Binati ni Senate committee on sports chair, Senator Christopher “Bong” Go si pole vaulter Ernest John “EJ” Obiena sa kanyang sunod-sunod na pagkapanalo sa kamakaila’y mga internasyonal na kompetisyon.
Noong Setyembre 2, ginulat ni Obiena ang lahat sa pamamagitan ng pagbigo sa world champion na si Armand Duplantis at pag-clear sa 5.91 metro upang makuha ang ginto sa Brussels Diamond League sa Belgium.
Sa nakaraang dalawang linggo, pinamunuan din ni Obiena ang Internationales Stabhochsprung-Meeting, True Athletes Classics, at St. Wendel City Jump sa Germany.
Ang pinakabago, noong Setyembre 4 ay nakuha niya ang pilak na medalya sa Internationales Stadionfest Berlin sa Germany.
“Nais kong batiin si EJ Obiena sa kanyang mga tagumpay sa palakasan at sa pagbibigay ng karangalan sa bansa,” sabi ni Go.
“Saludo po ang buong bansa sa iyong mga tagumpay,” idinagdag ng senador.
Binati rin ni Go si Obiena sa kanyang record-breaking na tagumpay sa Hanoi Southeast Asian Games noong Mayo ngayong taon.
Sa isang video message, nagpahayag naman ng kanyang pasasalamat si Obiena sa senador sa pagsuporta sa mga atletang Pilipino.
“Senator Bong Go, maraming salamat sa inyong pagsuporta sa mga atleta. Maraming salamat po. Ito ay para sa Pilipinas. It wouldn’t be possible without you po,” ang sabi ng national pole vaulter.
Sa kanya namang pahayag, sinabi ni Go na bilang senador at sports advocate, tungkulin niya na suportahan ang mga atleta ng bansa.
“Huwag kayong magpasalamat sa amin kasi ginagawa lang namin ang aming mga trabaho. Kami ay dapat magpasalamat dahil nabigyan kami ng pagkakataong makatulong na gawing sports powerhouse ng Asya ulit ang Pilipinas,” ani Go.
“Salamat sa iyo at sa lahat ng mga atleta natin sa inyong mga pagsisikap na mabigyan ng karangalan ang ating bansa. Ang inyong mga panalo ay nagbibigay ng pag-asa at inspirasyon sa ating mga kababayang patuloy na nilalampasan ang pandemya at iba pang hamon sa katatagan ng ating pagka-Pilipino,” dagdag ni Go.
Noong nakaraan, tumulong si Go sa pagresolba sa hidwaan ni Obiena at ng Philippine Athletics Track and Field Association sa pamamagitan ng paghimok sa Philippine Sports Commission na pabilisin ang mediation proceedings.
Binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga Pilipino at walang patid na suporta, lalo na sa palakasan kung saan nakataya ang karangalan ng bansa.
Masugid na tagapagtaguyod ng pagpapaunlad ng palakasan sa bansa, si Go ang sumulat at nag-sponsor ng Republic Act No. 11470 na nagtatag ng National Academy of Sports noong 2020.
Ang nasabing batas ay naaayon sa bisyon ni Go na magbigay ng dedikadong learning facility kung saan ang mga promising young athletes ay mas mahahasa pa ang mga talento habang nakakukuha ng dekalidad na edukasyon. Ang NAS Main Campus ay matatagpuan sa New Clark City Sports Complex sa Capas, Tarlac.
Bilang isa sa kanyang mga priority measure sa 19th Congress, inihain din ni Go ang Senate Bill No. 423, o ang panukalang Philippine National Games Act of 2022, upang magbigay ng istruktura para sa mas komprehensibong national sports program na nag-uugnay sa grassroots sports promotion sa national sports development.
The post Sunod-sunod ang panalo sa int’l competitions: ‘EJ OBIENA, SALUDO KAMI SA’YO’ — BONG GO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: