Facebook

FERDINAND MARCOS (Unang Bahagi)

HANGGANG ngayon, may ilang netizen ang nagtatanong sa amin kung ano ang naging buhay ni diktador Ferdinand Marcos ng maging destierro (exile) sa Hawaii matapos ang makasaysayang 1986 EDSA People Revolution na nagpatalsik sa kanya sa poder. Alam namin na malungkot at sakitin si Marcos sa Hawaii. Bagaman manaka-nakang pumasok ang mga balita tungkol sa mga nangyari kay Marcos noong panahon na destierro sila sa Hawaii, nagkaroon ng kumpirmasyon ang mga balita ng nalimbag at lumabas sa publiko noong 1991 ang aklat na isinulat ng namayapang Col. Arturo Aruiza, ang matapat na aide-de-camp ni Marcos.

Umabot sa 490 pahina ang aklat na pinamagatang “Malacanang to Makiki.” Isinulat ni Aruiza at inilimbag dalawang taon matapos mamatay si Marcos ng pneumonia sa Hawaii noong ika-28 ng Setyembre, 1989. Maraming detalye ang kinalap at inipon ni Aruiza habang buhay si Marcos. Nagsulat at nagtago siya ng pansariling talaarawan (diary) at dinala niya ang mga papeles at katibayan noong bumalik siya sa Filipinas matapos namatay si Marcos. Hindi siya kinasuhan. Matibay na batayan ang aklat ni Aruiza upang malaman kung ano ang nangyari kay Marcos sa Hawaii. Hindi nagkaroon ng pagkakataon na muling makatapak si Marcos ng buhay sa Filipinas mula noong itinapon siya sa Hawaii.

Mula sa Hickam Base kung saan doon dinala ang pamilya Marcos mula Filipinas noong umaga ng ika-26 ng Pebrero, 1986, nanirahan si Marcos at pamilya sa Makiki Heights, isang tanging lugar para sa mga maykaya sa Honolulu, ang pangunahing siyudad ng Hawaii. Doon siya namalagi ng tatlong taon at kalahati hanggang namatay. Ayon kay Aruiza, hindi naging maganda ang buhay ng mga Marcos dahil kailangan nilang makihalubilo at pakisamahan ang mga sumusunod:

• una, mga maingay at hindi makontrol na tagasuporta at ilang humingi ng pabor na hindi nakatulong sa planong pagbabalik ni Marcos sa Filipinas;

• pangalawa, mga manggantso at manloloko na karamihan ay mga Amerikano bagaman may ilang Filipino na pawang naghanda at nagpakita ng ilang plano kung paano babalik si Marcos sa Filipinas at patalsikin si Cory Aquino, bagaman walang nangyari at pinasuka lang si Marcos ng napakalaking halaga;

• pangatlo, mga abogado na kumakatawan sa kanya sa Estados Unidos sa mga asuntong iniharap laban sa kanya ng gobyerno ni Cory Aquino at Washington na sa dakong huli ay naningil sa kanya ng mga daan-daan libong dolyares na kabayaran; at

• pang-apat, mga opisyales ng Immigration at Customs ng Estados Unidos na hindi nagbigay sa kanya ng tratong paggalang bilang isang dating pangulo.

Tiniis lahat ni Marcos ang mga iyan. Bukod diyan, iniwan siya sa dakong huli ni Heneral Fabian Ver na nanirahan sa Singapore hanggang namatay. Iniwan siya ni anak na si Imee at asawa noon na si Tommy Manotoc at nabuhay sa ibang bansa. Buhay binata at pakawala ang buhay ni BBM. Maraming mapait na alaala si Aruiza tungkol sa buhay ni Marcos sa Hawaii at kanyang sinariwa ang mga ito sa kanyang aklat. Malayong-malayo sa buhay ang diktador noong nasa kapangyarihan siya. Hindi niya kontrolado ang maraming bagay kaya nagdesisyon siya na bumalik sa Filipinas bagamat hindi nagkatotoo ang kanyang balak.

Sa kanyang aklat, kinumpirma ni Aruiza na pinapaniwala ng mga Amerikano si Marcos na dadalhin siya mula Malacanang sa Laoag City kung saan plano niyang itatag doon ang kanyang “interim government.” Natunugan ng kampo ni Cory Aquino ang plano Marcos kaya pinilit niya na imbes sa Laoag City, dalhin siya sa ibang bansa bilang destierro. Inamin ni Aruiza na sa pakiwari ng gobyerno ni Ronald Reagan na hindi maganda sa katatagan at katahimikan ng sambayanang Filipino kung mananatili si Marcos sa Filipinas. Ito umano ang dahilan upang sapilitang dalhin si Marcos at pamilya sa Hawaii.

Masama umano ang loob ni Marcos sa maraming tagasuporta ang bumaligtad sa kasagsagan ng mapayapang himagsikan sa EDSA. Kasama ang mga pulitiko at heneral sa militar na kanyang inalagaan at binuhay ang career noong siya ang nasa poder. Hindi sukat akalain ni Marcos na sila umano ang mga unang bumaligtad ng sumiklab ang himagsikan sa EDSA. Para kay Aruiza, isang malaking sabwatan ng U.S. State Department at kampo ni Cory Aquino ang pagbagsak at pagpapatalsik kay Marcos sa poder. Sila ang pinagbuntunan niya ng sisi.

Maraming nanloko kay Marcos. Pinagsamantalahan ng mga manggantso ang marubdob niyang hangarin na bumalik sa Filipinas at lumisan sa Hawaii upang mamuhay sa ibang bansa huwag lang ang Estados Unidos na sa kanyang akala ay ilulubog lang siya. Habang nasa Hickam Base sila, lumapit ang isang Dr. Ross na nagpakilalang kinatyawan umano ng Ghana, isang bansa kanlurang Africa. Nag-alok na bibigyan ng kanlungan si Marcos doon. Ngunit nang beripikahin ni Gemmo Trinidad na pumunta doon, sinabi niya na wakang makabagong telekomunikasyon at pagamutan ang Ghana. Mamamatay lang si Marcos doon, ani Aruiza.

Noong kasagsagan ng EDSA Revolution, nag-alok ng asylum ang Singapore, ani Aruiza, ngunit nang tanungin ni Marcos kung nandoon pa ang alok ni Lee Kuan Yew, tahasang sinabi sa kanyan ng Singapore na wala na iyon, aniya. Dahil hindi sanay si Marcos sa kabagutan ng pagiging destierro, nagdesisyon siya na bumalik sa Filipinas kahit makialam ang ibang bansa at hindi pumayag ang Estados Unidos. Kinokonsidera ang ilang alok ng pagtulong. Nakipag-usap siya sa Hari ng Tonga, isang bansa sa gitna ng Dagat Pasipiko. Pumayag ang hari na mamalagi doon si Marcos sa kondisyon na magpapagawa siya ng makabagong paliparan (airport) at mga hotel. Nag-aalok umano ang Paraguay ng asylum sa kundisyon na gagamitin niya ang nakaw na yaman sa pagpapa-unlad ng bansa.

Kinonsidera ni Marcos ang alok mula sa isang ahente umano ng bansang Mexico upang lumipat siya doon. Ngunit nagkaroon ng problema ang ahente na si Jesse Monroy na ginipit ng mga taong gobyerno ng Mexico at Estados Unidos. Sinikap ni Marcos lumipat sa Espanya, ngunit walang nangyari. Dinala ni Orlando Dulay, isang retiradong koronel ng nabuwag na Phil. Constabulary colonel, dating kasapi ng Batasang Pambansa at gobernador ng Quirino, ang dalawang kaibigan na Amerikano na nagtatrabaho sa CIA – Col. Roberto Steele and Gen. Lee Dicker. Ayon kay Aruiza. Ipinanukala ni Dulay na magtrabaho ang dalaswang Amerikano sa kanyang pagbabalik sa Filipinas kapalit ang $180,000. Ngunit kinumpirma ng State Department na mga m,anloloko ang dalawang Amerikano. (Itutuloy)

***

MGA PILING SALITA: “Naalaala ba ninyo si Francis Tolentino gustong dagdagan ng isang bituin ang watawat ng Filipinas, o si Dick Gordon na nais dagdagan ng isa pang sinag ang watawat pa rin ng bansa? Sino ang makakalimot kay Tito Sotto na gustong palitan ang ilang linya ng pambansang awit, o si Rodrigo Duterte na gustong palitan ang pangalan ng Filipinas ng Maharlika. Pamatay si Rodente Marcoleta na pinalitan ang pamagat ng pambansang awit ‘Lupang Hinirang’ at ginawang Bayang Magiliw.’” – PL, netizen

“In their heydays, Ferdie basked in his imagined heroism while Meldy basked in her imagined royalty. – Sahid Sinsuat Glang, retiradong sugo

The post FERDINAND MARCOS (Unang Bahagi) appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
FERDINAND MARCOS (Unang Bahagi) FERDINAND MARCOS (Unang Bahagi) Reviewed by misfitgympal on Setyembre 11, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.