Iginiit ni Senador Christopher “Bong” Go ang kanyang suporta sa Senate Bill No. 1310 o panukalang “Subscriber Identity Module (SIM) Card Registration Act”, na naglalayong puksain ang paglaganap ng spam messages at iba pang mapanlinlang na aktibidad sa cellular phone.
Si Go ay isa sa co-sponsor at co-author ng panukala.
Sa ambush interview matapos personal na tulungan ang mga biktima ng Super Typhoon Karding sa San Miguel, Bulacan, sinabi ni Go na maraming Pilipino ang tinatarget ng mga text scam, ang ilan ay gumagamit pa ng kanyang pangalan.
Ito, bukod sa iba pang mga kadahilanan, ang nag-udyok sa kanya upang isulong ang panukala.
“Alam n’yo marami pong nanloloko using text messages, itong text scam. Ako po biktima po ako, ginagamit ‘yung pangalan ko,” ani Go.
“Napapanahon na po para maipasa po ito basta maayos lang ang restrictions at masunod lang po ang karapatang pantao rin po dito,” idinagdag niya.
Kung magiging batas, kakailanganin ng mga mamimili na irehistro ang kanilang mga SIM card bago sila i-activate sa pamamagitan ng pagsumite ng isang kumpletong form sa pagpaparehistro at isang balidong ID ng gobyerno o iba pang kinakailangang mga dokumento ng pagkakakilanlan.
“Importante rito registered po ‘yung ating SIM para alam natin kung sino po ‘yung bumili ng SIM at gumagamit, para po kung gamitin po ito sa mga kriminal na aktibidad ay mahuli po kaagad at ma-identify,” anang senador.
“Malaking bagay po ‘yun at maiiwasan itong mga text scam, maiiwasan po ‘yung panloloko sa ating kapwa,” dagdag ni Go.
Sa sesyon ng plenaryo ng Senado noong Setyembre 13, nagpahayag si Go ng isang co-sponsorship speech na sumusuporta sa panukalang batas.
Binanggit niya ang delubyo ng gobyerno sa mga ulat ng scam sa telepono at iba pang kriminal na aktibidad na ang ilan ay nagsasangkot pa ng mga mensahe na naglalaman ng sensitibo o pribadong impormasyon tungkol sa mga tatanggap.
“Ang nakakaalarma po talaga dito, gaya ng nabanggit ng ating mga kasamahan noong nakaraan, ang ilan po sa mga scam messages ay naglalaman ng pangalan ng mga recipients. Kung minsan po ay buo pa ang pangalan na nakalagay sa mga text messages na ito,” sabi ni Go.
“Nakapagtataka po kung saan at paano nakuha ang mga impormasyon na ito. Nakababahala rin po kung gaano kadalas makatanggap ng scam at spam messages ang recipients,” dagdag ng senador.
Kumpiyansa si Go na kung maipapasa ang panukala, mapipigilan nito ang mga manloloko at gagawing mas ligtas na lugar ang internet para sa mga Pilipino.
“Naniniwala ako na sa pamamagitan ng pagpasa ng panukalang ito, mapoprotektahan natin ang privacy at impormasyon ng ating mga kapwa Pilipino. I will always be in support of the protection of the interest and welfare of our kababayan,” idiniin ng mambabatas.
The post Go: SIM Card Registration Bill malaking tulong vs krimen, text scammers appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: