HINDI nagbago ang gawi ni Inday Sapak kahit wala na sa pwesto ang ama. Ang napanalunang pwesto bagaman pangalawa sa pinakamataas sa bansa, masasabing wala itong lakas sa pamahalaan. Sa pagsuma ng gawi nito sa kasalukuyan, tila bagyo ito sa kasalukuyang pamahalaan dahil nakukuha nito ang maibigan. Sa paghahanda lang ng pondo para sa kagawarang pinamumunuan, hindi ito sumusunod sa nais ng DBM, sa halip ang nais nitong kaperahan ang itinuloy sa halip sa budget na inilaan ng kagawaran ng kalihim ng DBM. Ang nais nitong limpak – limpak ang pondo tuwirang hiningi sa Kongreso at hindi ito nagdalawang isip na ibinigay kay Inday Sapak.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang palad nito dahil sa pag-alis ni Boy Pektus patungo sa opisyal na biyahe sa mga karatig bansa, walang pagdududa at ito ang nabiyayaan na maging OIC ng bansa sa kauna – unahang pagkakataon sa aking kamalayan. Tila may patikim ang umalis na pangulo kay Inday Sapak na damahin ang pagiging pangulo ng bansa kahit sa maikling panahon.
Para bang sinusukat ang kakayahan nito sa pagpapatakbo ng bayan o pinag on-the-job-training sa ngalan ng Inutile. Boy Pektus baka masiyahan si Inday Sapak sa trabahong pansamantalang inatang at makalimutan na pansamantala lamang ang pagkakatalaga. Sa paglasap sa panguluhan, huwag magtaka sa kumikilos na parang barakong agila na ang maibigan ay dinadagit. At itulak si Boy Pektus sa paglalakbay at maging permanent OIC ng bayan. Hindi malayong ito’y maging kaganapan lalo’t ambisyosa ang buraot na hindi kumikilala sa batas. Ang kapritso nito lalo sa malalaking pondo’y dapat bantayan nang hindi maging problema sa kinabukasan.
Sa kabilang banda, ibig ni Inday Sapak na ulitin ang pagbili ng mga laptop para sa mga guro. Ang masakit, hindi pa tapos ang usapin ng korapsyon sa kagawaran, at eto nais na naman ng bagong anomalya. Sa kaayusang ito, kailangan ng rank-and-file employees ng DepED na maging mapagmatyag at baka gawin itong accomplishment laban sa pandarambong. Huwag magpadala sa ginagawang paglilinis kuno, maging ang pagbuo sa isang committee na magtitiyak na walang korapsyon sa kagawaran. Damdamin ang kilos ng kalihim ng di matisod sa patibong na ginagawa nito. Tandaan, ambisyosa ang kalihim at kayang isugal kahit ang pinakamaliit na personnel sa nasasakupan.
Silipin ang walang kwentang palakad ni Inday Sapak sa paghawak sa DepEd dahil hindi ito tumatanggap ng mungkahi sa sino man at ang gusto ang siyang dapat masunod. Sa pagtaas ng nagkakaroon ng C19 sa bansa, hindi natinag si Inday Sapak sa kaganapan ng pagsirit ng C19 at patuloy ang nais na F2F sa mga klase sa buong bansa. Hindi malinaw ang paghahanda sa antas ng kagawaran sa kung paano maiiwasan ang pagkakahawaan, pero tuloy ang gusto ng kalihim na bagyo ang dating. Malinaw na hindi team player si Inday Sapak at walang makakapigil sa ibig nito. Sa totoo lang, mababaw ang kalidad ni Inday Sapak sa pagpapatakbo sa DepEd, paano pa kung bayan ang pag-uusapan.
Sa kabilang banda, nagsumite ang Office of the Vice-President ng budget na P2.2B at P500M ang gagamitin sa Intel Fund ng opisina na hindi na kailangan nang busisiin ng COA. Sa pahayag ng OVP, nariyan na ang pondong gagamitin sa mga social services na gawain na ng DSWD. Sa totoo lang mukhang kabisado ang programang pamimigay ng kalihim ng DSWD bakit kailangang pumapel ang OVP sa ganitong programa. O’ sadyang ito lamang ang alam na trabaho ni Inday Sapak. Dahil ang ibig nitong programa’y yung hindi kailangang pag-isipan, ang mag-abot ng ayuda at maging palaasa ang mamamayan ay sapat na kay Inday Sapak.
Ang pondong nabanggit ang inaasahan na magdadala sa Office of the Vice-President para maalala ni Mang Juan. Subalit, hindi trabaho ng OVP na tiktikan ang ano mang grupo na kalaban ng pamahalaan. O baka gagamitin ang pondo sa trolls operation ng nasabing opisina, nagtatanong lang po. Ang maglagay ng napakalaking pondo sa OVP at sa Intel fund ay isang wow mali at pagsangayon sa kapritso ni Inday Sapak. Di pa ba sapat ang pondo sa DepEd?
Halatang obvious ang kilos ng OVP / DepEd, sa aga ng panunungkulan sa isip ni Inday Sapak ang magbigay ng totoong serbisyong bayan, una ang pangarap bago ang bayan. Ang programang magkaroon ng utang na loob ang maraming Pinoy ang ibig ni Inday Sapak dahil sa pangarap na upuan. Kesehoda na nabaon sa utang ang bayan, basta’t matupad ang pangarap para sa sariling kinabukasan. Dahil batid na matanaw ang Pinoy sa utang na loob, ito ang nais panghawakan. Ang programang bigay na walang pagmumulat ang magdadala dito sa nais na upuan. Sa totoo pa rin, hindi mahihirapan si Inday Sapak sa paghingi ng pondo para sa mga opisinang hawak nito dahil sa magandang pagdala nito sa mga kandidatong walang panalo ngunit sumabit. Habang sa lokal na halalan nariyan ang pagbibitaw ng pondo na ginamit ng mga kapanalig na nagluklok sa kanila bilang kinatawan. Maging sa mga party list group nakasakay at ngayo’y maingay sa pagsuporta sa nais ni Inday Sapak.
Sa haba ng panahon para sa susunod na halalan, tandaan na kung sino ang nakatadhana ang langisan sa kinabukasan. Ang maagang paghahanda’y ‘di katiyakan na nasa kamay ang tagumpay. May kaganapang na mangyayari na gugunaw sa ambisyon ng Inferior Davao Group na magbalik sa poder ng pamahalaan. Walang makapagsasabi na abot kamay ang upuan nais at madalas na naunsiyame dahil sa ‘di makatarungan ambisyon. Maraming dahilan sa ‘di pagkakamit dahil hindi ito ang nais ng sanlumikha. Tandaan Inday Sapak, kahit ang amang naupo sa puno ng Balite ng Malacañang ang nagsabi na hindi niya akalain na makukuha ang tagumpay sa halalan noong 2016. Kaya Inday Sapak, huwag magpakampante sa dami ng pera na maaaring magamit sa paghahanda sa kinabukasan.
Ang ipinapakitang lakas sa bayan ang magdadala sa iyo sa malakas na lagapak. Ang kapritso mo ngayon ang magiging kawalan mo sa darating na panahon. Ang kawalan ng kakayahan sa anumang laranga’y kita na ni Mang Juan at ito ang gagamitin sa pagmumulat sa bayan. Ang mga trolls na popondohan ng Intel Fund ay pansamantala lamang. Asahan na may katapat ang kapritsong tangan. Darating at darating ang aberya na magpapalagapak sa iyo sa kinabukasan. Baguhin ang ugaling ang nais ang dapat dahil ito magbabago sa pangarap sa kinabukasan.
Maraming Salamat po!!!
The post KAPRITSO NI INDAY SAPAK appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: