ng bakuran, kundi ang pagdidisiplina sa mga tiwali, walang kakayahan at hindi karapat-dapat sa pwestong mga opisyales at kagawad ng kapulisan.
Hindi naman ibig ding sabihin na limitado lamang sa mga pulis na nasa mababang hanay ang implimentasyon ng Internal Cleansing. Hindi rin ibig sabihin na walang pananagutan ang mga regional at provincial director at iba pang matataas na pinuno ng kapulisan sa mga pagkukulang ng kanilang mga tauhan.
Kaakibat ng pamumuno sa organisasyon ay ang responsibalidad at mabigat na pananagutan,kaya ang mga regional at provincial directors at iba pang PNP officer na nabigyan ng kapangyarihan sa bisa ng mandato ng police service ay may kabalantay na pananagutan batay sa doktrina ng command responsibility.
Kaya kung sakaling may pagkukulang at pagpapabaya sa kanyang tungkulin ang tulad ni Caloocan City Police Chief, Col. Samuel V. Mina Jr., dahil sa di pag-aksyon nito laban sa talamak na pasakla at ng bentahan ng droga ni Lucy sa 1st, 2nd at 3rd District ng Caloocan City, ito ay hindi nagsosolong kakukulangan ni Col. Mina Jr.
Bilang nakatataas na pinuno na sumasaklaw kay Col. Mina Jr., ay may sagutin din si PBG Ulysses G. Cruz sa possible ngang mga kapabayaan at pagkukulang sa tungkulin ni Col. Mina Jr.
Sakaling hindi nagagampanan ng maayos ni Col. Mina Jr., ang pagigigng hepe ng isa sa premyadong siyudad ng bansa tulad ng Caloocan City ay walang karapatang manatili pa ito bilang police chief ng naturang lungsod.
Hindi maituturing na asset si Col. Mina Jr. ng PNP kundi isa marahil liability ito. sa larangan ng serbisyo ng kapulisan.
Kaya kung nagpapabaya nga ito at walang kakayahang supilin ang operasyon ni Lucy, ang itinuturing na notoryus na “Sakla at Drug Queen” hindi lamang ng siyudad ng Caloocan kundi maging ng Metro- Manila ay di lamang dapat kastiguhin ni PBG Cruz si Col. Mina Jr.
Kung kailangan ay sibakin pa sa puwesto at kasuhan pa ni PBG Cruz ang tulad ni Col. Mina Jr. ay dapat niyang gawin, para maipakitang di ito nagtatakip sa kakulangan at kasalanan ng kanyang tauhan.
Batay sa ating police insider ay umaabot na halos ay may 70 saklaan ang nailatag ni Lucy sa Caloocan City. Nadagdagan pa ito pagkat napasok na din pala ni Lucy maging ang mga barangay na nasa boundary ng Malabon-Caloocan City at Navotas.
Hindi lamang ang mga squatters’ area ng Dagat-Dagatan at Bagong Barrio sa lungsod ng Caloocan kundi maging ang mga barangay ng Tugatog sa Malabon City at Dagat-Dagatan sa Navotas ay nalatagan na din ni Lucy sa tulong ng kanyang kanang kamay na si Marlyn.
Si Marlyn ay ang tagahatag ng intelhencia o lagay sa ilang nanghihimasok na opisyales ng Caloocan City Police, NCRPO, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), National Capital Region Police Office (NCRPO) at National Bureau of Investigation (NBI).
Sa bendisyon ng isang alias Oyie, ang gurang at salot na si Lucy ay naunang nakapaglatag noong July 15, ng higit pa sa 50 mesa ng saklaan sa tatlong distrito ng Caloocan City, pinakamarami nito ay sa mga squatters’ area tulad Dagat-Dagatan sa 2nd District at Brgy. Bagong Barrio sa Unang distrito. Nadagdagan ang bilang ng mga saklaan ni Lucy nang mapasok na din nila ang mga laylayang barangay ng Malabon City at siyudad ng Navotas.
Kung saan nakalatag ang mga mesa ng saklaan ni Lucy ay doon din talamak ang bentahan ng shabu sa nasabing siyudad tulad nga ng Dagat-Dagatan at Bagong Bario na dati ring pugad ng mga kawatang “TirTir Gang”, ang mga mandurukot na Ilongo Group na kung tagurian din ay ” walwal at palagas”, salisi, akyat-bahay, holdaper, snatcher at iba pang masasamang elemento.
Ang mga salot na ito ng lipunan ay nasupil ang kasamaan pagkaupo ni ex-Mayor na ngayon ay 1st Congressman Oscar Malapitan, kaalinsabay ng pagwawalis nito laban sa masasamang loob na noon ay nagkukuta sa Monumento area.
Sinalakay naman kamakalawa ng mga kagawad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang drug den sa squattter’s colony sa Brgy. Bagong Barrio kung saan sangkaterba din ang mga nagsusugal sa mga sakla table ni Lucy.
Naaresto ng PDEA operatives ang mga drug dealers na kinabibilangan pa ng isang tauhan ni Col. Mina Jr. na may ranggong police corporal. Nakatakas naman ang isa pang miyembro ng Caloocan City Police na pinaniniwalaang sangkot din sa drug trade. Nakumpiska ng mga operatiba ang shabu na may halagang Php 3.4 milyon. Gayunman di nagalaw ng mga PDEA ang saklaan doon ni Lucy.
Wala pang ulat kung may aksyon na ang bagong Caloocan City Mayor Dale “Along” Malapitan, anak ni ex-Mayor Oca laban kay Lucy at sa mga alipores nitong sina Marlyn at Oyie.
***
Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; sikretangpinas@gmail.com.
The post PROTEKTOR NI LUCY, SABIT SA INTERNAL CLEANSING! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: